Ako si Seven Eight Green Korz. Nagpakilala ako nang makilala mo kung sino ang pasimuno dito. Natatawa ako/ ang isip ko sa t'wing sinusulat ko ito bagama't makikitang seryoso ang aking mukha ngunit sa ikaloob-looban nama'y alam mo na. Tama ka. Nababaliw na nga ako. Ngunit ibang baliw 'yun sa inaakala mo. Ang iyong ngiti ay abot na hanggang tenga. Ganito kasi 'yun, kanina lang ay nakaupo ako, nakatunganga gano'n. Naisip kong hingin ang k'waderno na ito sa aking ama. Bago iyon ay lumilikha ng kung ano-anong mga bagay ang aking isipan. Hindi ako mapakali. Kinuha ko ang panulat at k'wadernong ito nang masimulan ko na ang k'wentong nais kong malikha. Ngayon, habang nagsusulat ay para akong baliw na kinakausap ang sarili. Kunwaring may nagbabasa at oo, ako na din. Hindi lang ako isang manunulat, isa pa akong mambabasa. Isipin mo mang gawa-gawa o sinabi ko lang ito ngunit nagkakamali ka. Ang lahat ng ito ay totoo. Base ito sa sariling karanasan at obserbas'yon na nakikita ko ngayon sa aking paligid. Kaibigan, mukhang nauunawaan mo na. Ako rin naman.