Ako Nalang Sana

6 2 1
                                    

Ang hirap balikan ng mga nakaraan. Kaunti na nga lang ang mga masasayang ala-ala, karamihan pa dito ay mga bagay na iyong pinagsisihan.

Walong buwan na ang nakalipas, hanggang ngayon ay sariwa parin sa aking isipan ang mga nangyari.

“Ayoko na, sawang sawa na ako. Ayoko na sa’yo!” ramdam ko ang init ng dugong dumadaloy sa mga ugat ko papunta sa aking ulo, kasabay ng pag-wasiwas ko sa kamay ni Sean.

Hindi na siya humakbang pa para habulin ako. Naririnig ko mula sa aking likuran na sinasabayan din niya ang aking pag-iyak.

Siya, hindi ko man nakikita, pero alam kong labis din siyang nasaktan sa nagyayari. Katulad ko, pero magkaiba lang ang aming gusto. Ako, gusto ko ng umalis. Pero siya, gusto pa niyang ayusin, manatili at subukan muli kung ano man ang aming nasimulan.

Sa loob ng walong buwan, bago pa man dumating ang araw na ito, ay marami na rin ang nangyari sa buhay ko.

Nanging malaya sa mga nais kong gawin. Gimik dito, gimik doon. Walang nagbabawal, walang iniisip kung mayroon bang magagalit o hindi.

Wala rin naghahanap kung ilang araw pa akong hindi makauwi.

Kapalit nang pagiging malaya, ay ang pagiging mapangahas sa mundo ng kuryusidad. Iba’t ibang tao, iba’t ibang mga karanasan na hindi naging maganda ang dulot sa aking pisikal na pangangatawan, lalong lalo na sa aking isipan.

Mas lalong naging malungkot ang bawat araw ko.

At sa halip na hanapin ko ang tamang direksyon, natutunan kong magsinungaling sa sarili ko.

“Bitawan mo nga ako!” sigaw ko kasabay ng isang sampal sa mukha ni Roy.

Isa siya sa maraming lalaki ang nakilala ko simula nang talikuran ko si Sean.

Ang buong akala ko, si Roy na ang makakapagbigay ng lahat ng bagay na hinahanap ko.

Pero hindi, katulad din siya ng karamihan.

Talagang magaling lang sila sa umpisa.

Pinag-aralan nilang maigi kung paano gagamitin ang mga salitang masarap sa pandinig ng kahit na sino man. Lalong lalo na, kung paano gamitin sa isang tao na mayroong pinagdadaanan.

Maliban kay Sean.

Halos tatlong buwan ko na rin ito napag-isipan at napagtanto.

“Ang problema ay hindi dapat tinatakasan, malalampasan din natin ito” paliwanag ni Sean.

Siya lang ang lalaking nakilala ko na ganito mag-isip. Siya lang ang lalaking naniniwala na kaya kong harapin ang lahat ng pinagdadaanan ko.

Ang pagkawala ng tiwala sa akin ng sarili kong pamilya, ang pagtalikod sa amin ng tatay ko at mas pinili nito ang sumasa sa iba, ang hindi ko na maipagpatuloy ang pag-aaral ko at makatapos sa koleheyo, si Sean lang ang naniniwala na kaya kong lampasan ang lahat ng ito.

Basta kasama siya.

Si Sean lang ang naniniwala na kaya namin dalawa.

Humakbang ako at lumapit sa pintuan ng apartment na dati kong tinitirhan na kasama si Sean para kumatok sana, nang bigla itong bumukas.

Halos sumabog ang puso ko nang sumalubong sa mga mata ko ang isang tao na nais ko sanang bumalik sa aking buhay, hawak nito ang kamay ng isang babaeng ngayon ko lang nakita.

Ayaw Ko ng Umiyak sa mga SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon