Sa aming apat na magkakapatid, siya ang pangalawa at ako naman ang bunso. Nakatira kami noon sa maliit na paupahang bahay sa may squatters area Cubao, kasama sina mama, papa at dalawa kong kuya.
Bata pa lang siya ay tumutulong na sya kay mama sa pagtitinda sa palengke bago pumasok ng eskwela. Kapag wala namang pasok ay inoobliga sya ni mama na magbantay ng rasyon ng tubig kapalit ng kaunting barya. Malaki ang takot nya kay mama kaya't ganon na lang ang pagsisikap niyang magtrabaho para makapag aral.
Lumipas ang panahon at paulit ulit lang ang nangyari. Trabaho, aral, bugbog at sermon mula kay mama. Hindi nya nasulit ang kanyang pagkabata. Kahit na musmos sa lang ako noong panahong yon ay may malaking katanungan na sa aking isipan na hindi ko magawang itanong kay mama at papa. Tanong na sa tingin ko ay si ate lang ang makakasagot. Naawa ako at nalungkot.
KAKAUWI lang ni ate noon galing sa eskwelahan nya sa Ramon Magsaysay. Iniabot niya ang kard nya kay mama. Alam kong matataas ang mga marka ni ate dahil matalino at masipag siyang mag aral, ngunit taliwas sa inaasahan ko ang naging reaksyon ni mama.
"Bakit 86 ka lang sa science?" tanong ni mama.
"Eh, ma. Hindi kasi ako nakapag pasa ng project kasi ho naibato nyo kay papa nung minsang umuwi siya ng lasing", depensa ni ate.
"Aba! Sinisisi mo pa ako ha!"
"Hindi po..."
"Alam mo, kasalanan mo yun!" dumudurong sigaw ni mama.
"Kung hindi mo hinayaang pakalat kalat yun edi sana hindi nasira! Tanga tanga ka rin e, halika nga dito!" sabay hinablot sa buhok si ate at kinaladkad palabas ng bahay.
"Puntahan mo yung magaling mong ama kila kagawad at nagsusugal na naman. Humingi ka ng pera pambili ng bigas at baka maipusta pa nya lahat! Bilisan mo't naiirita ako sa'yo!" Nanggagalaiting utos ni mama.
Pinulot ko agad ang kard ni ate dahil baka mapunit pa ni mama sa sobrang inis. Wala man lang akong nagawa para ipagtanggol sya. Makaramdam ako ng awa.
Kinagabihan, hindi ako makatulog. Tumakas ako mula sa tabi ng mahimbing nang natutulog, si mama. Tinungo ko ang tulugan ni ate, wala sya doon. Napansin ko ang liwanag na galing sa sala, parang liwanag ng buwan. Kinuha ko ang kard ni ate at tinungo ang liwanag sa pag asang nandoon sya.
Sa may bintana nakita ko si ate na makapamaluktot, umiiyak. Nilapitan ko sya.
"Ate..." nang mapansin nya ako ay pinunasan nya ang mga luha sa kanyang pisngi.
"Ate, eto nang kard mo." tahimik niyang kinuha ang kard mula sa kamay ko.
"Alam mo te, ang galing mo. Ang tataas ng mga grades mo, puro 90 pataas. Tapos ang daming stars, mas madami pa sa nilalagay ni teacher Edna sa kamay ko." papuring sinabi ko.
"Salamat. Buti pa ikaw na ang liit liit e pinupuri ako. Matalino ka din no."
"Pero si mama hindi ka po pinupuri?"
Napa buntong-hininga siya. Parang naninimbang ng mga salita.
"Bakit gising ka pa ha? May gusto ka ba?" paiwas na tanong nya.
"Ate hindi po kasi ako makatulog, may monster sa utak ko na tanong ng tanong. Ang kulet kulet!"
"Talaga?" nangingiting tugon ni ate.
"Opo! Ate tulungan mo ko sagutin yung tanong nya para makatulog nako."
"Ano daw ba yun?"
"Bakit po ang sungit sungit ni mama sayo? Kila kuya saka sakin hndi naman masyado. Minsan lang." sa wakas ay naitanong ko na rin ang katanungang gumugulo sa akin.
"Alam mo Bea, may mga bagay na hindi mo pa dapat malaman. Baby ka pa kasi...hindi mo pa maiintindihan" nabigo ako sa sagot niya.
"Pero ate sabi mo matalino ako diba? Saka maiintindihan ko yun. Explain mo ate."
Biglang bumagsak ang luha ni ate. Matagal kong narinig ang mga hikbi nyang iyo, naghintay ng sagot. Pero wala pa rin siyang masabi.
"Bakit kahit na lagi kang sinasaktan ni mama e hndi ka pa din nagrereklamo. Bakit ate?" dagdag ko.
"Dahil mahal ko si mama." napahagulgol siya, at bahagyang hndi ko naintindihan ang mga sinabi nya.
"...kahit buong buhay ko sinisi nya sakin ang pagkakamali noon ni papa. Sakanya ko naramdaman na magkaroon ng nanay. Kahit nasasaktan ako hindi ko pa din magawang magalit sakanya, kasi mahal ko sya at alam kong mahal nya din ako.." umiiyak na paliwanag niya.
"Mahal din kita, ate." noo'y kumurbang pa-arko ang mumunti ko pang mga labi.
"Mahal din kita, Bea."
Niyakap ko si ate. Mahigpit din ang pagkakayakap nya. Sa ilalim ng liwanag ng buwan, habang niyayapos ko ang kanyang likod, naramdaman kong gumaan ang kanyang kalooban na pinabigat ng kalungkutan. Naramdaman ko ang katawan niyang salat sa pagmamahal at aruga ng isang tunay na ina. Ngayon, naiintindihan ko na...