Uno: Si Cecil

29 0 0
                                    

Kakatapos ko lang tumipa ng keyboard ko nang may bigla akong narinig na nagsalita mula sa likuran ko. Isang babaeng nasa trenta anyos na at kita ang iilang puti ng kaniyang buhok, may kaliitan at bilugang mukha ang tumambad sa akin nang lumingon ako— si Ate Luisa. Walang preno itong nagsalita sa akin at hindi naman na ako nagtaka pa na kinausap niya ako dahil may kailangan siya.

"Cecil, sorry talaga ha. Anniversary kasi namin ng asawa ko sa Sabado," panimula nito at rinig mo pa ang piyok sa pagitan ng pagsasalita niya na animo'y kung hindi ako papayag na i-cover ang shift niya, tuluyan nang papatak ang luha mula sa kaniyang mga mata. "Baka pwedeng ikaw muna ang tumapos ng iba kong gawain. Wala ka namang asawa't anak na uuwian 'di ba? Kaya kahit palagi ka mag-overtime dito wala namang problema."

Ano pa nga ba ang magagawa ko? Ako naman ang pinakabata sa department namin at tama nga naman siya, walang mag-aalala sa akin miski mga magulang ko. Kahit nga siguro buto't balat na ako ay hindi naman nila ako kakamustahin, ang mahalaga ay makapagpadala ako sa amin. Napangiti ako kay Ate Luisa at tumango. Agad naman na lumiwanag ang kaniyang mukha at tinapik ako sa balikat bilang pasasalamat. Muli akong humarap sa monitor screen ko at ginalaw ang mouse para lumiwanag ito. Medyo nasilaw pa nga ako. Siguro ay kailangan ko nang kumuha ng salamin na may grado pero siguro ay hindi na rin, kailangan ko pa kasing padalhan ng pera sila nanay.

Pinapasa ko kay Ate Luisa ang mga files na kakailanganin ko para matapos ang gawa niya at agad niya naman itong sinend. Nang pumatak na ang alas otso ng gabi ay isa-isa na silang nag-silabasan sa opisina pero ako naman, eto overtime na naman sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. Hindi rin naman dinadagdagan ang sweldo ko pero sunod-sunuran pa rin ako sa kung ano ang ibilin sa akin ng mga taong mas nakakatanda sa akin dito.

Habang tumitipa ay napansin kong may isang balingkinitang babae ang lumapit sa akin. Mahaba ang bagsak na buhok nitong hanggag bewang at animo'y liliparin na ng hangin. "Baka pwede rin pa-cover ng shift ko sa Tuesday pala, Cecil? May importanteng lakad kasi kami ng pamilya ko eh." Tumango naman ako bilang pagsang-ayon dahilan para mapangiti ng malapad ang babaeng si Ate Pam. Naiintindihan din naman niya na kailangan ng anak nitong lalaki ang presensiya ng inang si Ate Pam. Hindi kagaya niya na ni isang Family Day noong bata pa siya ay hindi siya sinipot miski ng isa sa kaniyang mga magulang.

Papalabas na sana ito ng opisina kasama si Ate Den, morenang matangkad, pero napahinto naman ulit silang dalawa malapit sa sliding door nang biglang magsalita si Ate Den. Hindi ko man nakikita dahil sa ginagawa kong gawain ni Ate Luisa ay rinig ko naman ang yabag ng papalapit na si Ate Den. "May papers pa pala na kailangan akong ayusin pero may pupuntahan kasi ako eh. Uh, Cecil? Baka pwede makisuyo."

Humikab muna ako at napatingin sa orasan ko bago sumagot kay Ate Den. Sa tagal kong sumasalo ng mga gawain nila ay hindi naman ako nahihirapan sa mga pinapaggawa ni Ate Den at isa pa, revisions na lang ang gagawin na minsan nga ay wala na akong dapat pang baguhin. "O side. Walang problema," sabi ko nang ma-tantya ko na kaya ko namang tapusin ang lahat ng gawain bago magbagong araw na naman. Kagaya ni Ate Luisa ay tinapik din ako ni Ate Den sa balikat at bago umalis, nilapagan niya ako ng isang energy drink sa mesa ko. Napangiti na lamang ako sa kaniya hanggang sa nakalabas na silang dalawa sa opisina at ako na lang ang natitira.

Halos hindi ko na maigalaw ng maayos ang mga daliri ko nang matapos ko na ang mga gawain ko at mga gawain ng mga katrabaho ko bandang alas onse ng gabi. Ang dapat sanang alas otso kong labas ay naging alas onse na. Kung tutuusin rin kasi, kung hindi matapos ang gawain na ipinasuyo sa akin ay mapapagalitan ang buong department namin kinaumagahan kung kaya mas mabuti nang mag-overtime na lang ako. Bago ako umalis sa opisina ay siniguro ko na maayos na ang lahat. Pagkalabas ko nga ay nagulat na lang ako ng abutan ako ni Manong Lo ng isang tinapay at juice na nasa pakete pa. Nagpasalamat naman ako dahil sa totoo lang ay kumakalam na rin talaga ang sikmura ko. Halos linggo-linggo itong ginagawa ni Manong Lo para sa akin kung kaya kung may okasiyon ay sinisiguro ko na bigyan siya ng regalo kahit na pinipilit niya akong huwag na at mas kailangan daw iyong ng pamilya ko. Sa totoo nga lang ay mas naging pamilya ko na ang trabaho ko, mga katrabaho ko at si Manong Lo kaysa sa totoo kong tinatawag na Pamilya na ang ginagawa lang ay hinuhuthutan ako ng pera.

Nais Ko Lang MakatakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon