Fiel's POV

8 0 0
                                    

Tumalikod ako sayo. Tatlong hakbang mula sa'yo, gusto ko sanang lumingon pero mas pinili kong ituloy ang paglakad ko. Pauwi. Paalis ng tindahan. Palayo sayo.

"Lola Nena, isa pong Coke 1.5." may kalakasang sagot ko sa matandang may-ari ng pinakamalaking sari-sari store sa lugar natin. Kilala mo naman si Lola Nena diba, may kahinaan na ang tenga.

Sa sandaling iyon, habang hinihintay ko ang pagbalik ni Lola Nena ay dumating ka. Tinapik mo ako ng bahagya sa aking kaliwang braso kasabay ng pagbati mo ng "Oy!". Di man ako tumingin, alam kong ikaw yon dahil kilalang kilala ko ang boses mo pati na rin ang nakaugalian mong pagtapik sa braso ko.

Kilala kita kung kaya't ngayon hindi ko alam ang gagawin ko o ang sasabihin ko, pakiramdam ko na-corner ako, na-checkmate sa sitwasyon natin ngayon. Wala akong maisip sabihin, kaya pinili ko na lang ang tumango sa direksyon mo.

Tulad ng kadalasan, naging matagal ang pagbalik ni Lola Nena at ang pilang kanina ay tayo lang dalwa ay umabot na ng lima. Halos gusto ko nang umalis. Hindi ko na matiis ang nakakabinging kaba sa aking dibdib. Gusto ko nang makabalik si Lola Nena para makaalis na ako sa tabi mo; dahil sa totoo lang, ang pagkakataong tulad nito ang pinakainiiwasan ko - ang magkita tayo.

Tahimik lang ako habang ikaw naman ay nagbibigay kumento sa head band na nasa ulo ko. "Ano naman 'yan?" tanong mo sakin habang nakaturo ka sa bunny ears kong head band. "Wala na akong ibang head band eh. Ito na lang," sagot ko naman sayo. Inakbayan mo ako at sinabing, "Ikaw talaga mga pauso mo." Isang sarcastic na "So?" lang ang isinagot ko sayo at inalis ko ang pagkaka-akbay mo.

Naiinis ako sayo. Naiinis ako sayo dahil parang hindi mo man lang naiisip ang nararamdaman ko. Naiinis ako dahil madali lang sayo ang kumilos na parang ayos lang ang lahat, na matapos masira ang dating "tayo" ay madali lang itong maibalik sa pagiging "magkaibigan".

Best friend kita noon bago magkaroon ng "tayo". Malinaw ang usapan natin noon na best friends tayo forever. Malinaw din ang usapan nating friends pa rin tayo noong mag-break tayo. Alam ko malinaw. Malinaw sabihin pero malabong gawin.

Naiinis ako sayo dahil malinaw na kaya mong gawin ang malinaw nating usapan pero mas naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko kayang gawin ang umaktong ayos tayo. Mahal pa rin kasi kita. Mahal pa rin kita ng higit sa kaibigan lang.

Sa wakas, nakabalik na si Lola Nena. Iniabot ko ang bayad kong fifty-five pesos sabay kuha ng Coke na binili ko. Paalis na ako pero hinarang mo ang braso mo sa harapan ko at bahagyang inakap mo ako. "Tumataba ka na naman," yan ang sabi mo sakin bago ka bumitiw sa yakap na binigay mo sakin. Hindi ako sumagot dahil wala akong maisip na dapat kong sabihin sayo. Ang naiisip ko lang naiinis ako sa mga ganitong kilos mo.

Tumalikod ako sayo. Tatlong hakbang mula sa'yo gusto ko sanang lumingon pero mas pinili kong ituloy ang paglakad ko. Pauwi. Paalis ng tindahan. Palayo sayo.

Halos isang taon na magmula nang umalis ako sa lugar natin. Ganoon na rin katagal nang huli kitang makita sa tinadahan ni Lola Nena.

Sa loob ng halos isang taong iyon, maraming beses kong naiisip ang araw na yon, ang sandaling nandun tayo sa tapat ng tindahan ni Lola Nena at nagbibigay ka ng snide remarks sa bunny ears kong head band, pati na rin ang huling yakap na nagmula sayo.

Marahil kung nasa isang nobela o pelikula tayo, sa araw na 'yon, dahan dahan lilingon ako sayo at makikita kong nakatingin ka sa direksyon ko. Pero wala tayo sa nobela o pelikula. Hindi tayo kathang isip lang. Totoo tayo. At ito ang katotohanan natin.

Lumayo ako sayo. Nagmahal ka ng iba. Hindi na tayo friends forever. Wala ng "tayo" sa ending. Ito ang katotohanan natin. Ito an g katotohanang kapag isinulat ko ang kwento natin ay babaguhin ko ang ending, para kahit sa libro man lang, may "tayo" hanggang huli.


--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

AUTHOR'S NOTE: Aside sa based on a true encounter 'to years ago with my ex, habang bumibili ako ng Coke sa tindahan. I was also inspired to write this after kong mapanood yung movie about Jane Austen na Becoming Jane. After watching that film, I realized na minsan yung authors/writers they alter the ending of their own stories. Hence, I came up with the title "Alter the Truth". 

Ikaw, ano'ng movie ang nag-inspired ng kwento mong naisulat? Tara. Kwentuhan tayo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 12, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Alter the TruthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon