Ang Huling Leksyon ni Ka Wilson ni Prestoline Suyat

79 1 0
                                    

Marami ang sasang-ayon sa akin Ka Wilson

kung sasabihin kong isa kang magaling na edukador

hindi lamang dahil nakabisado mo ang leksyon sa pag-uunyonismo

kundi ang tanggapin sa iba’t ibang panahon at yugto

na may mga mali ngunit dapat iwasto maging sa dati nang naituturo.

Magaling kang guro, Ka Wilson

dahil mahusay mong napag-iba ang tunay na lingkod-manggagawa

sa mga taong sa pera’t pakinabang ay sugapa.

Huwaran kang nakihamok maging sa dating mga kaibigan

na ang turing sa mga obrero’y mga bakang ginagatasan.

Mahusay kang naging propesor, Ka Wilson

nang ituro sa amin

ang optimismong dapat naming laging dalhin

hamon mo ito sa napanghihinaan ng loob,

pansampal sa mga nagdedeklarang huwag maging mapangahas;

panggising sa nagsasabing ang ubas ay naging pasas

panghampas ito sa ulo sa mga nagmamagaling

na ang kilusan ay dapat laging malakas.

Sapagkat tulad ng magaling na guro

batid mong dapat maging mahusay ka ring mag-aaral

pag-aralan ang kasaysayan, suriin ang mga tunggalian.

Ngunit ang higit na dapat na malaman

walang bibigo sa sama-samang pagkilos

at kolektibong paglaban

magtatagumpay tayo laban sa pagsasamantala

at sa lahat ng uri ng kasamaan.

Ngunit sa lahat-lahat na ito Ka Wilson

maraming salamat sa huling leksyon mo

ang ituro ang isa sa pinakadakilang aral na maibabahagi mo…

Iisa lang ating buhay, may limitasyon sa pag-iral sa mundo

Ngunit nalulubos ang kabuluhan nito  kung iaalay sa kapwa tao.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 08, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Huling Leksyon ni Ka Wilson ni Prestoline SuyatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon