Alamat ng Alitaptap

268 3 0
                                    

Sa bayan ng San Fernando, may dalawang dalaga nagngangalang Lolita at Alena na mula sa mga kilalang pamilya ng San Fernando. Ang pamilya ni Lolita, Herrero at ang pamilya ni Alena, Luna.

Maganda at marangya ang pamumuhay ng dalawang pamilya na naglapit sa kanila ng magandang pagkakaibigan sa kanilang lugar. Ang ama ni Lolita ang Gobernadorcillo ng bayan samantala ang ama ni Alena ay ang kanang kamay ng gobernador na naglapit sa kanila bilang matalik na magkaibigan.

Malapit na malapit sa isa't-isa sina Lolita at Alena, na parang nakasanayan na ni Lolita araw-araw na dumalaw sa bahay ni Alena tuwing hapon, na may kasabay na tapik ni Lolita kay Alena sa braso nang pabiro saka magkasamang umalis ng bahay ang dalawa habang may ngiti sa kanilang labi. Hapon hanggang sa kanilang pag-uwi, sila'y magkasama palagi.

Ngunit isang araw, may hindi inaasahang bangungot na dumating kay Lolita. Napagdesisyunan ng pamilya ni Lolita na ipagkasundo siya sa binata na kilala rin hindi lang sa bayan nila kundi sa Intramuros rin.

Agad namang ibinalita ni Lolita ang malungkot na balita kay Alena tungkol sa gaganapin na kasal at sinabi na lamang ni Alena na magkita sila sa kanilang lihim na tagpuan at doon pag-usapan ang tungkol sa kasal ni Lolita.

Kaya noong isang gabi, sa kanilang lihim na tagpuan, nakaupo sa ilalim ng puno ang dalawa habang tinatanaw ang paglubog ng araw malapit sa lawa, "Sana'y lagi tayong ganito, hindi ba't, Alena? Tahimik at mapayapa." sabi ni Lolita habang nakasandal ang ulo nito sa balikat ni Alena, nakangiting tumango si Alena bilang pagsang-ayon sabay hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Lolita. Ginawa rin ni Lolita iyon pabalik saka tinapik-tapik ang kamay ni Alena bilang pagtugon.

"Kaya’t lubus-lubosin na natin ang sandaling ito, mahal ko. Dahil ako’y nakasisiguro na hindi ulit kita makikita sa ilalim ng punong ito sa huling pagkakataon." malungkot na sambit ni Alena habang unti-unting nahuhulog ang mga luha sa kanyang pisngi, agad namang pinunasan ni Lolita iyon sabay yinakap ng mahigpit ang kasintahan nito.

Habang nananatili silang magkayakap, may narinig na yapak sa hindi kalayuan na agad namang napatingin ang dalawa kung saan nanggagaling ang ingay na iyon. Nilapitan ni Lolita kung saan nangagaling ang ingay, ngunit wala silang nakita na tao sa likod niyon, kaya nagpasya ang dalawa na umuwi na lamang.

Ngunit bago pa man sila umalis ay gulat na nakita ang ginoo na nakatayo lamang sa tapat nila, "Magandang gabi, mga binibini."

Bumati pabalik si Alena habang tinatanong sa sarili kung ang ginoong nasa harap ba nila ay ang mapapangasawa ni Lolita o isang espiya.

Nag-alok ang ginoo na ihatid na lamang niya si Lolita sa kanilang tahanan ngunit hindi pumayag si Alena sabay naglakad na paalis kasama si Lolita, "Huwag ninyong hintayin pa na sabihin ko sa pamilya niyo ang tungkol sa inyong dalawa, mga binibini. Dahil natuklasan ko din ang lihim ninyong dalawa." ngunit binalewala lamang iyon ng dalawang dalaga at patuloy pa rin sa paglalakad.

