Book 1 (OUR ONE-SIDED LOVE): Chapter 1

4.2K 113 15
                                    


AWTOMATIKONG tumalon ang puso ni Maricko nang sa wakas ay humimpil na ang sasakyang kinalululanan niya sa natitirang parking space sa malawak na parking area ng San Lorenzo University na siyang magiging bagong paaralan niya.

Sumilip siya sa bintana at napahinga ng malalim. Pagkatapos ay bitbit ang shoulder bag na excited niyang binuksan ang pinto at mabilis na umibis ng sasakyan. Napangiti siya habang inililibot niya ang tingin sa paligid. Di hamak na mas malawak ang campus ng dati niyang eskuwelahan kumpara sa campus ng SLU ngunit sa loob niya ay parang mas malapit na agad sa puso niya ang bago niyang unibersidad.

Finally, I am here, nausal niya sa isip. Makalipas ang may kahabaang proseso at katakot-takot na pangungumbinsi sa kaniyang ama ay sa wakas, opisyal na siyang nakapagtransfer sa unibersidad na iyon. Mula sa araw na iyon ay ganap na siyang sophomore ng SLU.

"Miss Maricko, masyado pa ho yatang maaga. Wala pang gaanong mga estudyante," pukaw sa kaniya ni Mang Delfin na siyang itinalaga ng kaniyang ama upang maging driver niya sa kabila ng mariing pagtanggi niya.

Nilingon niya ang matanda na bumaba na rin pala ng sasakyan. Nginitian niya ito. "Sinadya ko ho talagang magpunta ng mas maaga Mang Delfin. Para malibot ko ang school grounds bago ang unang klase ko. Sige na ho umuwi na muna kayo. Itetext ko na lang ho kayo kapag magpapasundo na ako," aniya rito.

Tumango na ito at ngumiti. "Good luck ho sa bago ninyong school miss," sabi nitong kumindat pa.

Natawa siya. Alam niya na pareho silang aware ng matanda na may iba pang dahilan ang pang go-good luck nito sa kaniya. Hindi naman kasi kaila rito, at sa lahat ng malalapit sa kaniya, kung ano ang tunay na dahilan ng desisyon niyang magtransfer sa unibersidad na iyon sa kabila ng magandang class standing niya sa dati niyang pinapasukan.

Alam niya na kapag nalaman ng ibang tao ang dahilan niya ng paglipat ay may posibilidad na iisipin ng mga ito na mababaw siya. Subalit para sa kaniya, importante ang dahilan ng paglipat niya roon. Na kapag hindi niya iyon ginawa ay may pakiramdam siyang pagsisisihan niya iyon habambuhay. Kaya naman sa unang pagkakataon sa buong buhay niya ay nagpakita siya ng katigasan ng loob sa mga magulang niya para lamang pagbigyan siya ng mga ito.

"Gagawin ko ho ang makakaya ko," nakangiting sagot niya sa matanda. Pinagmasdan niya ito hanggang sa makaalis na ito. Nang tuluyan nang nawala sa paningin niya ang sasakyan ay muli siyang huminga ng malalim at iginala ang paningin sa paligid. Pagkatapos ay nagsimula na siyang lumakad.

Dahil mag-a-alas siyete pa lamang ng umaga at maraming puno sa gilid ng daanan ay malamig pa ang simoy ng hangin. Walang pagmamadaling tinahak ni Maricko ang wala pang katao-taong daan at nagpapalinga-linga sa mga building na nakatayo roon. Ang totoo ay nalibot naman na niya ang campus na iyon noong unang beses siyang nagtungo roon upang asikasuhin ang transfer papers niya. Ang kaibahan nga lamang ay sa umagang iyon, buo na sa isip niya ang lugar na talagang gusto niyang puntahan.

Ilang saglit pa ay narating na niya iyon. Magkahalong kasiyahan at disappointment ang naramdaman niya habang nakatitig siya sa malawak na field kung saan ang isang bahagi ay ginawa talaga para maging baseball field. Kasiyahan dahil palagi namang ganoon ang nararamdaman niya tuwing nakakakita siya ng field at disappointment dahil walang katao-tao roon.

"Sabagay, umpisa pa lang naman ng first sem at second sem pa naman talaga ang competition kaya malamang hindi pa sila magmomorning practice ngayon," nanghihinayang na nausal niya sa sarili habang nakatitig pa rin sa field.

Bahagya siyang napangiti nang habang nakatitig siya roon ay may bigla siyang naalala. She remembered the first college baseball game she went to watch as a college student. Lumaki naman kasi siyang baseball fan dahil sa impluwensya ng papa niya na mahilig sa larong iyon. Sa kasamaang palad, kaunti lamang ang nanood ng game na iyon dahil nakakalungkot mang isipin ay mas popular talaga ang basketball at football sa pilipinas kaysa sa baseball. Mas kaunti din ng di hamak ang tumutuloy sa pro baseball dahil hindi rin iyon gaya ng basketball na malaki ang kita.

SLU HAWKS TRILOGYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon