Naiinis at nasusuka ako sa sarili ko, minsan gusto ko na lang mawala, maglaho o mamatay.
Pero hindi ‘yong pagkamatay na masasaktan pa din ako, ang gusto ko ay iyong tipo na titigil na lang ako bigla sa paghinga at ibuburol.
Lumabas ako ng kwarto, nakita ko sila na kumakain, tinignan lang ako ng pamilya ko bago sila muling magtawanan at sumubo. Masarap ang pagkain nila kapag wala ako.
Kapag nakaupo kasi ako kasama sila ay nakakarindi ang katahimikan. Family bonding daw ang tawag nila sa gano’ng ginagawa nila na pagkain ng sabay-sabay t’wing weekends. Kung gano’n ay hindi pala ako pamilya, matagal ko ng alam ‘yon pero mas masakit pala kapag narinig mo mismo galing sa kanila.
Nagpatuloy ako sa paglalakad papalabas, nagkukunwaring bingi kahit na kasing linaw ng aking luha ang kanilang mga salita sa pandinig ko. Bawa’t hakbang ay naghihintay akong may magtanong kung saan ako pupunta o kung ano ang gagawin ko sa labas, kagaya ng ginagawa nila sa mga anak nila na hindi ko p’wedeng tawagin na mga kapatid ko.
Ang mga bibig at dila nilang hindi nila kayang pigilan ang parang kutsilyong sumasaksak sa akin araw-araw. Nakakarindi, gusto kong sumagot, pero paano akong sasagot kung wala pa akong napapatunayan? Kung patuloy akong umaasa sa perang galing sa kanila?
Sigurado akong sasagutin lang nila ako ng ‘wala kang galang sa bumubuhay sa’yo!’ kagaya ng palagi nilang sinasabi para mapatahimik ako dahil alam ko na tama sila.
Ang masamang nangyayari sa akin ay mabuti para sa kanila. Ang palpak ko ay ikinatutuwa nila. Ang pagkalugmok ko ay tagumpay nila. Matatawag ko pa nga ba silang pamilya?
Imbis na bumili ng pagkain sa karinderya ay dumeretsyo ako sa isang park.
Lugar kung saan ako nagbubuntong ng galit, kung saan ako sumisigaw at nagkukwento sa buwan dahil alam kong dito, walang nanghuhusga sa akin, walang mga matang nakatingin, walang mga taong nananakit. Humiga ako sa isang bench, tinitigan ang mga bituin.
Walang lumabas na luha sa mga mata ko, siguro ay masyado na itong pagod sa kakaiyak, masyado na silang pagod sa pamamaga. Pati ang mga mata ko ay sumusuko na.
Ano kaya ang pakiramdam kapag wala na? Kapag naging isa ka na sa mga tinitingala nila kagaya ng bituin? Pahahalagahan na kaya ako ng mga taong nasa paligid ko? Magagawa ko ba silang pagsisihin na ganito ang ginagawa nila sa akin at maipakitang wala silang maipagmamayabang na magandang nagawa sa akin?
Napabuntong hininga ako at tumayo na para maglakad papunta sa mall. Ito na ang huling pera ko, kaya kailangan ko na itong sulitin.
Tiniis ko ang gutom at binili na ang mga kailangan ko.
Noong bumalik ako sa bahay ay wala ng tao sa loob, siguro ang lahat ay nasa mga kwarto na nila. Mapait akong napangiti noong maalala ang ‘family bonding’ nila kanina, sigurado rin akong nanood sila ng movie dahil nagkalat ang mga kalat ng chips.
Niligpit ko ang mga ‘yon bago umakyat sa kwarto.
Nagsulat muna ako sa isang papel bago ko maluwag sa loob na tinapos ang lahat.
I feel bad for myself, the only thing I can think of is to kill myself, to leave them, and I am not even sure if I can make them feel the pain I’ve felt all these years.
I’m struggling, but no one comes to help, there’s no shining armour, my life isn’t like the stories I’ve read, the fantasies that I want to be my reality. I guess I am my armour, but I’m too broken, how am I gonna help myself to fight and survive this unfair fight for life?
Pagod na akong apulahin ang apoy na ginagawa nila, apoy na bawa’t araw ay papalaki ng papalaki, walang tigil hangga’t hindi ako tuluyang nasusunog.