May mga pangyayari talagang dumadating sa ating buhay na hindi natin inaasahan. Hindi natin alam kung kailan nagsimula at hindi natin alam kung kailan magwawakas.
May mga bagay na ating hinihiling na sana ay magkatotoo at may mga bagay din na hinihiling natin na sana ay hindi mangyari.
Sabi nila, tayo raw ang may hawak sa sarili nating kapalaran. Ang mga pagbabago at pangyayari sa ating buhay ay repleksyon sa mga desisyon na ating ginawa.
Pero paano kung ang mga bagay na nararansan natin ay wala sa ating mga plano? 'Yung tipong hindi natin ineexpect na hahantong tayo sa ganitong kalagayan, magugulat ka na lang na 'yung mga pangarap mo sa buhay ay unti-unting nilalayo sayo.
Maikli lang ang buhay, kaya ang sinasabi ng nakararami ay palagi nating piliin ang mga bagay na magpapasaya sa atin.
Paano kung ang natatanging bagay na nagpapasaya sa atin ay iyon din ang dahilan kung bakit palaging pumapatak ang mga luha sa ating mga mata?
Pipiliin mo pa rin bang manatili kahit alam mong masasaktan ka lang din sa huli?
May mga desisyon tayo sa buhay na minsan ay kinukwestyon o pinagtatawanan ng iba dahil wala naman daw itong maidudulot na maganda sa ating buhay. Pero ang hindi lang nila alam na ang ‘walang kwentang desisyon’ na sinasabi nila ay 'yon yung mga bagay na labis-labis nating pinapahalagahan.
Naramdaman ko ang pagdampi ng malamig na hangin sa aking balat.
Handa ka bang harapin ang katotohanan nang buong-buo?
Malayang nagsiliparan ang mga ibon sa ibabaw ng kulay kahel na kalangitan.
May mga oras na gusto nating maging malaya kagaya ng mga ibon na walang tigil sa paglipad sa himpapawid para matakasan natin ang mga bagay na bumabaon sa atin sa sakit at makamit ang katahimikan tulad ng nararamdaman nating kapayapaan tuwing tinitignan natin ang kahel na kalangitan.
Muling umihip ang hangin na parang bumubulong sa akin na kailangan ko munang bumitaw para makamit ang kalayaan.
Tunog ng hampas ng alon na tila ay hinehele ako para ayaing magpahinga mula sa nakakapagod na paglalakbay na aking naranasan.
Pag-agos ng tubig sa karagatan na parang nagsasabi na patuloy lang akong lumaban kahit alam kong hindi na ako makakaahon pa.
Kahit ano pang palag ko—Kahit ano pang tulak na gawin ko para umangat ay hindi na ko makakawala pa, dahil hinayaan ko ang sarili kong malunod sa pagmamahal. Pagmamahal na kahit anong pilit kong tanggalin— nagmukha na 'kong hangal pero nanatili pa rin ito na para bang isang matibay na bakal.
Unti-unting matatanaw ang paglubog ng araw na parang sumisimbolo na ang bawat oras, pangyayari at buhay ay nakatakdang magwakas. Pero pinapangako ko na kahit dumating na ang panahon na bilang na lang ang mga araw ko, hinding-hindi ko hahayaang magkaroon ng wakas ang pagmamahal ko sa'yo.
Kasabay ng paglubog ng araw ang unting-unting pagpikit ng mga mata ko.
Naramdaman ko ang paghigpit ng mga bisig na nakayakap sa akin. “You don't have to push me away. Let me take care of you and show you how much I love you.” madamdaming bulong nito. “Let me love you forever, and all you have to do is to...” Tumingin ito sakin. “Love me as if it's your last.”