"Bahaginan ng makakaya ang alin mang nagdaralita."
(Insofar as it is within your power, share your means with the poor and the unfortunate.)
– Andres Bonifacio (Mula sa Dekalogo ng Katipunan, Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan)
SINASALUBONG ng isang babae ang malakas na ulan habang akap-akap ang natitira niyang kayamanan. Madilim ang kahabaan ng Calumpang. Sa bawat bahay ay may mga kaluluwang nagdarasal para sa kanilang kaligtasan mula sa mapinsalang unos na sumasalanta sa kanilang mga tirahan.
Makailang beses siyang lumingon sa kaniyang likuran kung saan mabilis din ang pagdating ng apat na guardia na humahabol sa kaniya.
Hindi malaman ng babae kung saan siya magtutungo. Ramdam na niya ang panghihina ng kaniyang katawan at ang pagkirot ng kaniyang tiyan habang patuloy na dumadaloy sa kaniyang hita ang dugo. Sa takot na siya'y mahuli, sa lakas ng ulan na humahampas sa kaniyang buong katawan, at sa gulo ng kaniyang isipan, nadapa siya at bumagsak sa putikan.
Mabilis na gumapang ang babae upang yakapin muli ang sanggol. Sa kapal ng kumot na nakabalot sa bata ay hindi nito alintana ang kamatayang tumutugis sa kanila. Agad bumangon ang babae at muling kumaripas ng takbo.
Hindi niya alintana ang lamig. Ni hindi niya rin ramdam ang dugong dumadaloy sa kaniyang sentido sanhi ng balang lumihis at hindi tumama sa kaniya.
Dalawang lalaki na nasa edad tatlumpu pataas ang naglalakad sa madilim na daan. Nakasuot sila ng makapal na panangga sa ulan na gawa sa anahaw at may mga hawak na piraso ng kahoy na nagsisilbing tungkod.
Kasalukuyan nilang tinatahak ang tulay na gawa sa pinagdugtong-dugtong na kawayan. Madulas at mapanganib tumawid sa tuwing malakas ang ulan. Subalit, walang ibang daan na maaari nilang tahakin dahil iyon lang ang pinagawa ng mga nasa katungkulan. Walang ibang daan na maaari nilang pagpilian kundi ang mapanganib na tulay.
Napalingon ang dalawang lalaki nang marinig ang sigaw ng mga guardia. Nauna nilang nakita ang anino ng babae na mabilis na tumatakbo patungo sa bayan. Isang makahulugang tingin ang binitiwan nila sa isa't isa saka sumunod sa mga guardia.
Nagtago ang isang lalaki sa likod ng puno. Samantala, ang isa ay tumigil sa gitna sabay taas ng pana at itinutok sa dalawang guardia na nahuhuli sa pagtakbo. Hindi sagabal sa kaniya ang ulan, at hindi hadlang ang madilim na gabi. Ang sinusundan niya ay ang anino ng mga taong gumagalaw at ang hangarin niyang mapabagsak ang mga manunupil.
Dalawang magkasunod na palaso ang kaniyang pinakawalan na deretsong bumaon sa likod at binti ng dalawang guardia. Gulat na napalingon ang dalawang nauuna, sa takot at pagkaaligaga ay hindi nila makasa nang maayos ang dalang baril.
Bago pa tuluyang makapuwesto ang dalawa ay mabilis na lumitaw sa dilim ang isang lalaki at sumugod sa kanila. Gamit ang matalim na balisong ay nagawa nitong ibaon ang dulo sa leeg, batok, dibdib, at likod ng mga guardia.
Sa pagbagsak ng huling guardia, muling naghari ang lumuluhang kalangitan. Magkahalong tubig at dugo ang dumadaloy sa putikan. Muli nilang tinanaw ang babaeng kumakaripas pa rin ng takbo papalayo. Ni hindi nito namalayan na wala na ang mga humahabol sa kaniya.
Isinuot ng dalawang lalaki ang kanilang panangga sa ulan saka muling naglakad patungo sa tulay na tila mga anino sa gabi na mabilis naglaho sa kadiliman.
Hindi nagtagal ay unti-unting nakaramdam ng panghihina ang babae. Sumilong siya sa simbahan ng Nuestra Señora de los Desamparados (Our Lady of the Abandoned) na matatagpuan sa bayan ng Mariquina.
Dahan-dahan siyang naupo sa tabi ng malaking pinto habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga. Maluha-luha niyang sinilip ang anak na mahimbing pa ring natutulog. Tuluyan nang bumagsak ang kaniyang mga luha. Kung hindi siya tumakas ay nakasisiguro siyang papaslangin din ang kaniyang anak.
Hindi maawat ang kaniyang luha habang pilit na kinakantahan ang bata. Patuloy ang pagkulog at pagkidlat na tila sinusumpa ang mga masasamang nangyayari sa lipunan.
Napatingin ang babae sa kaniyang mga galos mula sa braso hanggang sa binti. Sa dami ng natuyong dugo sa kaniyang damit ay hindi na niya alam kung kailan at saan niya tinamo ang mga iyon.
Napatigil ang babae nang marinig ang malakas na tunog ng kampana ng simbahan. Isang senyales iyon na tumataas na ang tubig sa ilog ng Mariquina. Kinakailangan nang lumikas ng mga tao.
Dahan-dahang napatayo ang babae. Nababatid niyang magiging ligtas ang kaniyang anak sa simbahan. Pinaghahanap na siya ngayon ng mga awtoridad. At sa oras na siya'y matunton, batid niyang hindi rin makaliligtas ang kaniyang anak.
Muling niyakap ng babae ang anak at sa huling pagkakataon ay nagawa na niyang ibuhos ang lahat ng pagdadalamhati, pag-ibig, at paghingi ng tawad sa kaniyang anak na nakaramdam ng kalungkutan. Nagsimulang umiyak ang bata. Animo'y nababatid niya na ito na rin ang huling pagkakataon na mahahagkan siya ng kaniyang ina.
Dahan-dahang inilapag ng babae ang sanggol sa tapat ng pinto ng simbahan. Mas lalong lumakas ang iyak ng sanggol. Tila ba nagmamakaawa ito na huwag siyang iwan. Subalit, wala ring ibang mapuntahan ang kaniyang ina. Wala rin itong ibang pagpipilian.
Kinatok nang malakas ng babae ang pinto bago siya tumakbo papalayo at nagtago sa likod ng isang malaking tindahan. Umaalingangaw ang iyak ng sanggol sa makakapal na pader ng simbahan.
Ilang sandali pa, bumukas ang pinto at sumilip ang isang pari na nasa edad apatnapu. Gulat itong napatingin sa bata na hindi na matigil sa pag-iyak. Marahang kinuha ng pari ang sanggol at buong sikap niya itong pinatahan.
Humakbang papalabas ang pari habang patuloy pa rin ang paglinga-linga sa paligid sa pag-asang masusumpungan ang taong nag-iwan sa bata. Napa-antada ang pari saka muling inalo ang batang naghihinagpis. Hindi nagtagal ay tumigil na rin ang bata sa pag-iyak. Animo'y napanatag na ang damdamin nito sa taong kumanlong sa kaniya at tumayong kaniyang magulang sa paglipas ng panahon.
BINABASA MO ANG
Penultima
Historical FictionLumaking hindi kilala ang tunay na mga magulang, maagang namulat si Leroncillo San Roque sa kalupitan ng mundo. Ngayong nabigyan siya ng pagkakataong maipaglaban ang pagkakapantay-pantay, handa ba siyang isakripasyo ang lahat maatim lang ang hinahan...
Wattpad Original
Ito na ang huling libreng parte