Marami ang sasang-ayon sa akin Ka Wilson
kung sasabihin kong isa kang magaling na edukador
hindi lamang dahil nakabisado mo ang leksyon sa pag-uunyonismo
kundi ang tanggapin sa iba’t ibang panahon at yugto
na may mga mali ngunit dapat iwasto maging sa dati nang naituturo.
Magaling kang guro, Ka Wilson
dahil mahusay mong napag-iba ang tunay na lingkod-manggagawa
sa mga taong sa pera’t pakinabang ay sugapa.
Huwaran kang nakihamok maging sa dating mga kaibigan
na ang turing sa mga obrero’y mga bakang ginagatasan.
Mahusay kang naging propesor, Ka Wilson
nang ituro sa amin
ang optimismong dapat naming laging dalhin
hamon mo ito sa napanghihinaan ng loob,
pansampal sa mga nagdedeklarang huwag maging mapangahas;
panggising sa nagsasabing ang ubas ay naging pasas
panghampas ito sa ulo sa mga nagmamagaling
na ang kilusan ay dapat laging malakas.
Sapagkat tulad ng magaling na guro
batid mong dapat maging mahusay ka ring mag-aaral
pag-aralan ang kasaysayan, suriin ang mga tunggalian.
Ngunit ang higit na dapat na malaman
walang bibigo sa sama-samang pagkilos
at kolektibong paglaban
magtatagumpay tayo laban sa pagsasamantala
at sa lahat ng uri ng kasamaan.
Ngunit sa lahat-lahat na ito Ka Wilson
maraming salamat sa huling leksyon mo
ang ituro ang isa sa pinakadakilang aral na maibabahagi mo…
Iisa lang ating buhay, may limitasyon sa pag-iral sa mundo
Ngunit nalulubos ang kabuluhan nito kung iaalay sa kapwa tao.