SYENTE SERPIENTE

1 1 0
                                    

𝗦𝗬𝗘𝗡𝗧𝗘 𝗦𝗘𝗥𝗣𝗜𝗘𝗡𝗧𝗘

TIRIK ang init ng araw, nasa may poso si Syente, naliligo. Nakabibighani ang taglay na ganda nito, ang bawat parte ng kaniyang katawan ay nakapapang-akit, dagdag pa ang kinis at kaputian ng kaniyang balat. Sinasabon niya ang kaniyang mala-darnang katawan, simula balikat pababa sa kaniyang mga binti.

Mula sa hindi kalayuan, tinatanaw siya ni Antonio, ang lalaking nabihag ng kaniyang kagandahan. Nasasabik ang mga mata nito'y makita siya nang malapitan.

Ilang sandali pa'y nagsalubong ang mga kilay niya nang may narinig siyang tumatawag sa pangalan ng babaeng kaniyang sinisilip, saka niya nalaman na Syente pala ang pangalan nito.

“Syente? Mahal?” Pagtawag sa kaniya ng lalaki na kalalabas lamang ng bahay, kaagad namang nagbihis si Syente ng panligong damit.

“Patapos na, mahal,” sagot ni Syente.

Parang gumuho ang mundo ni Antonio sa narinig, hindi siya makapaniwalang may iniibig na si Syente, akala niya dalaga pa ito. Pero sa halip na madismaya, biglang gumuhit ang ngisi sa mga labi ni Antonio sabay sabing, “aagawin kita, Syente. Wala na akong pakialam kung pag-ibig ito sa unang tingin.”

Sa mga araw na nagdaraan, puro imahe ni Syente ang gumugulo at pumapasok sa isipan ni Antonio, gano'n pa rin ang kaniyang laging ginagawa — tinatanaw siya mula sa hindi kalayuan. Nagbabakasyon lamang si Antonio rito sa probinsiya ng kaniyang lola, treynta anyos na ito pero ngayon lamang siya nakapunta rito.

“Diego, maaari mo bang ibigay ang liham na ito sa magandang babae dyan, doon sa may hindi kalayuan sa atin. Pero, huwag mo sanang ipakita sa asawa niya na may ibibigay kang liham kay Syente,” utos niya sa kaniyang gwardiya, sabay ngisi. “Ewan ba, natatamaan na yata ako sa kagandahan niya,” dagdag niya sabay bigay ng liham kay Diego.

Nag-aalangang tinanggap ito ni Diego sabay sabing, “Señorito, may asawa na ang tao. Sa tingin mo ba'y tatanggapin niya ito?”

“Wala akong pakialam, Diego. Basta ibigay mo, sigurado akong tatanggapin niya 'yan, at saka may litrato ako dyan sa loob ng sobre, hindi naman maipagkailang mas matipuno ako kaysa sa asawa niya, hindi ba?” Sunod-sunod niyang ani, at ngumiti pa ito na tila nasisiyahan sa ginagawang pang-aagaw.

“Masusunod, señorito.”

Katulad ng sinabi, pumunta si Diego sa bahay ni Syente, dala ang sobre na naglalamang liham ng pag-ibig ni Antonio. Sinigurado niyang wala ang asawa ni Syente ngayon sa bahay nila, dahil may trabaho ito, umuuwi lang kapag hapon.

Naririnig niya mula sa labas ang tinig ni Syente na kumakanta sa loob ng bahay, pati ang boses nito'y nakabibighani rin. Kumatok siya ng dalawang beses. “Tao po? Syente, si Diego ito, may ipapabigay sa iyo si—”

“Si Antonio? Señorito Antonio, tama ba, Diego?” kaagad na tanong ni Syente nang binuksan niya ang pinto, napatigil si Diego na nakabuka ang bibig dahil sa magandang nilalang sa kaniyang harapan.

“Diego? Ayos ka lang? Para kang nakakakita ng multo.”

“A-Ah, oo. Ayos lamang ako,” natameme niyang turan sabay abot ng sobre kay Syente. “Pinabigay ni señorito. Teka, pa-paano mo nalaman ang kaniyang pangalan?”

Tinanggap naman ito ni Syente, gumuguhit sa mukha niya ang kagalakan. “H-Hindi ko inasahang bibigyan ako nito ng señorito mo. At saka, pakisabi tigilan niya na ang paninilip sa akin. Sabihan mo siyang magkikita kami mamayang hapon sa may batis, pagkatapos niyang mananghalian. Mamayang gabi pa uuwi si Flavio,” habilin ni Syente kay Diego.

Umiling na lamang si Diego at umuwi na rin. Binuklat ni Syente ang laman ng sobre, ngumingiti ito dahil sa kilig, talagang mahuhulog ka sa mga salitang sinulat ni Antonio sa kaniya, lalo na nang nalaman niyang nabighani siya sa kagandahan nito no'ng una niya itong nakita. Nakita niya ang litrato ng binata, inaamin niyang mas matipuno ito kung ikukumpara kay Flavio — ang kaniyang asawa.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 01, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

JAMOY'S ANTHOLOGYWhere stories live. Discover now