Ang Mundo sa Paningin ng Isang...

5.8K 26 6
                                    

Maikling kuwento — iniantolohiya sa SUBVERSO ng Alliance of Concerned Teachers o ACT)

KAGABI, matapos ang halos kalahating araw na pakikipagpulong, pakikipagtawaran at pakikipagsigawan sa mga opisyales ng unyon sa pabrikang iyon ng tabakong pag-aari ng pamilya Riego de Dios, nagmumurang umuwi ang kanyang amo, hindi nagdaan sa paborito nitong mamahaling otel sa tabing dagat ni sa pangmayamang kapihan sa Malate upang maghanap ng babaing makakapiling nito sa loob ng ilang oras o sa buong magdamag. Kahit sitenta anyos na, binata pa rin ito, malakas pa rin at matikas ngunit waring takot mag-asawa, kaya parang nasisiyahan na at hindi nagsasawa sa saglit na pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong babae na, kalimitan, pinakamatagal na ang isang linggong pakikipagkalantarian.

Ikinatuwa niya ang pag-uwi agad nito sapagkat tiyak niyang hindi siya pipiliting magtrabaho, di gaya kung nagbubumabad ito hanggang madaling-araw sa mga lugar na palipasan ng oras at aliw at pasyalan ng mga babaing mababango, makikinis, husto sa tindig at sukat, at waring mahihiyang lapitan ni kausapin ng karaniwang mga lalaki lamang na kukulu-kulo ang tiyan at walang maipagyayabang na kayamanan at kapangyarihan. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang paglingkuran ang kanyang amo sapagkat mahaba-haba na ring panahon ang kanyang ipinagtrabaho anumang oras nitong magustuhan, araw man o gabi, katanghalian man o madaling-araw, o kahit dapat na muna siyang magpahinga para manumbalik ang sigla niya’t lakas na matagal nang hinuhuthot at kinakatas.

Pagpasok na pagpasok ng kanyang amo sa maluwang, alpomprado at naiilawan ng aranyang mula pa sa Paris na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park, agad nitong tinawag ang pandak, mataba at kikimbul-kimbol na katulong na si Bebang na dose anyos pa lamang yata nang magsimulang maglingkod sa mga Riego de Dios nang ang amo niyang si Miguelito — kilala ngayon sa daigdig ng negosyo bilang Don Miguel na — ay kinse anyos naman. Nagpakuha ito ng isang kopita, malamig na tubig at isang boteng Dom Perignon, tatlong ulit na mabilis na lumagok, at biglang nagtungayaw nang mabungaran sa napakalaking telebisyon ang panggabing balita tungkol sa naganap na demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong mga manggagawang idinadaing ang kahirapan ng buhay at miserable nilang kalagayan kaya humihingi ng dagdag na sahod na P125 bawat araw.

“Punyeta! Mga b’wisit!” Umalingawngaw ang mataginting na tinig ni Don Miguel sa kabuuan ng salas, naglagos hanggang sa kusina, kaya nagmamadaling bumalik ang katulong na si Bebang, nilalamulamukot ang puting uniporme sa bandang tiyan at waring bariles na mabubuwal.

“Bakit po?”

“Tonta! Di kita tinatawag,” halos sairin nito ang lamang alak ng kopita. “Ano pa ang gusto nila? Mabuti nga, may trabaho pa sila.”

“Sino pong sila?” parang naguguluhang tanong ng namumutlang si Bebang.

“Letse… di kita kinakausap.” Muli nitong sinalinan ng Dom Perignon ang kopita at parang walang anumang tinungga.

Napangalahati ng kanyang amo ang lamang alak ng bote, at bigla siyang kinabahan nang magtungo ito sa banyo, matagal na naligo, nagsabon nang husto at, pagkatapos, kinuha ang paboritong pabangong Bulgari, winisikan ang leeg, maging ang dibdib at umuusling tiyan. Naisip niyang baka siya piliting magtrabaho, gaya noong di na mabilang na araw at gabi na para siyang minerong paulit-ulit na palulusungin at paaahunin sa makipot, madilim, malalim at maalingasaw na lugar na iyon na ikinaiigting ng mga ugat ng kanyang leeg, ikinapupula ng kanyang ulo sa galit, ikinababaligtad ng kanyang sikmura hanggang sa tuluyan siyang masuka at manlupaypay sa sobrang hirap ngunit, sa kabilang banda, para namang nasa glorya si Don Miguel at siyang-siya sa ipinagawa sa kanya.

Kailan nga ba nagsimula ang kanyang kalbaryo?

Malabo at pira-piraso na ang mga gunita noong anim na taon pa lamang ang edad ni Miguelito – ngayon nga’y si Don Miguel na – ngunit malinaw niyang natatandaan ang kasaysayan ng pamilya Riego de Dios sapagkat, matapos ang marangyang hapunan habang tumutugtog sa ponograpo ang maindayog na mga awiting Kastila, nakaugalian na nilang pag-usapan ang pinagmulan ng semilya ng pamilya sa beranda ng lumang mansiyong iyon sa kalye Arlegui sa Quiapo, at waring hindi iyon pinagsasawaang sariwain noon upang ipagmalaki marahil na hindi sila karaniwang Indio lamang kundi dumadaloy sa kanilang mga ugat at puklo ang dugo ng isang taal na peninsulares.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 08, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Mundo sa Paningin ng Isang...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon