“Isang pangkaraniwang gabi sa maraming nagsisiuwiang estudyante, ngunit marahil hindi para sa akin. Dahil B’yernes ngayon, uuwi ako sa bahay namin sa Balibago. Matagal tagal din akong nakipaglokohan hindi lang kay ermat kundi pati sa sarili ko. Ilang araw, linggo rin akong naging laman ng klab at nagsinungaling na may tinatapos lang na thesis ba ‘yon? Hindi ko alam. Basta ang alam ko, uuwi na ako.”
Maswerteng umabot pa si Paul sa last trip papunta sa tingin niyang ‘masangsang’ na lugar na iyon. Hinahanda na niya ang isa pang malupit na kwentong gagamitin niya upang mapaniwala ang mga magulang niyang nag-aaral siyang mabuti. Biglang huminto ang lulan niyang dyip na madilim at kataka-takang walang laman. Sumabit ang dalawang lalaking agad niyang namukhaan. Marahil ang isa ay nakasama niyang mag-inuman at lumanghap ng ipinagbabawal na damo sa kung saan, ‘di na n’ya matandaan.
“Pre, pasok kayo oh. Maluwag pa, maluwag…” pabida ni Paul. Ngunit laking gulat niya nang makitang punong-puno ang d’yip, wala na ni katiting pang siwang na pwedeng upuan ng dalawang lalaking itinuturing niyang kaibigan.
Palinga-linga na siya ng tingin, lahat ng mata ng mga pasahero, mapupula at nanlilisik ay nakatingin sa direksiyon niya. Malalalim ang hininga at malagkit ang pawis, nagpumilit siyang sumigaw ngunit walang lumalabas na boses. Lalong dumilim ang paligid at wala na siyang ibang makita kundi ang pulang mga matang iyon. Hawak ang sariling leeg, pinapatay na niya ang sarili sa harap ng mga halimaw na ‘di niya kilala, ngunit patuloy na nanghuhusga sa kanya.
Habang matulin na umaandar ang d’yip, may isang magbabalut siyang nakita mula sa bintana. Hindi, imposibleng nadaanan lang ang magbabalot dahil nakakasabay ito sa matuling takbo ng dyip. Lumingon ito sa kanya at ngumiti. Sumilay ang matatalas nitong mga ngipin, at inalok ang paninda nito.
Nagtangkang tumayo si Paul, pinilit na pinagsiksikan ang sarili sa maliit na bintana ng dyip.
“Paul, anak! Bumaba ka d’yan… Kakain na tayo.”
“Ayoko niyan! Aalis na ko dito! Uuwi na ‘ko samen!”
Walang segundo ay malakas na bumalibag ang katawan ni Paul sa kalsada. Lumapit ang magbabalot sa duguang katawan ng binata. Ang kanyang ina na walang pagsidlan ng hinagpis sa sinapit ng anak, nanatiling nakadungaw mula sa bintana. Naging piping saksi sa nangyari ang mga kakaibang manikang kanina lang ay tangan at kausap niya.
Marahil nga ay nakauwi na siya.