Short Monologue about Love (Sol)

7 0 0
                                    


Title: Sol

"Mamahalin mo parin ba ako?" Simpleng tanong lang iyan ngunit napakalakas ng tama sa akin nang marinig ko ito na lumabas sa kaniyang labi.

Hindi na bihirang marining ang pag-uusap tungkol sa pag-ibig, ngunit ang makahanap ng tinatawag nilang "tunay na pag-ibig" o kaya ay "pag-ibig na walang hanggan" sa ibang tao ay tila madalang makahanap nito, lalo na para sa isang taong katulad ko. 

Bata pa lamang ako alam kong iba na ako sa mga ibang babae, hindi naman ako mahilig sa mga damit at gamit na sinasabi nilang pambabae ngunit sinusuot at ginagamit ko parin, hindi naman literal na pambabae ang galawan ko ngunit tingin parin nila sakin ay babaeng mahinhin, at hindi naman parehas ang pagtingin ko sa mga lalake ngunit sinasabi parin nila na ako ay "straight." Mahirap makahanap ng pag-ibig sa mga taong katulad ko ngunit wala naman akong magawa dahil ito ang "tradisyonal," at ang sinasabing "nakasanayan" kaya para sa isang indibidwal na katulad ko na makahanap ng pag-ibig na ito, para sa kanila ay hindi normal, dugyot na para bang isang malaking mantsya sa puting damit. Ngunit, para sa mga taong katulad ko, na makahanap ng isang taong makatanggap sa kanila, mag-aalaga, magpapasaya, makakasama, at magmamahal sa kanila, masasabi naming mas swerte pa kami sa pinaka-swerteng tao sa buong mundo.

At dun nga, dumating ang araw na nahanap ko siya, isang biyaya na bigay ng Diyos na wala ni isang araw na hindi ako nagpasalamat sa Kaniya dahil sa pagdating niya sa buhay ko, na pinanganak siya sa mundong ito, at ako, sa lahat ng taong nandito sa mundo ang minamahal niya, isang babaeng di ko inaasahang mahuhulog na ako ng tuluyan sa kanila, isang babae na tanggap ako kahit ganito ako, isang babae na masasabi kong ang taong mamahalin ko hanggang sa dulo ng walang hanggan. Ang corny at cliché ng pagkasabi ko ngunit totoo yan, imposibleng palalagpasin ko pa siya, imposibleng mabibitiwan ko pa siya. Ngunit katulad ng ibang mga storya, may mga kontrabida, may mga hadlang na kailangang pagdaanan upang masabing, "Ito na nga ang pag-ibig na destined para sa akin... sa amin."

"Mali iyan!"

"Hindi yan normal!"

"Against yan kay God, against yan sa will ng Diyos"

Lumaki kaming dalawa sa religious na pamilya, pinahahalagaan nila ang kanilang mga paniniwala pagdating sa ibang mga bagay-bagay at isa sa mga bagay-bagay na ito ay ang LGBTQ+ at ang relasyon sa pagitan ng mga taong parehas ang kasarian. Parehas na kaming nakarinig ng mga hindi magagandang salita mula sa sarili naming mga magulang at ang pinakamasakit doon ay alam na namin na hindi nila tanggap kung anuman ang namamagitan sa amin at hindi tanggap ang aming kasarian at sexuality, kahit hindi pa nila alam ang tungkol dito at dumating na rin sa punto na parehas na kaming nahihirapan, tila ba'y nawawalan na ng pag-asa.

"Hey"

"Yeah?"

"Nahihirapan ka na ba?"

"Medyo, ikaw?"

Napabuntong hininga siya,"May gusto akong tanungin sayo" sa tono ng boses niya, sa lungkot na namumuo sa mata niya na tila may pagdududa, tila may isang parte ng sarili ko na ayaw malaman kung ano ang kaniyang tatanungin sa akin ngunit huminga ako ng malalim at tinanong "Ano iyon?"

Natahimik siya, nagdadalawang isip kung tatanungin pa ba niya, ilang minuto bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin sakin ang tanong na iyon "Kung sakaling, paghiwalayin tayo, hindi tayo tanggapin, na tila ang buong mundo ay tutol sa kung anuman ang meron sa atin..." Sa kaniyang paghinto, parang nanuyo ang lalamunan ko.

"Mamahalin mo parin ba ako?"

Para akong nawalan ng hininga, parang lahat ng nakabaon na kutsilyo sa likod ko ay ngayon ko lang naramdaman ang hapdi. Kaso hindi ang tanong dahilan nun, pagtingin ko sa kaniya tila pinipigilan niya ang paglabas ng mga luhang naiipon sa kaniyang mga mata, kinuyom niya ang kaniyang mga kamao, kinakagat niya ang baba ng kaniyang labi, parang nagpipigil siya ng hininga habang hinihintay niya ang aking sagot, para bang may kumirot sa puso ko. Naguguluhan siya, nagdududa siya, nahihirapan siya, nasasaktan siya, at sa itsura palang niya tila unti nalang ay bibigay na siya ngunit isang salita lamang ang pumasok sa isip ko.

Hinawakan ko ang kaniyang kamay, dahil doon napatingin siya sa akin, mga matang nagtataka, nanghihinayang sa mga bagay-bagay at alam kong isa na doon ang ako ay madamay sa kaguluhang ito dahil mahal niya ako, ngunit ngumiti lamang ako sa kaniya at sinabing "Oo." Lumapit ako sa kaniya, hinaplos ko ang kaniyang pisngi at saka hinalikan ang kaniyang labi.

Mahal na mahal kita... Aking Sol.









Date started writing: 11/14/2021

Date ended writing: 11/15/2021

This is what I wrote for my school project, ito ay  isang maikling monologo.

TacendaWhere stories live. Discover now