"O, BELLE, saan ka pupunta?" nagtatakang tanong ng mama niya nang makitang nakabihis at nagmamadali siyang bumababa ng hagdan.
"May bibilhin lang po ako sa tindahan ng office supplies diyan sa malapit, 'Ma," pagsisinungaling niya. "May gagawin po kasi akong project, kaso may kulang po pala akong materials."
"O, siya bilisan mo. Dapat nakabalik ka na bago maghapunan," wika ng mama niya.
"Opo, 'Ma." Matapos halikan ang pisngi ng ina ay nagmamadali na siyang lumabas ng bahay at pumara ng tricycle. Sa fast food malapit sa park siya nagpahatid. Kinakabahan siya habang nakasakay sa tricycle. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isipin.
Nagbibihis na siya ng pambahay nang tumunog ang ringtone ng kanyang cell phone. Hindi naka-register ang number ng tumatawag kaya wala siyang ideya kung sino iyon nang sagutin niya. Laking gulat ni Belle kasabay ng pagsasal ng tibok ng kanyang puso nang magpakilala itong si Ivandro. Marahil ay kay Savanah kinuha ng binata ang number niya dahil wala siyang natatandaang ibinigay niya ang numero dito.
Nakiusap si Ivandro na mag-usap sila dahil may importante raw itong sasabihin. Wala rin siyang ideya kung ano ang mahalagang bagay na dapat nilang pag-usapan. Ngunit inisip niyang importante nga siguro ang pakay nito para tawagan siya ng binata at hilinging magkita sila. Hindi siya nagdalawang-isip na pumayag. Sinabi nitong maghihintay sa fast food na malapit lang sa kanila.
Pagpasok niya ng establisimyento ay kaagad niyang hinanap si Ivandro.Hindi niya makita ang binata. Aakyat na sana siya sa second floor nang may humawak sa braso niya. Gulat na nilingon niya ang may-ari ng kamay na pumigil sa kanya.
"Pasensiya na kung nagulat kita," hinging-paumanhin ng binata. Hindi lang siya nagulat kundi natulala pa. Mabuti na lang at hindi nito iyon napansin. "Halika, doon tayo." Itinuro nito ang mesa na nasa sulok ng store.
Napakaguwapo kasi ni Ivandro sa suot nitong yellow polo shirt at maong. Ang buhok sa unahan ay bahagya pang nakatabing sa noo na nagpadagdag sa karisma nito. Hindi nakapagtatakang nakasunod dito ang tingin ng mga naroong customer lalo na ang mga babae na sa tingin niya ay kinikilig habang pinagmamasdan ang binata.
"Ano ba iyong mahalagang sasabihin mo at pinapunta mo ako rito?" agad na tanong ni Belle nang nakaupo na sila.
"Kumain muna tayo. Ano ba'ng gusto mo?" sa halip ay tugon nito.
"French fries at sundae lang," ani Belle. Nagpaalam ito sandali para kunin ang order nila. Kahit sa mahabang pila ay nag-stand-out pa rin si Ivandro. Hindi lang dahil matangkad ito at guwapo kundi sa maawtoridad nitong aura na tumatawag ng atensiyon ng lahat. Kahanga-hanga rin na nadadala ng binata ang sarili kahit sa ganoong lugar na sa palagay niya ay alangan para dito.
Nangangarap na pinagmasdan niya si Ivandro habang matiyaga itong naghihintay sa pila. Iniisip niya kung ano kaya ang pakiramdam na maging boyfriend ang isang katulad nito. Nakakapanghinayang dahil hindi siya pinapayagan ng mga magulang na makipagrelasyon o kahit ang magpaligaw hangga't hindi siya tapos ng pag-aaral. Pero kahit naman payagan siya ng kanyang mama at papa ay imposible naman na magustuhan siya ng isang katulad ni Ivandro.
Nasa ganoon siyang pag-iisip nang lingunin at ngitian siya ng binata. Nag-somersault ang puso niya sa ngiting iyon at pansamantala ay nakalimutan ang panghihinayang na nararamdaman. Ginantihan niya ang binata ng kiming ngiti bago ito tuluyang tumalikod.Sana, balang-araw ay makatagpo siya ng lalaking katulad ng binata.
"WHAT?" ani Belle kay Ivandro nang mahuli niyang nakatingin ito sa french fries na isinasawsaw niya sa sundae sa halip na sa catsup.
"French fries dipped in sundae?" amused na tanong nito.
BINABASA MO ANG
Past, Present And Tomorrow's Love (Soon To Be Published)
RomancePast, Present And Tomorrow’s Love by Anne Charlaine