PROLOGUE

12 1 0
                                    

Sigawan

Hiyawan

Murahan

Basag na mga baso at pinggan

'Yan ang paulit-ulit kong naririnig sa likod ng pinto ng kuwarto kong mababakas na ang pagkaluma.

Nakalimutan na yata nilang maliit lang ang bahay namin kaya naman rinig na rinig ko ang ingay nila na nagmumula sa sala hanggang dito sa kuwarto ko.

O baka naman ayos lang sa kanilang marinig ko ang mga 'yon?

"Pvtangina mo! Sinabi ko na ngang 'wag mo na kasing ipantaya yung huling pera natin, hindi ka pa rin nakinig!" Sigaw ni mama na kapapasok lang ng bahay.

"Eh t4rantada ka pala e! Paano kung naipanalo ko 'yon?!" Sagot naman ni papa, kasabay ng pagbasag ng isang baso sa magaspang na sementado naming sahig. Paniguradong may lamang alak 'iyon.

"Bobo! Nanalo ba? o diba't talo naman?!" Hampas naman ng palad ni mama ang sunod na narinig ko sa plastic at lumang monoblock naming lamesa.

"Maibabalik mo pa ba?! Diba hindi na?! Pvtcha, mangutang ka nalang ro'n at nagugutom na ako!"

"Sa tingin mo pauutangin pa tayo ni Meriam, ha?! E mas makapal pa sa mukha mo ang utang natin doon!"

"P'wede ba, gawan mo nalang ng paraan."

"Ilang linggo na nga akong hindi pinapautang! Magbayad raw muna. Hindi ka pa kasi humanap ng trabaho!"

"T4ngina, wala na ngang tumatanggap sa akin dito sa lugar natin! Kahit saan ako magpunta, lalapit palang ako, pinapa-barangay na ako. Mga inutil!"

"Wala na rin nagpapalaba sa akin, inagaw noong bagong lipat diyan sa likuran, bastos ang g4ga."

"T4nga ka rin kasi e. Sinabi ko na sa'yo noong nakaraan na sumama nalang tayo kay Roel sa Olonggapo! May inaalok siyang pasugalan niya, tayo ang hahawak ng negosyo..." Nahulog na ang luha sa mga mata kong kanina ko pa pinipigilan.

Yumuko ako at tahimik na umiyak. Hindi ko mapigilang mas humikbi nang masilip ko na namang muli ang suot na black shoes. Nakanganga sa magkabilang harapan at puro rugby glue ang likurang suwelas.

Hinubad ko ito at kumuha ng pandikit. Masakit ang iyak na pilit inaayos ang sapatos. Kauuwi ko lang galing sa eskuwela. Malapit na akong gumraduate ng grade 12. Ilang araw na lang, kaya pilit kong inaayos ang sapatos ko. Ayokong umakyat sa entablado ng naka-paa.

Nang malagyan ng pandikit ay dinaganan ko ito sa magkabilang paa ng kama.

Hinubad ko na ang nag-iisang pares ng uniporme ko at lalabas na sana ako para labhan at isuot muli bukas nang marinig ko ang isinagot ni mama sa huling sinabi ni papa.

"Sigurado ba 'yan?"

"Oo nga. Luluwas na iyon bukas. Pag-isipan mo..."

At matapos ang gabing iyon, hindi ko inakalang 'yon na rin ang huling away nila na maririnig ko. Ang huling murang aalingawngaw sa mga tenga ko at ang huling basag ng mga pinggan at basong manunuot sa pandinig ko.

Gumising ako sa umaga, ako nalang mag-isa.

Nilibot ko ang aking mga mata sa sala na siyang nagdurugtong na rin sa kusina namin. Naroon pa ang banig sa sahig na siyang tinulugan nina mama at papa, pero wala na ang kahong lagayan ng damit nila sa ilalim ng lamesa. Sa ibabaw nito ay plastik nalang ng pandesal ang natira. Kahit isang pirasong matigas na tinapay ay wala.

Hinawakan ko ang tiyan ko nang bigla itong tumunog sa gutom. Muli, napaluhod nalang ako sa sakit.

Nang makita kong bukas ang pintuan sa harapan ng bahay ay wala na roon ang dalawang pares ng tsinelas na madalas kong makita sa ganitong oras, dahil alas diyes pa ang karaniwang gising nila.

Wala na ang sinturon ni papa na siyang madalas na nakasabit sa dingding ng bahay, na siyang isinusuot lamang niya sa tuwing luluwas ito ng ibang bayan. Bihira lamang iyon mangyari... katulad ngayon.

At nang makita kong wala na rin sa lumang aparador ang nag iisang pang-alis na damit ni mama, na ilang taon na ang lumipas nang huli niya itong isuot ay doon na nag sink-in ang lahat sa akin... na wala na...

Iniwan na nila ako...

Sa bawat araw na parang bula lang ako rito sa bahay, hindi pinapansin, hindi tinitingnan, hindi kinakausap, hindi naririnig, hindi nararamdaman, hindi hinahanap.

Sanay na ako.

Sanay na akong kinalimutan na nilang may anak sila.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 24 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

NatatangiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon