File 3: Balete Drive ( in tagalog)
Kwento Ng Isang Taxi Driver
Mayroon ako isang kamaganak na taxi driver na kaka-retire lang dahil hindi na niya kaya magmaneho dahil sumasakit ang kanyang likod, at di na niya makayanan ang traffic ngayon. Nagmaneho siya ng mahigit 40 years at nagsimula siya noong '60s; maluwag pa raw ang Maynila at mas madali magmaneho noong mga panahong iyon. Sa dami ng mga pasaherong sumakay sa kanyang taxi, dalawa lang ang hindi niya malilimutan.
Isang madilim at maulan na hapon noong 1965 nagmamaneho ang aking tiyo patungong Aurora Boulevard; kakahatid lang niya ng isang pasahero sa Cubao. Nakakita siya ng dalawang mukhang magasawa na nakatayong naghihintay sa isang waiting shed. Pumara ang aking tiyo sa tabi ng waiting shed at ibinaba niya ang kanyang bintana para kausapin ang dalawang naghihintay. "Taxi sir?" ang tanong niya sa dalawa. Hindi umimik ang dalawa at tinitigan lang siya ng lalaki. Naisipan ng aking tiyo na baka pipi ang dalawa at hindi sila makapag salita, kaya binuksan niya ang pinto para sila'y makapasok sa likod ng kanyang sasakyan. "Halika pumasok po kayo at malakas ang ulan..." pumasok at umupo ang dalawa sa likod ng kanyang taxi. Mukhang mayaman raw ang itsura ng dalawa, ngunit nakakapagtaka nga naman kung bakit sila naghihintay sa ilalim ng isang waiting shed na walang dalang sariling sasakyan. Nginingitian ng aking tiyo ang dalawa mula sa repleksyon ng kanyang salamin, at kung anu-ano ang kanyang itinatanong para makipagkuwentuhan. "Saan po kayo nangaling? Buti hindi po kayo nabasa ng husto..." walang imik ang dalawang pasahero. "Buti na lang at dumating ako. Wala pa naman kayong payong..." tahimik na nakatingin lang ang dalawa sa bintana. "Siya nga pala, saan po tayo sir?" "Sa New Manila". Nagulat ang aking tiyo at sumagot rin ang lalaki. Mababa at mabagal raw ang kanyang pagsasalita. Hindi malaman ng aking ityo kung bakit siya ninerbyos sa tono ng boses ng lalaki. Hindi na siya nagtanung pa, at naging matahimik ang kanilang biyahe. Umu-oo lang ang lalaki pag nagtatanog ng direksyon ang aking tiyo, hanggang makarating sila sa isang malaking bahay sa Balete Drive.
Saglit na tiningnan ng tiyo ko ang metro; at bigla siyang lumingon para sabihin kung magkano ang pamasahe, "Sir ano po..." nagulat siya nung makita niya na walang taong nakasakay sa likod ng kanyang sasakyan. Hinagilap niya ang kalye at paligid ngunit hindi niya makita ang kanyang dalawang pasahero. Hindi niya malaman kung papano sila nakalabas at naka-lock ang parehong pintuan sa likod. Tiyak na maririnig niya ang pagbukas at pagsara nito kung lumabas man sila. Naisip niya na siguro hindi niya namalayan ang kanilang paglabas, at baka naman pumasok sila sa bahay nila para kumuha ng perang pangbayad. Halos bente minutos siyang naghintay bago siya lumabas at lumapit sa gate ng bahay. Sinubukan niyang buksan ang gate at panay katok siya: "Tao po! Sir! Yung taxi driver po!" walang sumagot. Naisipan niya pumunta sa guard house ng kapitbahay para magtanong. "Boss..." sabi niya sa guardia, "Kilala mo ba yung nakatira sa malaking bahay na yan?" tinuro niya ang bahay na kung saan nakaparada ang kanyang taxi sa harap ng gate. Tiningnan siya nang guardia na para siyang nasiraan ng ulo. "Walang nakatira diyan..." "Ha?! Hindi maari yan! May hinatid lang akong dalawang pasahero..." Huminga ng malamim ang guardia at dahan-dahan niyang sinabihan ang aking tiyo na litong-lito, "Matagal nang walang nakatira sa bahay na yan. May magasawang nakatira diyan dati, pero pinasok sila ng magnanakaw at pareho silang pinatay." Nanginig ang tiyo ko sa takot. Hindi na siya namasada noong araw na yon at naisipan na lang niya umuwi ng maaga dahil sa nerbyos.
Sa paglipas ng maraming taon, maraming mga ibang taxi driver ang nagsasabi na meron rin silang hinatid na magasawa sa Balete Drive na bigla nalang nawala. Nandoon pa ang malaking bahay hanggang ngayon. Ang gate ay naging kulay pula na dahil sa makapal na kalawang, at ang tumubong talahib ay nakasilip mula sa likod ng matataas na pader.