9

9.8K 297 31
                                    


ANG USAPAN nila ni Troy ay luluwas ito sa Maynila ng Sabado at Linggo upang maghanap at ihanda ang tirahan niya. At habang wala ang binata'y kinausap ni Jea ang mga magulang.


"Bakit biglang-bigla naman yata ang ginagawa mong ito, Jea?" may halong sermon ang tinig ni Patrick nang araw na sabihin niya ang plano.


"Dad," pinasaya niya ang tinig. "Masama bang gamitin ko ang tinapos ko at nagkataong tinanggap naman ako?" Nilinga niya ang ina. "At saka, Mom, ayoko munang mag-abroad. Kayo rin, taunan iyon bago tayo magkita-kita."


"Kunsabagay," mabilis na sang-ayon ni Laila nang maisip ang sinabi niya. "Nag-iisa ka lang naming anak pagkatapos ay mawawalay pa."


"Gusto kong makausap ang boss mo kung saka-sakaling nagsisimula ka nang magtrabaho. Gusto kong malaman niyang ang pamilya nati'y—"


"Dad," natatawang awat niya sa ama. "Nakalagay na sa application ko na ang ama ko'y manager ng branch ng isang kilalang bangko. Ganoon din ang lolo na tumanggap ng recognition at plaque sa serbisyo nito sa bangkong iyon."


Napahinuhod ni Jea ang mga magulang at nang malaman na si Troy ang maghahatid sa kanya'y napalagay na higit ang loob ng mga ito. Katakot-takot na bilin sa binata na tiyaking ang lugar na titirhan niya'y disente at kung anu-ano pang bilin na lalo lamang nagdagdag sa guilt na nararamdaman ng dalaga.


"SAAN ka nakakita ng tirahan?" tanong niya habang nasa daan sila paluwas."Three towns from here. Sa San Geronimo." Sagot nito na ang pansin ay nasa manibela."San Geronimo! Nagbibiro ka ba?"


"Bakit, sa palagay mo ba'y papayag akong manirahan kang mag-isa sa Maynila? At sa palagay mo ba'y ganoon kadali ang maghanap ng tirahan doon?"


"This is insane, Troy!" halos pasigaw niyang sabi. "Kailangan kong magtrabaho kahit na papaano. Hindi maaaring ikaw lahat ang gagastos. At saka paano kung tumawag ang Mommy at Daddy sa opisina?"


"Hindi nila gagawin iyon kung pagkalipas ng dalawang linggo'y tatawag ka at saka mo sabihing nalipat ka ng assignment. At ako ang bahala, ipaaalam ko sa kanila na dinadalaw kita tuwing ikalawang linggo."


"Oh, god!" Napasubsob siya sa mga palad.


"Ikaw ang nagpapahirap sa mga bagay-bagay, Jea," he said in a flat tone. "Ibinibigay ko sa iyo ang pinakamadaling solusyon pero tinatanggihan mo."


She was on the brink of accepting his proposal. Ni hindi niya matiyak kung hanggang saan niya kayang itago sa mga magulang ang kalagayan. Subalit nang maisip si Anette ay agad na naglaho sa isip ang naisin. Hindi niya magagawang sirain ang pagsasama ng kaibigan at ng nobya nito dahil lang sa kalagayan niya. Hindi nila parehong ginusto ni Troy ang nangyari.


Wala silang kibuan habang nasa biyahe hanggang sa makarating sila sa isang katamtamang laking bungalow style na bahay. Walang pintura subalit sa tingin ay bagong yari. Magkasabay halos bumaba ang dalawa.


"K-kaninong bahay iyan, Troy?"


"Sa akin," sagot nito at binuksan ang gate na bakal na sa tingin niya'y bagong kabit din lang. "Halika na."

Sweetheart 7 - Somewhere Between Lovers & Friends (COMPLETED) (UNEDITED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon