My Bestfriend's Future (Chapter 1)

10 0 0
                                    

Inalala ni Mariel ang mga pangyayari, tatlong taon na ang nakalipas.

"Ito o maganda, siguradong magugustuhan niya ito" buong loob na pag-presinta ni Mariel sa hawak nitong nakatali na mga bulaklak sa kabigang si Zander.

Nasa isang malaking flower shop sila na limang kanto ang layo mula sa kanilang School Campus.

Nagsisilbing guardian angel siya ni Xander pagdating sa mga ganitong bagay, at alang-alang sa kaibigan, na isang linggo nang nangungulit ay hindi niya pwede itong pabayaan.

Hawak parin ni Mariel ang mala-pamaypay na ayos ng kulay pink na mga rosas habang hinihintay ang pag-sang-ayon ng kaibigan.

"Hindi ba masyadong common na siya?" Nakangiwing tanong ni Zander.

Ang totoo, hindi na big deal ang mga bagay na iyon kay Mariel. Para sa kanya, kahit isang piraso lang ng bulaklak ang matanggap niya sa isang lalaki, basta nag-effort ang tao na iyon, okay na.

May pagka-maarte lang kasi itong si Zander na may gana pang magreklamo ngunit hindi makapag-desisyon kung ano ang gusto.

"Para sa akin, okay na ito" pangangatwiran ni Mariel habang pilit na inaabot sa kaibigan ang hawak na bulaklak.

"Hindi naman para sa'yo 'yan eh" reklamo ni Zander.

Sinapok ni Mariel sa braso ang kaibigan. Sa tinagal-tagal nilang magkakilala, sanay na si Mariel sa ugaling ito ni Zander. Mahilig lang talaga itong mang-asar kahit na wala sa oras, at kahit na alam niyang nagbibiro lang ang kaibigan, minsan ay nasasaktan din siya sa mga sinasabi nito.

"Tinutulungan lang kita!," inis na sagot ni Mariel "Subukan mo kayang pumili kung meron kang makikita na mas maganda pa" dugtong pa niya at ibinalik sa dati nitong kinalalagyan ang hawak na bulaklak.

Tulad ng inaasahan, natawa si Zander sa reaksyon ni Mariel. Kahit saan ay hindi talaga nito mapigilan ang sarili sa pang-iinis sa kanya.

"Biro lang" sagot ni Zander at inakbayan siya kasabay ng pag-abot ng bulaklak na kababalik lang niya sa lagayan nito.

"Tara bayaran na natin 'to" paanyaya sa kaniya ng kaibigan na nauna nang naglakad patungo sa cashier.

Ilang minuto ang nakalipas simula ng umalis sina Mariel at Zander sa flower shop, narating nila ang campus gym. Kasalukuyang nagre-rehearse ang mga volleyball varsity players na siyang pinagmulan ng sigaw at hiyawan na naririnig ni Mariel sa hallway habang naglalakad sila papunta dito.

Pareho silang nakatayo sa gate ng gym. Pinagmasdan ni Mariel ang kabigan habang pabalik-balik ang mga mata nito sa mga nagtatalonan na manlalaro ng volleyball.

"Sino ba'ng hinahanap mo?" Tanong niya kay Zander, habang tinitingnan ang hawak nitong bulaklak na nakatago sa likod.

"Hindi ko nga makita eh, parang wala siya dito" sagot nito sa kanya.

Ilang segundo pa ang lumipas, habang abala ang kaibigan sa panonood sa mga manlalaro, napansin ni Mariel ang isang babaeng kalalabas lang mula sa sulok ng gym. Marahil ay galing ito sa locker room.

"Zander" banggit niya sa kaibigan at kinalabit ito ng hindi inaalis ang tingin sa babae.

Bilang tugon, nilingon siya ni Zander at sinundan ang tingin sa babaeng naglalakad na papunta sa iba pang mga volleyball player na nakaupo at nanonood sa mga manlalaro.

Biglang naging tahimik ang paligid ni Zander at bumagal ang ikot ng mundo nito. Ang mga sigawan at palakpakan ng mga nanonood sa rehaersal ay hindi nito naririnig.

"Hoy! 'Yon ba?" Kunot noong tanong ni Mariel pagkatapos niyang tapikin sa braso ang kaibigan.

"Ang ganda niya" iyon lang ang tugon sa kanya ng kaibigan na tila ay napako ang mga mata sa babae at hinatid pa ito ng tingin hanggang sa makaupo ng tuluyan.

"Tara lapitan na natin" matapang na paanyaya ni Mariel at sabay na naglakad nang hindi nililingon ang kaibigan.

Dahil sa bihira magkwento si Zander pagdating sa mga babaeng nagugustuhan nito, naisip ni Mariel na suportahan ito ng buong-buo.

Nang marating ang kinaroroonan ng babae at mga kasama nitong varsity player na nakaupo, binati ni Mariel ang mga ito.

Ilang sandali pa, narinig din niya ang boses ni Zander sa kanyang tabi, sabay na pag-abot nito ng bulaklak sa babae.

Pansamantalang natigil ang laro at ang buong campus gym ay tutuhanan nang naging tahimik. Ang atensyon ng bawat isa ay nakatuon sa ginawa ni Zander, ang pag-abot nito at paghintay na tanggapin ng babae ang bulaklak na ibinibigay.

Nakangiti si Mariel, pero hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Masaya siya sa ginagawa ni Zander at kinakabahan sa magiging reaksyon ng babae.

Tumunog ang cellphone ni Mariel, at nang maibaling niya ang atensyon sa kanyang backpack para kunin dito ang cellphone ay siya namang biglang pag-ingay ng buong gym.

Tinanggihan ng babae ang bulaklak na inabot ni Zander. Nagtawanan ang ibang nakasaksi sa nangyayari at ang iba ay pumalakpak pa.

Dahil dito, nagmistulang mansanas na pula ang pisngi ni Zander sa sobrang hiya. Si Mariel, dahil sa gulat nang biglang sabay-sabay ang tawanan sa gym - ay hindi na naipagpatuloy ang pag-check kung sino ang nagpadala sa kanya ng text.

Mabilisan ang pangyayari, inabot ni Mariel ang kamay ni Zander at hinila ito palabas ng Gym. Ramdam niya ang hiya na nararanasan ng kaibigan dahil una na niya itong naramdaman. Una na siyang kinabahan sa maaaring mangyari na tanggihan si Zander ng babaeng nais nitong bigyan ng bulaklak.

Mula sa gym, diretso sa gate ng campus - walang lingon na hawak-hawak ni Mariel ang kamay ni Zander.

"Saan mo gustong pumunta?" Naawang tanong niya sa kaibigan. Hindi niya kayang makita na nasasaktan si Zander. Kahit na anong senyales ng kalungkutan, ayaw niya itong masilayan.

"Sa malamig na lugar" tugon naman ni Zander na pinipilit ipakita ang pag-ngiti.

Kahit na hindi ipaliwanag ni Zander ang sinabi, naiiintidihan na ito ni Mariel. Ganito kalalim ang pagkakilala niya sa kaibigan.

Ilang minuto lang, sakay ng tricycle, narating nila ang lugar na tinutukoy ni Zander.

Bumaba sila sa tapat ng isang mini bar. Pagbukas ng pinto, at dahil maaga pa, marami pa ang bakanteng mesa. Pinili ni Mariel na maupo malapit sa bintana - at paglapit ng waiter, umorder ng inumin si Zander. Ice tea para kay Mariel at beer naman para kay Zander.

"Mas bagay yata ito sa'yo?" Ang bulaklak na pinili ni Mariel, ibinigay nalang sa kanya ni Zander.

"Hindi ko 'to tatanggihan" may ngiting tugon niya sa kaibigan.

Kung sa bagay, gusto naman talaga ni Mariel ang bulaklak kaya niya iyon pinili.

Tatlong oras ang lumipas, anim na bote ng beer na ang naubos ni Zander. Si Mariel, busog na rin sa pagkain at ice tea. Nabubulol na rin si Zander at medyo pumipikit-pikit na rin ang mga mata kaya niyaya na ito ni Mariel pauwi.

Pagkatapos iabot ni Mariel ang bayad sa waiter, lumapit siya sa kaibigan para alalayan itong tumayo. Pakiramdam niya ay nagbuhat siya ng isang putol na truso sa sobrang bigat ng kaibigan dala ng kawalan ng balanse dahil sa kalasingan.

Sa tulong ng security guard ng mini bar, huminto ang isang taxi sa tapat nila at unang isinakay sa likuran si Zander bago siya sumunod.

"'Wag ka munang umalis" pakiuasap sa kanya ni Zander.

Napakunot siya ng nuo. Gusto niyang tumawa pero nangingibabaw ang kanyang awa sa kaibigan. "Hindi naman ako aalis," tugon niya "ihahatid na kita sa apartment mo" dugtong pa niya.

"Ayaw ko muna sa amin" pabulol na sagot ni Zander.

"Saan naman tayo pupunta?" Hindi alam ni Mariel kung saan pa gustong pumunta ng kaibigan. Wala siyang ideya at nag-aalala na siya dahil lumalalim na ang gabi at lasing na rin si Zander.

"Gabi na Zander" paalala niya.

"Kung pwede sana, doon muna ako sa inyo" hiling ng kaibigan.

Napaisip si Mariel.

Hindi pwede. Magdudulot ng issue ang hinihiling ni Zander. Lalong-lalo na kung malaman ito ng boyfriend ni Mariel na may kasama siyang lalaki sa kanyang apartment.

"Hindi pwede 'yang iniisip m-" napatigil siya ng lingunin ang kaibigan. Humihilik na ito sa kalasingan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 15, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ayaw Ko ng Umiyak sa mga SHORT STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon