CHAPTER 1: GINGER
Napakamot ako sa ulo ko dahil sa hindi kapani-paniwalang pangyayari. Naglalakad ako dito sa gilid ng kalsada nang biglang tumagos ang babae sa akin. Multo ba siya? Nakakakita na baa ko ng multo? Hindi. Imposibleng manyari iyon. Wala naman akong maalala na naganap para mabuksan ang third eye ko.
"Guni-guni ko lang siguro iyon." Tinignan ko ang babaeng naglalakad sa likuran ko. Nagmamadali ito at parang walang pakialam kung may mabangga siyang iba. Tama. "Siguro'y guni-guni ko lang talaga." Pinakiramdaman ko pa ang sarili ko para makasiguro na nahahawakan ko naman ang sarili ko.
Muli akong naglakad pero hindi ko alam kung saan ako patungo. Tiningnan kong maigi ang paligid. Tirik ang araw pero hindi ko ramdam ang init nito. Wala rin masyadong naglalakad pati na rin mga sasakyan. Siguro dahil maaga pa.
"Saan ba ako papunta?" Napatingin ako sa makulay na coffee shop. TASTE HEAVEN. Ang weird ng pangalan. Mula dito sa labas ay kita ang pastel colors na ginamit sa interior nito. Cozy tignan ang loob at may tatlong customer lang doon na hiwa-hiwalay pa nakaupo.
Pumasok ako doon at agad akong binati ng barista nila. Nakangiti ito sa'kin. Mukha siyang mamahaling lalaki na hindi na kailangan magtrabaho. Suot nito ang black suit niya habang gumagawa ng kape.
"Ginger." Nakangiti nitong sabi sa akin.
"Ginger?" Tanong ko rito nang makalapit ako. Binasa ko ang menu nila at wala namang Ginger doon. Wala rin nakalagay na presyo ang drinks at pastries nila. "Bakit walang presyo?" Tanong ko sa kanya.
"Ah, hindi ka ba pumasok dito para tanungin ang pangalan mo?" agad napakunot ang noo ko sa sinabi nito. "Ah, tanda mo ba ang pangalan mo?" Tanong pa niya sa akin pero mas lalo lang akong naconfused sa sinabi niya.
"Ginger ang pangalan ko?" nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Oo. Ginger ang pangalan mo. Teka nga." Tinapos nito ang ginagawa niyang kape saka ito lumapit sa batang babaeng siguro'y kanina pa naghihintay sa inorder. Siguro'y nasa siyam na taong gulang palang ito. Mahaba ang buhok at medyo may kapayatan. May maamo rin siyang mukha na para bang hindi ito makakabasag ng pinggan.
"Kara, katulad ng sabi ko sa'yo kanina." Malumanay ang boses nito na makipag-usap sa bata. "Kapag ininom mo ito. Aakyat kang walang maaalala. Gusto mo ba 'yon? O gusto mong manatili at alalahanin muna ang lahat?"
"aakyat?" Napatingin silang dalawa sa akin at ako naman ay hinanap ang hagdan na aakyatan. Nalilito ako sa mga sinasabi niya. "Alalahanin? Ang alin?"
"sa lahat ng namatay, parang ikaw ang hindi nagfreakout."
"Namatay? Ako? Kami?" tumingin ako sa bata at sa dalawang nakaupo pa na parang alam nila ang lahat ng nangyayari sa loob ng café na ito. "Paano?" Tanong ko sa lalaking naka-suit.
"Teka," Napakamot ito ng kanyang ulo saka muling tinignan ang bata.
"Iinumin ko na lang kuya. Natatakot din akong mag-isa. Masaya ba sa taas?" Tanong nito sa kanya at tumango lang din ang lalaki bilang pagtugon sa tanong niya. "Hindi ba ako mag-isa doon?"
"Hindi. May mga makakasama ka doon. Mababait silang lahat doon at hindi mo mararanasan ang mga naranasan mo dito. Wala ka nga lang matatandaan at hindi ka na makakabalik para alalahanin pa ang lahat."
"Masakit po ba ang nangyari sa'kin?" unti-unti ay kinukuha ng bata ang kape. "Kuya, kape ba 'to? Pwede ba ako dito?"
"Hindi mo naman kailangan ubusin," pansin ko ang pagkawalang pasensya niya sa sinabi nito sa bata. Para bang sinasabi na 'inumin mo na lang at umakyat ka na.'
"Patay na ba talaga kami?" Singit ko sa usapan nila saka umupo na sa tabi ng bata. "Huwag mo munang inumin 'yan at baka mamaya kung ano 'yan." Tiningnan ko muli ang lalaki. "Ikaw." Turo ko rito. "Nakakaloko yung mga sinasabi mo, ah. Paanong patay? May nagkakape bang patay?"
"Ginger, ni hindi mo nga tanda ang pangalan mo at kung saan ka papunta pagkagising mo." Rinig ko sa boses nito ang pagka-iritable sa sinabi. Para bang sukang-suka na siya kasasagot sa mga tanong. Hindi siya isang pasensyosong tao. Hindi siya bagay sa service industry.
"Hindi naman Ginger ang pangalan ko. Ang pangalan ko ay..."bakit hindi ko masabi ang pangalan ko? "Ang pangalan ko ay."
E? bakit hindi ko matandaan ang pangalan ko?
"Ginger. Iyon ang pangalan mo. Umupo ka doon" turo niya sa pinakadulong upuan. "at huwag kang titingin dito." Ma-awtoridad ang boses niya nang sabihin iyon sa akin kaya wala na akong ibang nagawa kundi sundin ang sinabi nito. Nalilito pa rin ako at hindi pa rin makapaniwala sa mga narinig ko.
Ginger. Ginger ang pangalan ko? At patay na ako?