2:00 AM
Dapat ay natutulog na ako sa mga oras na ito. Pero heto, manunundo ng lasing. Ginising kasi ako ng isang tawag mula sa bar dahil may gustong magpasundo sa akin. Antok na antok na ako, pero kailangan ko siyang sunduin, kaysa iwan ko pa siya roon, baka may iba pang kumuha sa kanya.
Ganito kasi. Naka-work from home setup kasi ako. Gigising ako ng 5:30 ng umaga para mag-ayos, at magsimulang magturo ng 6:45 am. Minsan nga'y nakalilimutan ko na ngang mag-almusal, at maligo nang maaga, o kahit maghilamos man lang. Aabot hanggang 5pm ang unang trabaho, minsa'y nag-eextend pa dahil sa mga meeting. Tapos ang ikalawang trabaho naman ay magsisimula ng 6:30 ng gabi hanggang 9pm. Sakit sa ulo, mata, at katawan ang mararamdaman pagkatapos, kaya nakakapagod minsan ang aking magdamag.
Pero hindi araw-araw ganito ang araw ko. Tutulungan niya akong mag-ayos. Kapag nakakalimutan kong mag-almusal, lulutuan niya ako at kukuliting kumain muna. Magagalit siya kapag hindi ako kumain. Pauunahin niya rin ako sa paggamit ng banyo para makaligo o makapaghilamos. Minsan ay hihilutin niya rin ako kapag masama ang aking pakiramdam. Minsan aayain niya akong lumabas ng gabi upang magpalamig at tumambay kasama siya upang hindi ko muna isipin ang trabaho at para mawala ang sakit ng ulo ko.
Tinanong niya ako isang beses kung bakit kasi dalawa ang trabaho ko.
"Nagpapadala kasi ako ng pera sa probinsya."
Bilang panganay na anak, sinusuportahan ko pa rin ang aking mga magulang na nasa probinsya. Dahil sa pandemya, nagsara ang kanilang negosyo doon kaya hindi sapat ang kanilang mga kinikita.
Kilala naman nila siya, at legal naman kami. Mahirap sa aking mga magulang sa simula dahil hindi nila kami matanggap, pero ipinaliwanag namin sa kanila na mahal namin ang isa't isa at nangako siya na aalagaan ako.
February 2020 nang magsimula kaming naninirahan dito sa unit na sakto ang ang laki para sa aming dalawa. Isang buwan pagkatapos ay nagsimula ang lockdown sa bansa. Naudlot ang mga plano namin pero naging pagkakataon din ito para mas makilala ang isa't isa nang husto at mailaan ang oras sa isa't isa. Sa totoo lang, bago ako magkaroon ng pangalawang trabaho, ako ang nag-aasikaso sa kanya. Ako ang nagluluto ng pagkain namin. Ako rin ang gumigising sa kanya ng maaga kahit na ang hirap-hirap niyang gisingin. Gayumpaman, nananatili pa ring pantay ang mga responsibilidad namin dito sa bahay.
"Kumusta na Master's mo?"
"Patapos na ako next sem."
"Kaya mo pa ba? Ang dami mo nang ginagawa eh."
"Oo naman. Kayang-kaya."
Sinabi ko rin na kaya ako nag-iipon ng pera ay dahi gusto kong bumisita sa ibang bansa kapag nasa mabuting lagay na ang mundo — sa Japan, Korea, Thailand, at iba pa. Tsaka yung mga gusto ko na ring gawin sa buhay.
Baka isipin niyo na wala siyang trabaho. Nagtatrabaho siya sa isang marketing company. Nakawork from home rin siya... noon.
Dahil patuloy na pagbaba ng kaso ng mga nagkakasakit dahil sa virus sa bansa, sila ay pinabalik na sa kanilang mga opisina. Maaga na siyang gumigising sa akin upang mag-asikaso. Minsan nga sa paggising ko, hindi ko na siya naaabutan. Pero, nag-iiwan siya ng kanyang nilutong almusal sa kusina. Umuuwi naman siya ng sakto sa oras, kaya kahit paano ay may oras pa rin kami para sa isa't isa. Nagagawa pa rin namin ang mga nais naming gawin.