✒
Siguro, hindi ko nailimbag
ang mga paruparo sa
mga sulok ng iyong tiyan;
pinalutang ko lamang
sila't hinayaan na dumuyan
sa damdamin mong biglang
kumislap nang minsang
magtagpo sa daan
ang ating mga mata
Hindi ko sila napagsabihan
na manatili doon nang matagal—
basta ba't pinalaya ko lang
nang walang dahilan;
walang bakas ng pamimilit,
lubos na nagkusa silang dumaan
at nanahanan nang pansamantala
sa iyong tiyan kaya nang minsang
nagbago ang damdamin ay kusa
rin silang umalis
nang walang paalam
Muli tayong nagtagpo
at muling nagkasalubong
ang ating mga mata;
nangungusap na unibersong
may nais ipahiwatig,
huminto ang mundo
at nagbago ang himig
ng aking balintataw noong
makita kita
Ngunit nang muling sumulyap,
ang kislap sa iyong puso'y
nabigo sa paghanap
ng koneksyon patungo
sa aking mga mata
Humakbang ka't nagkunwari
na hindi mo na ako kilala
at ang dating paruparo
na sa iyo'y inialay
ay lumipad at sumama sa akin;
sa iyong tiyan, sila'y
naglaho na—MLD
BINABASA MO ANG
PARALUMAN
PoetryMga pahinang naglalayong magmulat sa mga tulog na sistemang nanalaytay sa diwa ng santinakpan - isang antolohiya ng mga tula at prosang damdamin at realidad ang likas na laman.