Panimula

221 3 0
                                    

Panimula

"Habulin niyo siya! Tumatakas na siya kasama ang bata!"

Sa ilalim ng maliwanag na buwan, isang grupo ng mga mamamayan na may mga hawak na mga patalim. Nasa kanilang mga mukha ang poot at galit na nararamdaman sa babaeng sanhi ng kanilang paghihirap.

Humahangos sa pagtakbo ang isang babaeng mayroong hawak na sanggol. Labis ang takot na kanyang nadarama para sa anak. Nagtago siya sa isang malaking puno ng narra at inilapag ang sanggol.

"Iiwanan na muna kita mahal kong anak, ililigaw ko sila upang hindi ka nila makita. Babalik ako, aking anak." Umiiyak na tumayo, at nagpakita upang ilihis ang mga humahabol dito palayo sa kanyang anak.

"Nakita ko na siya!" Sigaw ng isa sa kasapi ng grupo, at mabilis na hinuli ang babae.

"Wala ka nang mapupuntahan pa, mangkukulam. Mula noong may napadpad ritong kasamahan namin ay sunod-sunod na ang kamalasan, at ikaw ang may kasalanan ng lahat ng iyon. Kaya inutusan ko ang aking anak na paibigin ka, ngunit hindi ko alam na nagkaroon na pala kayo ng supling. Kaya't papatayin ka namin at ang iyong anak," sabi ng pinuno sa grupo.

"Huwag ninyong patayin ang aking anak, ako na lamang. Ako na lamang ang inyong patayin, walang kasalanan ang aking anak," pakiusap ng babae.

"Kung hindi namin papatayin ang iyong anak, magpapatuloy pa rin ang kamalasang nangyayari!" Inihanda na nito ang patalim at paulit-ulit na sinaksak sa babae.

Patuloy ang pag-agos ng dugo sa kanyang natamong saksak. Hindi na niya naprotektahan ang sarili dahil sa kanyang panghihina kaya't unti-unti siyang napahiga sa lupa.

Ang aking anak, sana ay ligtas siya. Sabi niya sa kanyang isip.

Unti-unti siyang naglalaho, nagiging mumunting alitaptap, at lumipad patungo sa maliwanag na buwan. Gulat ang rumehistro sa mukha ng mga tao sa kanilang nakikita.

"Mangkukulam nga siyang talaga!"

Agad na nagtatatakbo palabas ng kagubatan ang mga tao dahil sa nakita at sa takot.

Ang liwanag ng buwan ay ang magpoprotekta sa iyo, aking anak.

Ang sanggol na nasa ilalim ng puno, at nag-iisa lamang ay biglang lumiwanag na kasing liwanag ng buwan, upang may makakita, at kumupkop sa kanyang isang taong may busilak na kalooban.

-----

"Aalis ka pa ba, mahal? Ang lalim na ng gabi," sabi ng ginang sa kanyang asawa.

"Mas mabuti nga ang ganito, at mas madali akong makakahuli ng hayop, siguradong tulog na ang nagbabantay sa kagubatan," sabi naman ng ginoo.

Sila ang mag-asawang sina Alfonso Madiam at Clareta Madiam. May dalawa silang anak na babae, ang panganay na si Florentina na limang taong gulang, at ang bunsong si Graciella na isang taong gulang. Nakatira sila malapit sa kagubatan kaya't maraming tao ang nagbibigay ng babala sa kanilang lumipat na ng tirahan.

"Ngunit may mga naririnig akong ngayon daw nila huhulihin at papatayin ang nagbabantay doon na mangkukulam kasama ang anak nito. Siya daw ang may kasalanan sa kamalasan ng ating bayan kaya't gusto nila itong paslangin," sabi ng ginang.

"Iyon nga ang pinakamabuti. Ako'y gagayak na upang maaga akong makabalik dito," sabi ng ginoo.

"Mag-iingat ka, mahal." Nagyakapan ang mag-asawa. Ang ginoo ay pinuntahan muna ang dalawang anak na mahimbing na natutulog.

Pagkarating ni Alfonso sa kagubatan, ang nakakabinging katahimikan ang sumalubong sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglalakad nang may marinig siyang iyak ng isang sanggol.

Hinanap niya ito hanggang sa nakarating siya sa gitna ng kagubatan. Sa sobrang pagod ay nagtungo siya sa malaking puno ng narra at doon ay nakakita siya ng isang sanggol na nakabalot lamang ng isang makapal na tela.

"Sino namang magulang ang mag-iiwan ng isang sanggol sa gitna ng kagubatan?" Tanong niya sa sarili.

Kinuha niya ang sanggol at balak na iuwi sa kanilang tirahan, at bukas na bukas din ay dadalhin niya ito sa mayor ng kanilang bayan.

Pagdating niya sa kanilang tirahan, sinalubong siya ng kanyang nag-aalalang asawa.

"Bakit may dala kang sanggol, Alfonso? At bakit ganyan ang mukha niya?" Tanong ng kanya asawa.

"Habang naglalakad ako sa may kagubatan ay nakarinig ako ng iyak ng isang sanggol kaya't sinundan ko ito, at nakita ko siya sa ilalim ng puno. Bukas na bukas din ay dadalhin ko siya sa mayor ng ating bayan," paliwanag ni Alfonso.

Kinabukasan, dinala ni Alfonso ang sanggol sa mayor ng kanilang bayan upang ipaalam na mayroon siyang natagpuang bata sa gubat.

"Pasensya na po, Mang Alfonso, wala pong tumawag dito o sa mga pulis na may nawawalan ng anak," sabi ng sekretarya ng mayor.

Kung ganoon, kanino ang batang ito? Tanong niya sa kanyang isip.

"Bakit hindi nalang po ninyo siya kupkupin sa ngayon? Kapag po may tumawag dito na nawawalan ng anak ay tatawagan po namin kayo kaagad," sabi ng sekretarya ng mayor.

"Mabuti pa nga, nakakaawa ang batang ito at basta na lamang siyang iniwanan sa kagubatan. Mabuti na lamang at hindi siya kinain ng mga hayop."

"Bakit dala mo pa rin ang sanggol na yan? Huwag mong sabihing-"

"Sa atin na muna siya pansamantala, ang sabi kasi ng sekretarya ng mayor ay wala daw tumatawag sa kanila o sa mga pulis na may nawawalan ng anak."

"Alam mo namang naghihirap tayo ngayon, Alfonso. Ni wala ka ngang mahanap na magandang trabaho, at ngayon ay nagdala ka pa ng palamunin." Umalis si Clareta sa harapan niya, hindi na lamang niya ito pinansin dahil alam niyang lilipas din ang pagtatampo nito. Tiningnan niya ang natutulog na sanggol.

"Bakit noong nakita kita, hindi naman ganito ang iyong itsura? Siguro ay nag-iilusyon lamang ako sa mga oras na iyon. Oo nga pala at wala ka pang pangalan." Nag-isip si Alfonso ng pangalan. "Dahil natagpuan kita sa ilalim ng maliwanag na buwan, simula ngayon ay Moonlight na ang iyong pangalan. Aalagaan at ituturing kitang tunay kong anak," nakangiting saad ni Alfonso.

Royalyiane

Moonlight's ReflectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon