I vividly remember when it all started. That very specific day on the month of February.Noong araw na nakilala ko 'yung taong hindi ko aakalain na magpapabago ng takbo ng buhay ko. O, baka, hindi ko lang napansin pero. . . noon pa lang nabago niya na nang 'di ko namamalayan.
Naalala ko na nakatayo ako noon sa labas ng eskwelahan. Naghihintay na sunduin ni Papa kasama ng nakababatang kapatid ko na si Akiko. Hindi naman ako mag-isa dahil kasama ko si Miranda, kaibigan ko simula pa noong ika-4 na baitang. Nasa ika-6 na baitang na kami ng mga panahong iyon. Masaya pa at medyo magaan ang buhay. Walang kaalam-alam kung gaano kabigat at kahirap ang sampal ng totoong mundo pagdating namin sa mga tamang gulang.
Ngumunguya ng kung ano si Nada. Nilingon ko ang pinanggalingan niya kanina no'ng nagpaalam siya na may bibilhin lang daw. . saglit. At ang saglit na sabi niya'y inabot lang naman ng limang minuto mahigit.
Nalaman ko kaagad ang sagot nang tumama ang mainit na usok na nagmumula sa ihawan ng barbeque at inihaw na pusit. May mga nagbebenta rin ng iba pang street foods katulad ng fishball, kikiam, squid ball, at french fries. May iba't ibang flavor din ng palamig.
Pinilig ko ang ulo paharap kung saan nakatungo ang katawan ko. Pilit na nilalabanan ang pwersa ng pagdurukot ng barya mula sa bulsa para makabili ng makakain. Nilunok ko na rin ang laway na nagsisimulang mamuo sa gilid ng gilagid ko dahil sa nararamdamang gutom. Kung maari lang na huwag nang huminga ay ginawa ko na pero mapapatay ko lang ang sarili ko kapag gano'n, 'di ba?
Kailangan mong labanan ang tukso, Inca! Nagtitipid tayo para sa birthday ni Miranda! Tama! Huwag kang papatinag! Hindi tayo pwedeng umasa sa hingi mula kanila Mama kasi dapat sila ang magbibigay nang kusa. Control! Kaya mo 'yan!
Pagkatapos malabanan nang tuluyan ang napakalakas na kapangyarihan ng pagkain at katakawan ng sarili ay nakahinga ako nang maluwag. Sa wakas!, Bulong ko pa sa sarili.
Kung sa totoo lang ay puwede naman akong magbawas ng kahit kaunting barya para makabili ngunit hindi ko ginawa. Ayaw ko. Gusto ko kasi na mula sa pinaghirapan o. . pinagtiisan ko manggagaling ang regalo ko para sa kanya.
Mula sa gilid ng mata ko ay nakikita ko kung gaano katakaw kainin ni Miranda ang barbeque na paborito niya. Pareho kami ng mga hilig sa pagkain. Sobrang hilig niya sa mga pagkain kaso hindi naman siya tumataba. Masaya pa nga siya kasi ibig sabihin daw noon ay pwede niyang kainin ang kahit ano nang hindi lumulobo. Pagkain nga ata ang dahilan kung bakit din kami naging magkaibigan.
Saka ko nalang iki-kwento kung paano kami nagsama nang matagal. Hindi naman para sa kanya 'tong inaalala ko, e.
"Thoper na 'di pa tuli!" Sigaw ng isang boses. Sapat ang lakas ng tinig niya kaya napatingin kaagad ang malikot ko na mga mata sa pinagmulan ng tinig.
Nakuha ng isang batang lalaki na tumatakbong dumaan sa harap ko ang atensyon ng aking buong pagkatao. Hindi ko alam kung bakit pero parang nabihag niya ata ako. Dahil ba 'yun sa kulay pink niyang buhok o dahil sa. . . ngiti niyang 'sing liwanag ng unang sikat ng araw?
Pinanood ko kung paano siya muntik na madapa ngunit mabuti nalang at kaagad naagapan ng isa pang batang lalaki. 'Yun ata ang hinahabol niya dahil doon na rin siya tumigil.
Binalik ko ang kaliwang paa sa pagkakapantay sa kanan ko na handa na sanang humakbang papunta sa kanya para matulungan siyang tumayo. Doon ko lang naalala na hindi ko naman siya kilala kaya bakit ko siya paglalaanan ng oras? Bakit ko nga ba naisip na tumakbo papunta sa kanya at sagipin siya, e, napakalayo nila?
'Saka ang ingay niya masyado. Parang nakalunok ng megaphone.
Ang nakasalo sa kanya ay tumawa lang at saka ko lang napansin na may kasama rin ito na isang pang lalaki na nakabusangot, tila pinagagalitan 'yung maingay gamit ang mga mata niya. Siya siguro 'yung Thoper. . ? Tama 'yan. Pagalitan mo siya!