DAGLI • ILAW

14 0 0
                                    

Naalimpungatan ako't agad na napabangon nang marinig ang ingay na nagmumula sa kusina. Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding ng kwarto - alas dose na pala ng hatinggabi. Dali-dali akong bumaba sa kama at kinapa ang baseball bat na itinabi ko pa sa pagtulog. Magagamit ko ito sa mga ganitong sitwasiyon. Mahirap na, baka may nakapasok na magnanakaw.

Bitbit ang baseball bat, nagtungo na ako sa pinto at dahan-dahan itong binuksan. Hindi na ako nag-abala pang buksan ang ilaw. Maingat at dahan-dahan akong naglakad at bumaba ng hagdan, sinisikap na huwag makagawa ng kahit na anong ingay.

Tila napakabagal ng oras. Parang wala nang katapusan ang dahan-dahan kong paglalakad. Habang papalapit ako sa pinto papuntang kusina ay palakas rin nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Paano ba naman kasi, naririnig ko pa rin ang ngayo'y mumunting ingay na lamang na nagmumula sa kusina. Akala ko'y tuluyan nang sasabog ang dibdib ko sa kaba nang sa wakas ay narating ko na ang pinto.

Inihanda ko ang hawak na baseball bat bago tuluyang buksan ang pinto. Lumikha ng ingay ang dahan-dahang pagbukas ng pinto.

Itataas ko na sana ang hawak na bat at handa nang ihampas nang maaninag ang dalawang maliliit na liwanag - mga mata ng pusa. Nakahinga ako nang maluwag at tila nabunutan ng tinik sa dibdib nang mapagtantong pusa lang pala. Nakahuli pala ito ng daga at ngayo'y kinakain na niya. Napatingin ito sa akin nang buksan ko ang pinto. Umiilaw rin ang mata nito dahil sa liwanag na nagmumula sa labas ng bintana.

Kinapa ko na ang switch ng ilaw para buksan ito at para makakita na rin ako nang maayos. Agad na nagliwanag ang paligid at dahil doon ay dali-daling tumakbo ang pusa papunta sa bintana.

Binuksan ko ang ref at kumuha ng tubig na maiinom ngunit hindi ko pa man din nakakalahati ang laman ng baso ay muling sumiklab ang kaba sa buong sistema ko. Paano ba naman kasi ay unti-unting nagpatay-sindi ang ilaw. Ibinaba ko na ang baso at nagmamadaling pinatay ang switch ng ilaw. Tatakbo na sana ako paalis ng kusina ngunit napahinto ako at tila nanigas sa aking kinatatayuan nang makita ang isang pigura sa tapat ng pinto. Lalo akong kinabahan dahil matalim ang tingin nito sa akin.

Kasabay ng malakas na kabog ng dibdib ko ay siya namang pagpasok ng isang ala-ala sa isip ko.

"Kailangang mapalitan na agad 'yan! Hindi ba ibinigay ko na sa 'yo 'yung pera. Kulang pa ba?"
"O, ayan pa! 'Pag hindi mo napalitan 'yan hanggang mamaya, 'wag ka nang magpapakita sa akin!"

Nang matauhan ay agad na akong kumaripas ng takbo palabas ng bahay. Natataranta kong kinapa ang susi ng gate na nasa bulsa ko. Napalingon pa ako sa pinanggalingan ko at nakitang sinundan pala niya ako. Lalo akong siniklaban ng takot dahil ayaw mabuksan ng gate. Pinalitan ko ang susi at saka muling ipinasok sa seradura ng gate. Muli pa akong napalingon at nakitang malapit na siya. Binilisan ko pa ang pag-ikot ng susi at laking tuwa ko nang tuluyan na itong mabuksan.

Kumaripas ako nang takbo. Tumakbo lang ako nang tumakbo. Hanggang sa wakas ay natanaw ko na ang hardware. Tumigil ako sa tapat nito at hinabol muna ang aking hininga. Napahawak pa ako sa magkabila kong tuhod dahil sa sobrang hingal.

Sa wakas, nakarating ako nang 'di niya inaabutam. Makabibili na ako ng bumbilya. Muntik pa ako mawalan ng trabaho. Inutos nga pala ito ni Sir kanina, nakalimutan ko na naman.

When My Pen BleedsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon