Bisita sa Gabi

4 0 0
                                    

Nabungangaan na naman si Louie ng kanyang ina dahil pasuray-suray na naman itong umuwi. Gabi-gabi na lamang ay naglalasing ito kasama ang mga barkada at dis oras na ng gabi umuuwi sa kanilang bahay.

Ano ba naman Louie? Ano bang balak mong gawin sa buhay mo. Gabi-gabi ka na lang ganyan. Mas inuuna mo pa ang pag-iinom kasama ang barkada kesa sa tumulong sa akin dito sa bahay. Wala ka nang ibang ginawa kundi maglamyerda. Nakuuu --

Dire-diretsong pumasok sa kanilang bahay si Louie. Ni hindi man lamang binati ang ina. Nagtaingang-kawali ito sa mga idinadakdak sa kanya. Gusto na niyang matulog kaya't pasalampak itong humiga sa kanyang higaan at nakatulog na nga habang ang ina'y patuloy pa rin sa lilitaniya sa lasing nitong anak.

Kinabukasan ay walang pasok si Louie. Balak niya sanang umalis ng bahay at makipag-inuman ulit sa mga tropa niya ngunit hinarangan siya ng ina at hindi siya hinayaang makaalis ng bahay ng araw na iyon.

Ngunit ayaw ni Louie na makatulog nang matino ang kanyang isip. Hindi naman kasi alam ng ina ang nangyayari sa kanya gabi-gabi. Ayaw rin naman niyang ikwento ito sa ina dahil paniguradong hindi siya nito paniniwalaan at sasabihan pa siyang gumagawa ng kung ano-anong kwento para lamang makainom siya.

Tumakas si Louie ng gabing iyon habang tulog na tulog ang kanyang ina. Ayaw niyang matulog sa bahay nila ng hindi siya lasing. Habang tumutungga ng alak ay naaalala niya pa rin ang nakakahindik na karanasang iyon na hindi niya malaman kung panaginip ba o totoo.

Isang gabi noon, natutulog siya sa bahay nila. Nagkataong hindi siya lasing ng araw na iyon kaya nahihhirapan siyang matulog. Bumabalikwas siya sa kanyang higaan, hinahanap kung saang pwesto siya makakatulog nang mahimbing. 

Naalimpungatan siya at nagising. Madilim ang paligid dahil nakapatay ang lahat ng ilaw sa kanilang kabahayan. Babangon na sana siya nang maramdaman niyang hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Nagpalinga-linga ang mata niya sa paligid at pilit na inaaninag ang mga bagay-bagay sa dilim nang mapadako ang kanyang mga mata sa pinto ng banyo nila.

May naaaninag siyang nakatayo roon. Babae. Mahaba ang buhok at nakasuot ng mahabang itim na damit. Hindi niya maaninag ang mukha dahil nga madilim. Napalunok si Louie at ramdam niyang nagtaasan lahat ng balahibo niya sa katawan. Nasa mahigit dalawang metro ang layo ng higaan niya sa banyo nila at nakaharap ang paa niya doon. Hindi niya magawang kumisap. Nakatitig lamang siya sa babae at wari ba'y nakatitig rin ito sa kanya.

Pinilit ni Louie na igalaw ang kanyang katawan pero wala pa rin. Napapikit siya ng mariin at pilit na ginigising ang sarili. Nang magmulat siya ulit ay isang metro na lang ang layo ng babae sa kanya. Gusto niyang sumigaw ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Naiiyak na siya at hindi alam ang gagawin. Ni hindi niya mapunasan ang mga luhang nangingilid mula sa kanyang mga mata.

Napapikit muli si Louie. Ayaw na niyang makita ang babaeng nakaitim. Pinipilit pa rin niyang galawin ang katawan ngunit hindi niya talaga magawa. Muli siyang napamulat at laking gulat niya nang makita ang babae isang sentimetro na lang ang layo sa kanyang mukha. Nakapatong na ito sa kanya at ramdam niya ang pagsikip ng kanyang dibdib. Mulat na mulat ang mga namumulang mata nitong nakatitig sa kanya at ramdam na ramdam niya ang mahahaba nitong buhok na nakakalat sa buo niyang katawan.

Maiyak-iyak na si Louie at nag-usal ng mga kinabisado niyang mga dasal. 

Ama namin, sumasalangit Ka.
Sambahin ang ngalan Mo.
Mapasaamin ang kaharian mo
Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit.

Nagulat si Louie nang marinig ang boses niyang umuusal ng panalangin ngunit mas nagulat siya sa boses na sumasabay sa kanya. Garalgal ito at parang hinugot mula sa ilalim ng lupa. Nakita niyang nakangiti ng malapad ang babaeng nasa kanyang harapan at parang inaasar siya nito sa kanyang ginagawa. Umiyak ng matindi si Louie. Hindi na niya alam kung ilang balde na ng luha ang nabuhos niya nang gabing yun.

Napapikit si Louie at pilit na nanalangin. Tahimik niyang hiniling sa Panginoon na tulungan siyang gumising sa bangungot na ito. Naririnig niya ang pagtawa ng babaeng nakadagan sa kanya ngunit pinilit niya ang sariling wag na lamang dumilat. Patuloy pa rin siya sa pagdarasal hanggang sa maramdaman niyang mawala ang presensyang kanina pa ay nagpapabigat ng kanyang nararamdaman.

Napamulat ng mata si Louie at tiningnan ang paligid. Wala na ang babae at nakabukas na ang ilaw sa kanilang bahay. Nakita niya ang kanyang inang nagluluto, naghahanda ng kanilang almusal. Pagod na pagod ang pakiramdam ni Louie at gusto pa sanang matulog ngunit hindi na niya magawa pa. Natatakot siya. 

Natatakot siyang muling matulog at makita ang babaeng ang mukha ay hindi na niya malilimutan pa.


You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jun 14, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Tales of ParanormalWhere stories live. Discover now