2

1.9K 86 6
                                    

WALONG taong gulang si Aline nang mamatay dahil sa cancer sa buto ang kanyang ina. Wala sa paligid ang kanyang ama habang iginugupo ng sakit ang kanyang ina. Noong bata pa siya, tanong siya nang tanong kung nasaan ito, walang sumasagot at minsan ay walang pumapansin sa kanya. Minsan naman, hahaplusin ang buhok niya at ngingitian siya. Paglaon na lang niya natanto na puno ng awa ang mga ngiting iyon. Nang mamatay ang kanyang ina ay saka lang niya nakita ang kanyang ama. Tanong siya nang tanong kung bakit noon lang ito dumating ngunit hindi siya masagot nang deretsa.

Nang mailibing ang kanyang ina, kinausap si Aline ng kanyang ama. Ang sabi nito ay kailangan nitong umalis kaya kay Lola Pacing muna siya maninirahan. Tinanong niya kung bakit hindi siya maaaring sumama ngunit hindi uli siya nito masagot. Kapatid si Lola Pacing ni Lola Perlita—ang nanay ng mama niya. Hindi pa man ipinapanganak si Aline ay pumanaw na si Lola Perlita. Malapit na malapit kay Lola Pacing ang kanyang ina at halos ituring na nitong tunay na anak ang kanyang ina kaya tunay na apo na rin ang turing nito kay Aline. Malugod siyang tinanggap sa Mahiwaga at kinalinga.

Kaya walong taon pa lamang siya, nakatira na siya sa Villa Cattleya.

Marami ang nagsasabing napakasuwerte ni Aline, at alam niya sa kanyang sarili na totoo iyon. Naging napakabait sa kanya ng mga Castañeda. Hindi niya naramdaman na ulila na siya sa ina at basta na lang siya iniwan ng kanyang ama. Pakiramdam niya, parte siya ng napakalaking pamilya. Hindi ipinaramdam ng mga ito na isa lang siyang hamak na utusan ng pamilya.

Makalipas ang isang taon sa pangangalaga ni Lola Pacing, ipinaliwanag na nito kay Aline kung bakit hindi siya binibisita ng kanyang ama. May iba na pala itong pamilya. Hindi pa man nada-diagnose na may cancer ang kanyang ina ay humiwalay na ito upang makasama ang babaeng ayon sa ama ay talagang iniibig nito. Nasaktan siya nang labis at pilit niyang iniintindi ngunit nahihirapan siyang mapagtagumpayan iyon. Ang sabi ni Lola Pacing masyado pa siyang bata upang maintindihan, ngunit hindi pa rin niya maintindihan ang dahilan ng ama kahit ngayong malaki na siya. Hindi niya maintindihan kung paano nito naatim na basta na lang siya iwan, kung bakit hindi man lang siya dinadalaw. Kahit man lang padalhan siya ng sustento ay hindi nito ginagawa.

Hindi naman kailangan ng pera ni Aline kung tutuusin. Hindi siya maluho, pinalaki siya ni Lola Pacing sa payak na pamumuhay. Hindi na rin niya kailangang bumili ng mga gamit dahil maraming nagbibigay sa kanya. Sa dami ay halos hindi na niya nagagamit ang iba. Madalas na may pasalubong siya tuwing may mga umuuwi sa villa. Tuwing lumalabas at namimili si Lola Ancia ay hindi siya nakakalimutang ibili ng matanda ng kung ano-ano. May mga orihinal siyang bag at designers clothes dahil sa kanya bumabagsak ang mga gamit na hindi na gustong gamitin ng mga manugang at apong babae ni Lola Ancia.

May ibinibigay na malaking allowance si Lola Ancia kay Aline kahit na tinanggihan niya iyon. Para daw iyon sa pag-aalaga niya rito at pagtatrabaho sa villa. Hiyang-hiya na siya sa matanda dahil pinag-aaral na siya ni Lola Ancia. Magtatapos na siya sa kursong Nursing ngayong Marso. Kaya hindi na talaga niya kailangan ang pera ng kanyang ama. Ang tanging hiling lang niya ay maalala siya nito kahit na paminsan-minsan lang. Anak naman siya ng ama. Hindi naman siguro kalabisan kung hihilingin niya iyon.

May kapatid si Aline sa ama, si Amelia. Hindi siya aware sa existence ni Amelia hanggang sa nagpadala ito sa kanya ng private message sa Facebook at nagpakilala tatlong taon na ang nakararaan. Ikinuwento raw kay Amelia ng kanilang ama ang tungkol sa kanya. Nagulat siya sa nalaman. Noong una ay hindi niya alam kung paano sasagutin ang private message ng kapatid sa ama. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman at iisipin. Ngunit nanaig din paglaon ang pananabik na makilala at mapalapit sa kanyang pamilya, sa kanyang ama. Naisip niya na hindi naman pala siya lubusang nakalimutan ng kanyang ama. Kahit na paano pala ay ikinukuwento siya nito sa anak, sa kapatid niya.

Villa Cattleya: Fated Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon