"Hoy, Rose! Saan ka naman pupunta?" sigaw sa'yo ng nanay mo bago ka umalis ng bahay.
Nagmamadali kang lumabas kaya pasigaw ka na lang ding sumagot. "Practice!"
"Umuwi ka rin agad!" pahabol niya pang bilin.
Ayaw mo sana, pero para hindi na humaba pa, sumagot ka na lang ng, "Opo!"
Nagmamadali kang pumunta sa plaza kung saan kayo madalas mag-practice. Napangiti ka nang makitang wala pang gaanong tao, kaya gaya ng nakasanayan, pinatugtog mo ang speaker at sinimulang sumayaw sa saliw ng paborito mong kanta.
Naupo ka sa isang bench nang makaramdam ka ng pagod. Napatingin ka sa pader. Naroon pa rin ang painting niya. 'Yong pader kung saan siya nagpipinta nang una mo siyang nakilala.
"Rose, game na!" yaya sa'yo ng kaibigan mong si Erica. May sasalihan kasi kayong sayaw kaya kailangan niyong mag-practice nang mabuti.
Kasama ang iba mo pang kaibigan, pinatugtog mo ang musika at nagsimula kang umindak kasabay ng kanta.
Sa bawat pagsabay mo sa kanta, binibigyan ka nito ng kakaibang sigla na nagdadala sa puso mo ng ligaya at kakaibang kaba.
Hanggang sa napahinto ka nang tumama sa ibang direksyon ang iyong mga mata. Napangiti ka at talagang humanga sa kaniya at naitanong mo, "Sino kaya siya?"
May dala siyang spray paint at nagpipinta sa pader. Nakangiti siya at nakuha niya talaga ang atensyon mo.
Kinabahan ka nang mapalingon siya sa gawi mo kaya napaiwas ka ng tingin at ibinuhos na lang sa pagsasayaw ang kaba. Pero, napansin mo na sa bawat pagtingin mo sa kaniya, tinitingnan ka rin niya habang nakangiti siya.
Doon ka nakaramdam ng kaba, kaba na sa pagsasayaw mo lang nakukuha.
Napabuntong hininga ka. Malabo na kayong magkita, kasing labo ng bagay na ipininta niya. Nalipasan na ng panahon, malamang hindi mo na maibabalik ang mga alala ng kahapon.
Muli kang tumayo at sisimulan sana ulit ang pagsayaw. Subalit napahinto ka sa paghakbang ng may gumulong ng spray paint sa iyong paanan.
Kinuha mo ang spray paint saka mo ito tinitigan. Parehong kulay at brand.
Unti-unti mo siyang naalala, kasabay nang pagdaloy sa iyong isip ng mga araw na kayo ay masayang magkasama, magkasamang magsayaw, magpinta at kumanta. Pero nabalot ka ng lungkot dahil kasabay nang pagbabalik ng maliligayang alaala, ang katotohanang iniwan ka niya at pinili kung saan siya sasaya.
Iginala mo ang iyong paningin sa pagbabakasakaling makita mo ang taong gusto mong makita. Pero napabuntong hininga ka na lang dahil walang senyales na nasa paligid siya. Kaya kinuha mo ang speaker at sumayaw na lang kasabay ng musika.
Nasa kalagitnaan ka ng kanta nang magulat ka dahil tumigil ito bigla. Tagaktak ang pawis na napalingon ka sa presensiyang hindi mo inaakalang makikita mo pa.
"Sumasayaw ka pa rin?" nakangit niyang bungad.
Nangatog ang iyong tuhod hindi dahil sa pagod, bagkus dala ng takot at kaba na baka ikaw ay namamalikmata.
Totoo ba? Narito siya? Nagbalik siya?
Napag-alaman mong hindi ka nananaginip nang lumapit siya sa iyo at pitikin ang iyong noo.
"Hindi ka pa rin nagbabago, langga ko," nakangiti niyang sabi habang nakatingin sa iyo.
Biglang bumilis ang tibok ng puso mo, kasabay ng luhang bumalong sa mga mata mo. Hindi ka makapaniwala na sa tinagal-tagal ng mga araw na naghintay ka sa pagbabalik niya, babalik rin siya para makasama ka.
Pinunasan niya ang luhang hindi maampat sa pisngi mo sabay sabing, "Kumusta ka na? Na-miss kita, langgang ko."
Gustuhin mo mang magsalita, pinangungunahan ka ng sayang gusto nang sumabog mula sa puso mo. Sa wakas, kasama mo na ang taong nagbigay ng kulay sa mundo mo.
Nabigla ka nang hilahin ka niya palapit at niyakap nang mahigpit. "Sorry kung umalis ako, langga. Akala ko roon ako magiging masaya. No'ng nawala ka, saka ko lang nalaman na sa iyo pala ako sasaya. Patawad, langga. Pangako, rito lang ako sa tabi mo at hindi na ko lalayo."
Kulang ang salitang maligaya para ilarawan ang iyong nadarama. Sa tagal ng mga araw, buwan at taong hinitay mo siya, ngayon ay magkasama kayo at hindi na magkakahiwalay pa.
"I love you, langga," wika niya.
"Mahal na mahal din kita, langga," sagot mo habang yakap yakap mo siya.
"Tara na. Sayaw ulit?" alok niya.
Tumawa ka at pinagbigyan naman siya. Umindak kayo sa saliw ng paborito niyong kanta, habang ang mga puso niyo ay nakikisayaw at nakikisaya sa walang hanggang ligaya.
BINABASA MO ANG
SAYAW NG PUSO (ONE SHOT)
Short StoryKusang bumibilis ang tibok ng puso mo sa bawat hakbang ng iyong mga paa, saliw ng mga kamay, at indak ng katawan sa anumang tugtog na sasabayan. Ito ang mga bagay na nagbibigay sa'yo ng saya at kakaibang kaba. Hanggang isang araw, bigla na lang bumi...