"Sinasabi ko sa 'yo, Gavril Blaire, kapag iniwan mo ko ro'n ng kahit isang segundo, i-u-unfriend talaga kita!"
Nilingon ko si Bal na kinakabit ang seatbelt niya. "F.O. na tayo forever," dagdag niya pa.
Natawa ako at lumapit para ayusin ang pagkakasuot ng seatbelt niya. Magulo kasi. Naiipit siya. "Hindi nga. Saka hindi naman nanganggat pamilya ko, tumatahol lang."
"Sumbong kita kay Tita."
Tumawa lang ako at ini-start ang kotse. Papunta kami ngayon sa main residence nina Abuella para sa family gathering. We do it once a month with the whole family, including the extended ones.
"Bring your girl with you, Gavril Blaire."
Naalala ko na naman ang sinabi ni Mommy at uminit ang tainga. Nilingon ko si Bal na nakatingin sa labas habang nilalaro ang mga daliri. Halatang kinakabahan.
"Tinitingin tingin mo diyan?" maangas na tanong niya nang mahuli akong sumusulyap sa kanya.
Nginitian ko ito bago sumagot. "Ganda mo."
Mas lalong lumawak ang ngiti ko nang mabilisan siyang mag-iwas ng tingin at ilubog ang sarili sa upuan. Pilit niya pang tinakpan ang mukha niya gamit ang buhok. "Gusto kong mag-bangs. . ."
"Sige. . . Dalaga na si Dora," asar ko pa at nakatanggap ng masamang tingin pabalik.
"Sumbong kita kay Kuya. 'Kala mo, ha," pananakot niya.
Saktong nagpula ang stop light kaya inihinto ko muna ang kotse. "Joke lang. Bawal na ba mag-joke?" Kumuha ako ng bungkos ng buhok niya at inayos ito sa harapan. "Lalisa 'yan?"
Tinabig niya ang kamay ko at sinamaan ulit ako ng tingin, pero hindi nakawala sa paningin ko ang pinipigilang ngiti ng labi niya. "Kapag tayo nabangga, hindi kita dadalawin sa impyerno."
"Ikaw kasi ang nakakulong do'n. Pero dahil mahal kita, bibisita ako once a week. Dadalhan kita ng ice tubig."
Buong byahe, nag-aasaran lang kaming dalawa. Hindi naman siya pikon, pero ang cute ng mukha niya kapag naiinis. Parang hamster na galit.
"Kinakabahan ako," anang niya nang pumasok kami sa building at kumapit sa braso ko. "Kinakabahan ako, bal."
Bumaba ang tingin ko sa braso niyang nakakapit sa akin. Ako ang kinakabahan sa 'yo, bal.
"Dito ka lang sa 'kin," sagot ko at hinawakan ang kamay niyang nasa braso ko.
Dama ko talaga ang kaba niya dahil halatang halata ito. Kung saan saan siya lumilingon at kung ano ano ang sinisilip. Kaunting ingay lang, mapapatalon siya sa gulat.
"Ready?" tanong ko sa kanya nang makapunta kami sa room kung saan gaganapin ang dinner.
"Pwede mag-back out?" alangan na tanong niya pabalik.
"Bawal," natatawang sagot ko bago i-alis ang kabit ng braso niya sa akin at hawakan na lang ang kanyang kamay.
"Huwag mo kong bibitawan, bal. Huwag mo kong bibitawan," paulit-ulit na bulong niya habang binubuksan ko ang pinto.
"Hindi nga." Pinagsiklop ko ang mga daliri namin at hinigpitan ang hawak sa kamay niyang nanlalamig.
Pagkabukas pa lang ng pinto, napunta na agad sa amin ang atensyon ng buong pamilya. Nakangiti ng malaki ang mga pinsan ko habang sinisipat naman nila tita ang kasama ko. From my peripheral vision, I saw Mom whispering something to Abuella.
"What if takbuhan kita ngayon?" mahinang bulong ni Bal habang naglilikot ang mata sa paligid.
"You're not getting the chance." Sinimulan kong maglakad patungo kina Mommy at dahil hawak ko ang kamay ni Bal, nakasunod din siya sa 'kin.
BINABASA MO ANG
Strummed Heartstrings (Galexia Sounds #3)
Teen FictionThe least thing Blaire expected was falling in love with Blythe who puked on him during their first meeting.