Hanggang sa may biglang tumakip sa bibig ng mga dalaga sa likod at pilit na nagpupumiglas ang dalawang dalaga sa mahigpit na pagkakakapit ng dalawang ginoo.


Kinaumagahan, nagising na lamang si Alena sa kanyang kwarto. Nagtataka kung bangungot lamang ba ang lahat... nang makita at malaman na suot-suot pa rin niya ang baro't saya na suot niya kagabi. Hudyat na totoo ang lahat ng nangyari kagabi. Pilit na inaalala ni Alena ang mga nangyari kagabi ngunit hindi niya magunita kung paano siya nakapasok sa kanyang kwarto... Nang may napansin siyang sulat na may malaking kandila sa tabi nito na nakapatong sa kama niya.

Binasa ni Alena ang sulat at ito'y galing sa kasintahan niyang si Lolita.

Alena, mahal ko...

Nakalulungkot man ngunit ako'y lilisan na papuntang Intramuros kasama ang aking mapapangasawa para sa kasal namin na gaganapin sa Intramuros. Nang dahil sa ginoong iyon na mapapangasawa ko sa susunod na buwan, hindi sana tayo ipaglalayo ng pamilya natin at magkasama pa rin tayo hanggang ngayon. Ngunit nalaman ng pamilya natin ang tungkol sa lihim na relasyon natin kagabi lamang noong tayo'y dinakip malapit sa ating tagpuan kaya’t ako'y pinadala agad sa Intramuros upang malayo sa iyo. Paumanhin mahal ko nang ako'y hindi nakapagpaalam sa iyo ng maayos at sa mga nangyayari ngayon, babalik ako sa iyo pangako iyan. Sa ngayon, ang malaking kandilang katabi ng sulat ito ang magiging kasama mo, ang magsisilbing liwanag sa madilim mong gabi. Kapag ito'y natunaw na nang tuluyan, asahan mo ang aking pagbabalik.

Hindi ko man nais sabihin ito sa sulat lamang dahil nais kong marinig mo ang mga salitang ito mula sa akin. Mahal na mahal kita. Sa tuwing ika'y aking tinatapik, mahal kita ang sinasabi niyon. Mahal kita araw-araw, Alena. Ikaw lang wala nang iba.

- Mahal mong Lolita

Pinipigilan man ni Alena na maiyak ngunit hindi nito kinaya dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Habang mangiyak-iyak pa rin ang dalaga, kinuha niya ang malaking kandila at sinindihan sabay ipinatong sa katabing lamesa nito. Inisip na manatili muna sa kanyang kwarto

Ngunit ilang araw, linggo ang lumipas, nanatili pa rin si Alena sa kanyang kwarto na nakahiga sa kama. Hanggang sa isang araw, nang hahatiran ng katulong nila ng pagkain si Alena, natagpuan raw na wala ang dalaga sa kwarto nito. Hinanap ng katulong sa banyo ngunit wala rin ang dalaga doon, kaya naisipan nito na ibalita sa ama at ina ni Alena saka nagsama-sama sa paghahanap sa dalaga. Binalikan ulit ng katulong ang kwarto ni Alena para isigurado kung wala talaga siya doon, nang may nakita siyang insekto sa kama ni Alena na kumikinang-kinang pa ang dulo nito, katabi niyon ay ang papel na nakasulat na "Alitaptap".

Kaya ang tinawag ng mga taga-roon sa insektong nakita sa kama ni Alena ay Alitaptap.

Ang salitang Ali ay nanggaling sa mga pangalan ni Alena (A) at Lolita (Li) samantala ang salitang "Taptap" ay nanggaling kay Lolita na palaging tapik ng tapik kay Alena sa tuwing sila'y magkasama. Kaya ito ay may ilaw sa dulo nito dahil sa kandilang ibinigay ni Lolita na umaasa pa ring bumalik ito sa kanya.


Ang Wakas

Alamat ng AlitaptapWhere stories live. Discover now