"CHA-CHA, my friend!" Tuwang-tuwang niyakap siya ni Jane na biglang sumulpot sa opisina niya.
"Ano'ng nangyari? Nanalo ka sa Lotto? Jackpot?" tumatawang tanong ni Cha-Cha.
Bumitiw si Jane sa kanya. She clasped her hands and giddily hopped. "Nag-propose na sa akin si Dash kagabi. In two months, ikakasal na kami! At siyempre, ikaw ang maid of honor ko. At si Nat-Nat ang ring bearer!"
"K-kasal? Ikakasal na kayo ni Dash at ako ang maid of honor?" gulat na gulat na tanong niya.
"Para kang sira sa reaksiyon mo. Natural, ikaw ang maid of honor. Si Jem, tatanungin ko pa kung papayag siya."
Huminga nang malalim si Cha-Cha. Ito na nga ba ang kinakatakutan niya kapag nagkaroon ng happy ending ang kaibigan, ang masabit siya sa alanganin. Pagkatapos ay ring bearer pa ang anak niya. "Magkakaroon ba ng mga practice? Pupunta ba ang mga kaibigan ni Dash?"
"Oo. Pero isang araw lang ang practice before ng kasal dahil busy ang mga kaibigan ni Dash. At sa pangalawang tanong, oo rin, pupunta sila sa kasal dahil best man sila."
Oh, my! Tumango-tango siya at nagpalakad-lakad sa harap ng kaibigan.
"Bakit parang masamang balita ang pagpapakasal ko? Namumutla ka na," may pag-aalalang tanong ni Jane.
Hinawakan niya ito sa kamay. "I'm happy for you. Masayang-masaya ako dahil finally, nagkaayos na kayo ni Dash. Congratulations! Huwag mo na akong pansinin."
Umiling si Jane at sumeryoso. "No! Hindi ito ang inaasahan kong reaksiyon mo. Nakikita ko namang masaya ka para sa akin pero parang may hindi tama sa initial reaction mo na para bang nagdududa kang ikaw ang kukuhanin kong maid of honor. Ano'ng problema? May hindi ka ba sinasabi sa akin? May dapat ba akong malaman?" Umupo ito sa silya sa harap ng mesa niya at naghihintay na tinitigan siya.
Huminga nang malalim si Cha-Cha. Alam niyang persistent si Jane at nagpupumilit talaga kapag may gustong malaman. Pero hindi niya alam kung paano sasabihin ang sekretong matagal na niyang itinatago at ang mommy at kuya lang niya ang nakakaalam.
"Naghihintay ako, Cha," paalala ni Jane sa kanya.
Muli siyang bumuntung-hininga. "Nico Onofre."
Tumaas ang isang kilay nito. "Ano namang kinalaman ng kaibigan ni Dash sa usapan natin?"
"It is Nico Onofre. Siya ang tatay ni Nat-Nat," mahina niyang bulong.
Napanganga si Jane."W-what? Pero ang sabi mo'y hindi mo kilala ang tatay ni Nat-Nat! Paano nangyari ito?"
Umiwas siya ng tingin."Mahabang istorya."
"Mahabang istorya? Ang sabi mo sa akin ay one-night stand lang ang dahilan kung bakit may Nat-Nat. Ano ba talaga ang nangyari?"
Nagkibit-balikat siya."Actually, isang linggong pag-ibig."
Napailing ito. "I don't get it. Simulan mo sa umpisa para magkaintindihan tayo. Let me know so I can help you with this. Lalo pa at maghaharap kayo sa kasal ko." Wala na ang pagkagulat sa anyo ng kaibigan. Sympathy at curiosity na lang ang nakikita niya sa mga mata nito.
"Masyado kasing komplikado. Isa pa ay nasa ibang bansa ka kaya hindi ko naikuwento sa 'yo nang buo. Nang bumalik ka naman ay may problema si Jem at hindi ko na gustong makadagdag pa sa gulo, lalo pa at konektado si Dash kay Nico. Naisip ko din na hindi na mahalaga kung sino ang tatay ng anak ko. I forget about it and just continued on with my life. Hindi ko nga inaasahang magkikita pa kami."
Napailing muli si Jane."Naguguluhan ako.Kilala mo si Dash. Kailan mo pa alam na kaibigan niya si Nico? Nagkita na ba kayo? Nagkausap?"
"Hindi ko sigurado kung kailan pa nagpupunta sina Dash sa Shadow Sky pero nabanggit ni Nico noong nasa Japan kami na madalas sila doon ng mga kaibigan niya. Two years ago ko lang naman hinawakan itong Shadow Sky, mula nang mamatay ang kuya ko, at hindi naman ako madalas dito noong nabubuhay pa si Kuya. Nalaman kong magkaibigan si Dash at si Nico noong ipagbuntis ko si Nat-Nat.
"Hindi ko inaasahang napakaliit ng mundo para magkatuluyan kayo ni Dash. Ilang buwan ko nang hawak ang bar na ito noong pumunta si Nico dito pero hindi ko na kinailangang magpakita sa kanya dahil sa ginawa niyang pag-iwan sa akin sa Japan. Malinaw pa sa sikat ng araw na niloko lang niya ako at hindi ko na kailangang humingi ng paliwanag sa kanya. There's no closure needed. Hindi ko na kailangan pang paguluhin ang sitwasyon sa pag-ungkat sa nakaraan namin na gusto ko nang kalimutan."
"So, hindi kayo nagkikita at nagkakausap dito?"
Umiling siya. "Hindi naman siya madalas na kasama ni Dash. Madalas ay sina Russell Madrigal at Ace Elizalde ang kasama ng fiancé mo. Sa iilang pagkakataong naririto si Nico ay hindi na lang ako lumalabas. Mabuti nga, noong suntukin ni Dick si Dash dahil sa 'yo ay sina Russell at Ace lang ang kasama ni Dash," banggit niya sa ginawang gulo ni Jane sa kanyang bar ilang linggo na rin ang nakakalipas na naging dahilan upang suntukin ng bouncer niyang si Dick si Dash.
Nahihiyang napangiti si Jane nang ipaalala niya ang ginawa nitong kalokohan. "I'm so sorry, Cha. Hindi ko alam na pati pala ikaw mismo ay nailagay ko sa isang sitwasyong iniiwasan mo. At ngayon naman ay sa kasal ko. Hindi maiiwasang magkaharap kayo dahil best man siya ni Dash." Sumeryoso ito at tinitigan siya."Ano'ng mangyayari ngayon?"
Nagkibit-balikat siya."Hindi ko alam. Alangan namang sabihin ko sa kanyang, 'Hello. Ako 'yong babaeng naka-fling mo sa Tokyo. Surprise, may anak ka sa akin! Three years old na. Naaalala mo ba ako...?'" ... na tinakbuhan mo at hindi sinipot?Hindi niya iyon idinugtong.Para ano pa? Tapos na siyang magmukmok. Tapos na siyang sisihin ang sarili dahil sa katangahan. Kung may biyayang idinulot ang pangyayaring iyon sa kanyang buhay, iyon ay ang anak niya.
"Isa pa, hindi ko gustong gulatin ang anak ko. Out of nowhere, biglang may daddy na siya. Pagkatapos ng ginawa ni Nico sa akin, naiwala na niya ang karapatan sa anak ko." Hindi niya maiwasang makadama ng galit.At ikinagulat niya iyon. Ang akala niya ay tapos na siyang makadama ng damdamin na iyon. But may be, some wounds never heal no matter how long the time had passed.
"Oh, Cha!" bulalas ng kaibigan sa sinabi niya. Puno ng pag-aalala ang ekspresyon nito.
"Huwag mo na akong alalahanin, Jane. Kasal mo ito, hindi kita gustong bigyan ng iisipin pa. Hindi ko naman palalampasin ang kasal mo. Iniwan at niloko ako ni Nico noon kaya hindi dapat ako ang mahiya. For all I know, hindi na niya ako matatandaan sa tagal ng apat na taon."
Napabuntung-hininga si Jane. "Ano ba kasi ang nangyari sa Japan?"
BINABASA MO ANG
RANDY's Sweetheart 2: Loving A Stranger (Somebody's Me) (Soon To Be Published)
RomanceTitle: RANDY’s Sweetheart 2: Loving A Stranger (Somebody’s Me) Author: Kimberly Lace