DAGLI • ATTY.

10 0 0
                                    

"Paglaki ko po, gusto kong maging abogado!"

Nagbalik sa isipan ko ang mga salitang binitiwan ko noong ako ay musmos pa lamang. Walang malay sa takbo ng mundo, pinangarap kong maging "tagapagligtas" ng mga naaapi. Laganap kasi ang abuso sa bayan namin noon.

Inaabuso si Tita Ara noon ng asawa niya, halos ikamatay na niya. Pangako ko sa sarili ko, paglaki ko ipaglalaban ko si Tita sa korte at makukulong ang asawa niya.

Noong unang taon ko naman sa hayskul, may kaklase akong lalaki ngunit babae kung kumilos. Tuwing papasok siya sa eskwelahan ay hindi siya uuwi nang walang pasa o sugat. Hindi ko alam kung bakit trip na trip siyang bugbugin ni Mr. Lihis. Dahil ba naiiba siya? O dahil alam ni Sir na pareho sila? Hindi iyon lingid sa kaalaman ng nakararami ngunit ang ipinagtataka ko ay bakit hindi pa rin tinatanggal si Sir sa kanyang pwesto.

Meron pang isa. Awang awa ako noon kay Ate Anne, kasi gradweyt siya sa kursong engineering pero walang kumukuha sa kanya sa trabaho kasi daw babae siya. Wala akong magawa kung hindi pagmasdan siyang umiyak at malugmok dahil doon. Ang sabi ko sa kanya, "paglaki ko Ate Anne, 'pag naging abogado na ako, ipaglalaban kong mabigyan ng patas na pagtingin ang mga babae!"

Ilan lamang sila sa mga gusto kong ipagtanggol at ipaglaban upang mabigyan ng patas na pagtingin sa lipunan. Ngayong malaki na ako, nakamit ko na ang pagkakapantay-pantay, isa na akong-

"Attorney, oras na po ng pagtulog. Pasok na tayo sa loob."

Napatitig ako sa lalaking nakahawak sa braso ko ngayon. Nakaputi siya. Nakikilala ko siya!

"Saan mo ako dadalhin?! Bitiwan mo ako, abogado ako. Hindi mo ba ako kilala? Abogado ako! Ipakukulong kita!"

"Attorney, si Nurse Alex po ito. Hindi kita sasaktan, hindi po ako ang rapist niyo," malumanay niyang paliwanag.

Napatitig ako sa kanya saka ako humalakhak nang malakas. Palakas nang palakas. Naalala ko, kuntento na nga pala ako kung nasaan ako ngayon, sa lugar kung saan pantay-pantay ang lahat.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 23, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

When My Pen BleedsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon