Sa ganoong paraan natapos ang hapunan ng mga Altamirano. Isa-isang nagsitayuan ang mga bisita at nagpaalam sa kadahilanang paglalim ng gabi at pagod ng katawan.
Nang nakaalis sa hapag ay sinimulan na namin itong linisin. Paroo't parito kami sa pagligpit ng kanilang mga pinagkainan.
Sinundan ko ng tingin ang mga tira-tirang putaheng ipinasok sa kusina at nawala sa aking landas. Saan kaya nila ilalagay iyon? Baka pwedeng makahingi nalang ng kaunti noong Escabeche na ulo nalang ng isda ang natira? O di kaya kahit yung mga tira-tirang dahon nalang ng salad?
Mabilis kong tinapos ang paglilinis sa dining area at iniligpit na ang gamit na mop at timba. Pinasok ko ang kusina at namataan ko ang tatlong katrabaho.
Sa pagakataong ito ay nakatayo si Reese sa may lababo, ang may bob cut na buhok ay naglilinis ng lamesa at yung isa naman ay nagwawalis. Sa isang bukana ay naroon nakatayo ang mayordoma na pawang nasa likuran ang mga kamay.
"Tapusin niyo na 'yan nang kayo'y makapaghinga na. Maaga tayo ulit bukas. Mauuna na ako." isa-isa niya kaming binigyan ng huling tingin bago tumalikod at umalis na.
Ilang segundo matapos umalis ng mayordoma ay biglang initsa ng babaeng nakabob cut ang buhok ang kanyang basahan sa akin na agaran ko namang nasalo.
"Oy, bagong salta! Ikaw na magtapos sa pagpunas. Hindi ka pa naman siguro pagod kasi hindi ka naman naglinis ng mansyon kanina. Konting-konti nalang babagsak na ako sa pagod." padabog na utos niya sa akin.
Sa kanyang huling sinabi ay pinadaanan niya ng kanyang mga darili ang kanyang maikling buhok at pinaypay ang kanyang mukha.
"Hoy, Lena! Huwag mong pinapasa sa iba ang trabaho mo. Hindi lang naman ikaw ang pagod dito, ah!" singhal naman ni Reese na bahagya lamang tumalikod dahil puno ng bula ang mga kamay dahil sa paghuhugas.
Bumalik ang paningin ko kay Lena na ipinaikot lamang ang kanyang mga mata at nilagay ang mga kamay sa bewang. "Shut up ka Reese! Akala mo hindi ko alam na lagi mong pinapakiusapan si Manang Marites na ikaw nalang ang magdilig ng mga halaman imbis na maglaba?" dinuro niya si Reese na ngayon ay natahimik. "Ako ang sumalo noon lahat! Maawa ka naman sa bonsai sa may guard house at laging nalulunod dahil sa lampungan niyo ni Jojo. Ikatlong besas na nating napalitan 'yon, huy!"
Lumalaki na ang butas sa kanyang ilong dahil sa inis at kinailangan na itong sitahin ng babaeng nakatayo sa pagitan nila na hawak ang walis. Nakayuko namang bumulong-bulong si Reese sa kanyang kinatatayuan.
"Oh, oh, tama na 'yan. Huwag niyo ng pabalikin dito si manang at pasakitin ang ulo." tiningnan niya si Lena at tumango rito. "Magpahinga ka na, kami na ang tatapos dito."
Bumuntong hininga si Lena bago tuluyang tumalikod at nilisan ang silid, huli na para makita ang malokong paglabas ng dila ni Reese sa kanya. Umiling lamang ang babae sa kakaulitan ni Reese bago bumaling sa akin at ngumiti.
"Ako nga pala si Deseree. Ate Des ang tawag nila sa akin dito." pagpapakilala niya sa akin.
Tumango ako at sinuklian ang kayang maaliwalas na ngiti. "Ako po si Kassia, pero pwede niyo akong tawaging Kas." mula sa mga maliliit na linya sa kanyang mukha at tunog ng kanyang boses ay napagtanto kong nasa higit trenta na ang kanyang edad. May magaan itong ngiti na inilalabas ang kanyang mga biloy.
Dumako ang tingin niya sa hawak kong basahan at muling umiling.
"Pagpasensyahan mo na si Lena. Mabait na bata 'yon. Mukhang may dalaw lang at ikaw ang napagdiktahan." inilahad niya ang kanyang palad. "Akin na 'yan. Ako na ang tatapos sa pagpupunas. Siguradong pagod ka sa biyahe patungo rito."
Gusto kong tumango at sumang-ayon sa kanyang sinabi pero dahil sa hiya at sa nakita kong pagod sa kanyang mga mata ay umurong ang dila ko.
Nakangiti akong umiling sa kanya at iniwas ang hawak na basahan. "Ako na po. Hindi pa naman po ako pagod. Siguradong mamamahay lang ako kapag pumanhik na ako sa kwarto. Hihintayin ko nalang matapos si Reese." at makikikain lang sana ako.
BINABASA MO ANG
When The Eyes Speak
Teen FictionSenses Series 1. On-going. "Nalulunod ako sa paraan ng pagtitig niya na puno ng emosyon. Gusto ko man magsalita ngunit hinihigop ng mga mata niya ang lahat ng natitirang lakas ko." Started: January 3, 2023 Ended: --