Pen, Lies... and Murder

828 50 10
                                    

Pen, Lies... and Murder

© Hraefn, January 2018


Inilinga ni Salt Alonzo ang paningin sa kabuuan ng opisina ng Chief Inspector na pinaghatiran sa kaniya. Hindi ito kalakihan at halatang hindi masyadong nalilinis dahil sa kumakapal na alikabok sa ceiling fan, mga filing cabinets maging sa mga lamesa. Nakamot niya ang ilong at muntik nang bumahing dahil sa naghalong alikabok at amoy ng mga lumang kagamitan at papel.

 "Dito niyo na lang po, Ma'am, hintayin si Chief," magalang na wika ng police officer na naghatid sa kaniya. "Kung may kailangan po kayo, nasa labas lang po ako."

 "Sige. Salamat." Matapos niyang magpasalamat ay umupo siya sa upuan na halos butas na ang foam sa harapan ng mesa ng Inspector.

Kinuha ni Salt ang dalang tablet mula sa bag upang magbasa at magpalipas oras nang mahagip ng mga mata niya ang librong nakasalansan sa mga dokumentong nasa ibabaw ng mesa. The Girl Who Wears a Mask by Basti Realonda. Isa itong magandang nobela ngunit nakapanghihinayang ang sinapit ng may-akda nito.

Hindi nagdalawang-isip si Salt na kunin ang libro. Ilang beses na niya itong nabasa at 'di maipagkakailang isa ito sa mga paborito niya. Gustong-gusto niya ang kuwento ng pag-iibigan ng isang pintor at ng babaeng laging nakasuot ng maskara. Unconditional love ang naramdaman ng pintor dahil kahit hindi niya nasilayan ang mukha ng babae ay mahal na mahal niya ito, at hindi 'yon nagbago kahit nakita pa niya ang sekreto sa likod ng maskara sa bandang-huli.

Inilipat ni Salt ang pahina at nagbasa ng ilang linya, 'Hindi ko talaga gusto na dumalo sa pormal na pagtitipong 'yon ngunit dapat ko pala 'yong ipagpasalamat dahil nakilala kita. Alam kong hindi ka naniniwala dahil naiisip mong ano ang batayan ng pag-ibig ko sa 'yo gayong mula't sapul ay hindi ko pa nasisilayan ang iyong ganda?

'Bakit ka tumatawa? Gusto mo bang pakasalan na kita para mawala ang iyong pagdududa?'

Natigil sa pagbabasa si Salt nang marinig ang pagbukas ng pinto at ang pagpasok ng lalaking matikas ang pangangatawan. Tantiya ni Salt ay nasa late thirties na ang edad nito. Tumayo siya at nagpakilala.

"Good morning, Chief. I'm Salt Alonzo, ako po 'yong substitute journalist ni Ms. Madrigal na magka-cover sa execution ni Sebastian Realonda," ani Salt at ipinakita ang ID. "It's nice to meet you, Sir."

"Good morning din, Ms. Alonzo," tugon ng Chief Inspector. Matapos magkipagkamay ay iminuwestra nito na muling maupo si Salt. "Ikinalulungkot ko nga pala ang nangyari kay Ms. Madrigal," anito na ang tinutukoy ay ang journalist na bigla na lang daw nakitang palaboy-laboy sa lansangan at kumakain ng dumi matapos mawala ng ilang linggo.

Tipid na ngiti lang ang itinugon ni Salt. Pagkatapos ay ibinalik niya ang libro sa pinagkuhaan, "Pasensya na po kung pinakialaman ko."

"Wala 'yon, Ms. Alonzo." Tiningnan ng Chief Inspector ang libro at marahang napabuga ng hangin. "Kakatapos ko lang basahin 'yan kagabi. Maganda sana kaso may sapak ang nagsulat. Who would have thought that the bestselling author, Seb Realonda, is a psychopath? Sinong mag-aakala na ang isang romance novelist ay kayang pumatay at magtorture ng isang buong pamilya," anito at pagdaka'y napailing. "Alam mo bang walang tigil ang pagsusulat niya? Kahit na sa anong paraan, gagawin niya basta makasulat lang. He even used his blood as ink."

Hindi na nagtagal pa ang usapan ni Salt at ng Chief Inspector dahil matapos mai-brief si Salt ng mga gagawin ay agad nilang pinuntahan ang selda ni Seb Realonda sa piitang 'yon. Halos bumaligtad ang sikmura ng dalawa nang salubungin sila ng nakasusulasok na amoy mula sa selda ni Seb kahit ilang metro pa ang layo nila. Naninikit sa ilong ang napakabahong amoy ng dumi ng tao na talagang nakakapandiri sagad hanggang buto.

Pen, Lies... and Murder (One-Shot Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon