Sa Pag-ihip ng Hangin
Mga Tauhan:
Kim
Tin
DrayberTagapagsalaysay: Malapit na magkaibigan si Tin at Kim, madalas silang magkasama sa mga simpleng mga bagay na nakasanayan na nilang gawain. Hindi maipagkakailang madalas ay napagkakamalan na silang kambal dahil sa pagiging sobrang malapit nila sa isa’t isa. Isang gabi napagdesisyonan nilang umakyat sa isang bundok upang masilayan ang magandang bituin sa kalangitan.
Tin: Kim, nakikita mo na ba ang paanan ng bundok na ito?
Kim: Hindi pa, Tin. Masyado na rin namang madilim upang akin pa itong masilayan. Ngunit iyong tingnan ang kalangitan! ‘Kay ganda nito!
Tin: Tama ka. Ang buwan, tila ito’y kumikislap katabi ang mga bituin. Ang paghaplos ng malamig na hangin sa aking balat ay tila isang napakasarap na pakiramdam na nanaisin kong paulit-ulit maranasan.
Kim: Ating mas ibuka pa ang mga kamay natin, mas magandang damahin ang hangin sa ganitong paraan.
Tagapagsalaysay: Habang dinadama ng magkaibigan ang hangin, biglang may naalala si Tin na itanong kay Kim.
Tin: Nakapagdesisyon ka na ba ng plano mo sa kolehiyo?
Kim: Hindi ko pa rin sigurado ang mga bagáy-bágay Tin.
Tin: Hindi mo naman kailangang magmadali, Kim. Sa ngayon, ibuhos mo muna lahat ng nararamdaman mo. Makikinig ako. Dinala kita rito upang mas masabi mo sa akin ang mga hinanakit mo, mga problemang únti-untí nang lumalamon sa’yo. Gusto kong mailabas mo ang lahat ng mga salitang hindi mo magawang sabihin sa ibang tao. Nandito ako para sa’yo, Kim.
Kim: Masyado mo naman akong pinagdaramdam, Tin.
Tagapagsalaysay: Tumitig sa malayo si Kim, nagpakawala muna siya ng isang malalim na buntong-hininga, yumuko, pumikit, tumingala sa kalangitan at saka nagsimulang nagsalita.
Kim: May mga bagay na kailanman hindi ko pinangarap. Hindi ko ninais. Mga salitang hindi ko pinakawalan habang nagdedesisyon para sa sarili ko. Mga bagay na pinilit kong itago. Mga aksyong pilit kong binago. Mga bagay na hindi ko na mawari kung tama pa bang ginawa ko, pinili ko, sinunod ko. Siguro nga, masyado kong hinayaang ma-kontrol ako ng ibang tao ng mga salita nilang mas masakit pa sa matulis na kutsilyo.
Tagapagsalaysay: Nagsimulang tumulo ang luhang matagal nang kinikimkim ni Kim. Sa isang banda ay tahimik namang nanonood si Tin sa kanya, tinitimbang ang mga salitang dápat niyang sabihin sa kaibigan.
Tin: Kaya mo pa ba?
Tagapagsalaysay: Tila iyon na ang naging huling pisi ni Kim, lumakas ang hagulhol nito, tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha niya, ngunit sa kabila nito, pinilit niyang ngumiti sa kaibigan at túmango-tángo.
Kim: Aaminin ko, may mga pagkakataong mas gusto ko na lamang maglaho. Manahimik sa isang tabi. Tumulala sa kawalan, ngumiti ngunit walang laman, makipag-usap ngunit lumilipad ang isipan. HAHAHAH, natawa naman ako bigla sa sinabi ko, nagtugma-tugma na ‘to e’.
Tin: Kung papipiliin ka, mas gugustuhin mo bang maglaho na lang o ipaglaban ang mga bagay na gusto mo?
Kim: Gustuhin ko mang piliing ipaglaban ang mga bagay na gusto ko, may mga bagay na hindi na mababago Tin. Ilang ulit ‘man nating hilingin na sana makabalik tayo sa nakaraan, na mabago natin ang kasalukuyan, walang magbabago, mas bibigat lang ang mga pangyayari sa maling desisyon ng isang tao.

BINABASA MO ANG
Tulad Ng Tubig
Разное"Tulad ng tubig, May mga salitang dumadaloy, Mga salitang hindi mabanggit, At natatalukban ng panaghoy."