1

4.4K 114 15
                                    

BIGLANG nagmulat ng mga mata si Aline. Mabilis ang tibok ng kanyang puso. Ramdam niya na may hindi magandang nangyayari sa kanyang paligid. Bago pa man niya malinga ang Lola Pacing niya na katabi sa higaan, may malamig na kamay ang mariing tumakip sa kanyang bibig. Nanlaki ang kanyang mga mata sa labis na takot nang makita ang isang hindi pamilyar na lalaki na may mapulang mga mata. Nagsimula siyang magpumiglas. Kung masamang panaginip lamang ito, nais na niyang magising.

Ngumisi ang lalaki. Kitang-kita ang nakakadiring madilaw nitong ngipin. "Nag-aaksaya ka lang ng lakas mo, Binibini," bulong nito.

Nilukob na ng takot ang buong pagkatao ni Aline. Halos nasisiguro na niya na hindi siya nananaginip lamang. Totoong napasok sila ng masasamang-loob. Nasisiguro din niya na hindi taga-Mahiwaga ang lalaki. Walang tagaroon ang mangangahas na looban ang Villa Cattleya.

Bigla siyang hinaklit ng lalaki pabangon sa kama. Noon nakita ni Aline ang Lola Pacing niya na hawak din ng isang lalaki. Nagpupumiglas ang matanda ngunit walang panama ang lakas nito sa lakas ng lalaking nakangisi at mapula rin ang mga mata. Sa palagay niya ay nakatira ng ipinagbabawal na gamot ang dalawa. Iyon lang ang nakikita niyang paliwanag kung bakit nangahas ang mga ito na looban ang Villa Cattleya.

"Maganda 'yang hawak mo, 'dre," anang lalaking nakahawak sa lola ni Aline habang pinapasadahan ng malaswang tingin ang kabuuan niya. Naka-pajama siya at maluwang na T-shirt, ngunit wala siyang suot na bra.

Hinapit si Aline ng lalaking nakahawak sa kanya. "Oo nga, 'dre. Sa 'yo, matanda na, akin, sariwang-sariwa." Idinikit ng hinayupak ang maselang parte ng katawan nito sa may puwitan niya.

Nanghilakbot si Aline. Nagpumiglas. Tila lalo namang natuwa ang lalaki sa ginawa niya. Unti-unting nahaluan ng galit ang takot at hilakbot na nararamdaman ni Aline. Ipinangako niya na kapag nakawala siya mula sa lalaki ay hindi niya palalampasin ang lahat ng ginawa nito.

"Mamaya na 'yan, 'dre. Baka hinahanap na tayo nina Bossing sa labas."

Namilog ang mga mata ni Aline sa narinig. Hindi lamang dalawa ang nanloob sa villa, may iba pang kasamahan ang mga ito! May pinuno. Kinaladkad sila palabas ng dalawang lalaki. Tumigil si Aline sa pagpasag at mabilis na nag-isip. Napatingin siya sa lola niya na patuloy ang pagpupumiglas. Alam niyang natatakot ito ngunit pilit na pinagtatakpan at nilalabanan. Kailangan nitong makawala. Hindi na niya matagalang makita ang kanyang lola sa ganoong kalagayan. Hindi pa niya gaanong nalilimi sa kanyang isipan ang plano ngunit naisakatuparan na niya. Medyo nakampante ang nakahawak sa kanya nang tumigil siya sa pagpupumiglas kaya lumuwang ang pagkakakapit nito. Bigla siyang lumingon at buong-puwersang sinipa ang shinbone ng lalaking nakahawak sa lola niya.

Umaringking sa sakit ang lalaki sa hindi inaasahang atake mula kay Aline. Naging maagap ang kanyang Lola Pacing at nakawala.

Marahas niyang inalis ang kamay na nakatakip sa kanyang bibig. "Takbo na, 'La!"

Hindi nag-atubili ang matanda, mabilis itong tumalilis ng takbo. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagmamalaki habang pinapanood ang mabilis nitong paglayo. Kahit na may-edad na, maliksi pa rin si Lola Pacing. Matalas din ang isipan kaya hindi nag-aksaya ng panahon. Medyo nakahinga na siya, nabawasan ang takot sa dibdib. Maililigtas sila. Hihingi ito ng saklolo at lagot ang mga lalaki.

"'Tang-ina," galit na usal ng lalaking nakahawak kay Aline. Hinigpitan uli nito ang mga brasong nakapaikot sa kanya. Nanggigil yata ito kaya sinabunutan pa siya. Hindi siya umaray kahit na nasaktan siyang talaga. Naglabas ito ng panyo at binusalan na ang kanyang bibig. Ginawa niya ang lahat upang mahirapan ito sa ginagawa.

Gigil na gigil na rin sa galit ang lalaking sinipa niya. Masama ang tinging ipinukol nito sa kanya. Tiningnan din niya nang masama ang lalaki. "Buwisit kang babae ka. Kapag nayari ako kay Boss mamaya, ikaw ang yayariin ko. Makikita mo!" Muli, hinagod nito ng malaswang tingin ang kabuuan iya.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon