Nakaw na Sandali

6 0 0
                                    

Nakaw na Sandali

Ako ngayon ay pauwi na mula sa paaralan dala ang aking mga libro, kuwaderno, at marami pang ibang gamit sa paaralan. Ako ay naglalakad habang nakayuko kaya hindi ko napansin ang taong sasalubong sa akin dahilan ng pagtama ng aming mga balikat at pagkahulog ng aking mga gamit. Dali dali akong humingi ng paumanhin dito at pinulot ang aking mga gamit na nagkalat sa sahig. Buong akala ko ay umalis na ang nakasalubong ko nang humingi ako ng paumanhin ngunit siya ay nanatili at tinulungan akong pulutin ang mga gamit ko.

Inimbitahan ko siya sa bahay bilang pasasalamat sa tulong na ibinigay niya at paumanhin na rin dahil sa nangyari. Buong akala ko ay tatanggi ito ngunit kabaligtaran nito ang nangyari dahil galak pinaunlakan nito ang aking paanyaya.

Hindi ko inaasahang doon pala magsisimula ang aming pagkakaibigan.

Lumipas ang dalawang taon at nandito ako ngayon sa ospital at siya ay nakaupo sa tabi ko ngayon habang hawak ang aking mga kamay. Kaming dalawa lang dito ngayon sa loob ng silid dahil nais kong makausap siya ng walang istorbo.

“Nasabi ko na ba sa iyo kung bakit marami akong dala nung araw na iyon?” Matamlay na wika ko.

“Hindi mo pa nasabi sa akin, may rason ba kung bakit marami kang dala nung araw na iyon?” Tanong nito ng nakangiti.

“Noong araw na iyon ay plano kong iuwi na ang lahat ng gamit ko sa eskwelahan dahil iyon ang araw na gusto ko na lang tapusin ang lahat.” Sabi ko ng may tipid ng mga ngiti sa labi.

“…” Hindi ito nagsalita at tumitig lamang sa akin kaya’t nagpatuloy lamang ako sa sasabihin ko.

“Iyon yung araw na nagdesisyon akong tapusin na ang buhay ko. Madalas akong pagtripan sa paaralan kaya minsan ayoko na lang pumasok dahil alam ko na kung anong mangyayari. Wala akong kaibigan na magtatanggol sa akin sa tuwing may nang-aapi sa akin o kaya’y taong makakausap sa tuwing hirap na hirap na ako, kaya masasabi kong ikaw ang pinaka una kong kaibigan. Noong araw din na iyon nung nalaman kong may taning na ang buhay ko kaya gusto ko na lang matapos ang lahat kasi pagod na ako, pagod na pagod na ako at gusto na lang magpahinga.” Malungkot na sabi ko.

“Nagpapasalamat ako sa iyo kasi kahit sandali ay naging masaya ako. Nagpapasalamat dahil naranasan kong magkaroon ng kaibigan kahit saglit. Salamat sa lahat, mahal kong kaibigan.” Sabi ko ng may mga ngiti sa labi.

*****

Ang kanyang huling kataga ay “mahal kong kaibigan” bago unti-unting nagsara ang kanyang mga mata at hindi na muling bumukas kailanman.

Nakaw na SandaliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon