Chapter 1

9 0 7
                                    

Naramdaman ko ang pagtama ng sinag ng araw sa aking mukha. Unti-unti kong dinilat ang aking mga mata, bahagya pa kong nakaramdam ng hapdi dito at wala ako sa sariling napatitig sa kawalan.

Naranasan niyo na bang gumising sa umaga na umaasang magbago o mawala ang lahat ng nararamdaman mo? Na kasabay ng bawat gabing lumilipas ay siyang paglipas din ng mga mabibigat mong damdamin at kasabay ng pagsibol ng panibagong araw ay siyang pagkakaroon mo ng panibagong pag-asa.

Bumangon ako sa aking kinahihigaan at napatingin sa salaming na sa harapan ko. Hindi ko mapigilang pagmasdan ang aking sarili. Mula sa pagdaan ng panahon ay makikita ang mga pinagbago ko. Tinignan ko ang aking mga mata, sabi nila ang mga mata ko raw ang pinakamagandang bahagi ng katawan ko. Bilugan ang mga ito, mayroon akong makakapal at mahahabang pilik-mata. Kulay tsokolate ang mga ito at tuwing nasisinagan ng araw ay mas lumilitaw ang tunay na kulay ng aking mga mata.

Parang kailan lang tuwing tinitignan ko ang mga mata ko ay tila kasiyahan lang ang nakabakas dito, pero ngayon maski ako ay nalalamigan tuwing nakikita ko ang mga ito. Bumaba ang tingin ko sa aking malahugis pusong labi. Hindi ko mapigilang matawa nang mapait, noon ang tanging maririnig lang mula sa aking bibig ay malalakas na tawa, ngunit ngayon ay mahihina at pigil na hikbi ang maririnig dito. Palagi akong natutukso dahil mapulta ang aking labi na pumares sa maputla kong balat. Hindi ko rin sila masisisi kung bakit tinatawag nila kong parang bampira.

Pinagmasdan ko naman ang payat kong katawan. Makikita ang mga buto ko malapit sa dibdib, maliit ang aking bewang at parang hinubog sa luwad. Mayroon akong mahahaba at payat na mga binti. Madalas akong pagkamalang isang modelo dahil bukod sa payat ako ay mayroon din akong katangkaran. Maraming nagagandahan sa katawan ko pero ako sa sarili ko ay hindi ko magawang gustuhin ang aking kabuuan, lalo na dahil alam ko ang dahilan kung bakit naging ganito ako. Bumuntong hininga ako at winaksi ang mga namumuong isipin ko sa utak.

Naglakad ako patungo sa bintana. Hinawi ko ang pula kong kurtina at tuluyang binuksan ang bintana. Kaagad na bumungad sa akin ang preskong hangin. Nakapikit kong dinama at sininghap ang malamig na hangin na nagmumula sa mga mayayabong na puno. Pinakiramdaman ko ang banayad na pagdampi ng hangin at unti-unti kong dinilat ang aking mga mata at nakangiti kong pinagmasdan ang magandang tanawin.

Kahit pa alam kong marami akong kailangang harapin sa bawat pagmulat ko ng mga mata ay sinusubukan kong piliing ngumiti at simulan ang aking araw nang positibo.

Nakita ko ang mga nagliliparang ibon sa kalangitan at natanaw ko naman ang malawak na bukirin kung saan makikita ang mga trabahador na nagtatanim ng mga palay at iba pang mga pananim.

Naging gawain ko na tuwing pagkagising ko ang pagtingin sa labas ng bintana dahil pakiramdam ko tinatangay din ng hangin ang mga gumugulo sa aking isipan at panandalian kong nakakalimutan ang mga ito. Bumuntong hininga ako.

“Magandang umaga sayo, Faith.” Nakangiting bati ko sa sarili. “Panibagong araw na naman—Panibagong araw para lumaban.” Madamdaming mutawi ko. Palagi kong sinasabi 'yan sa sarili ko pero 'di ko talaga alam kung ano o para saan ako lumalaban. Pinilit kong ngumiti at umalis na sa bintana para mag-ayos ng sarili at maglinis ng silid.

Habang pababa ako sa hagdan ay maririnig ang mga nagsisigawan sa baba.

“Buti na isipan mo pang umuwi, Orlando!” Narinig kong sigaw ni tiya Emelia. Inumaga na naman siguro si tiyo Orlando sa sugalan.

Pagkababa ko ay puro kalat ang sumalubong sa akin. Nakita kong sinesermonan ni tiya si tiyo.

“Ano?! Saan mo na naman dinala ang perang binigay ko sayo?!” Nang gagaliti sa galit si tiya.

“Ano ba?! Na kitang kauuwi ko lang, bunganga mo kaagad sumalubong sa akin!” Hiyaw na sigaw ni tiyo.

Napapailing na lang ako, hindi na bago sa akin ang sinaryong ganito. Wala yatang oras na hindi sila nag kakagulo. Nakita ko pang binato ni Tiya ang palanggana na hawak niya.

Napapikit ako. “Magandang umaga po.” Mahinang bati ko sa kanila. Bumaling naman si tiya sa akin at umarko ang kanyang kilay.

“Sa wakas! Gising na ang mahal na prinsesa.” Sarkastikong sabi ni Tiya.
“Kanina ka pa namin hinihintay at gutom na gutom na kami. Wala kang ginawa kundi matulog magdamag.” Pang-uuyam nito.

Kinagat ko ang labi ko at mahinang napabuntong hininga. Pilit akong ngumiti. “Ah, pasensya na po. Magluluto na po ako.” Mahinang sambit ko at pumunta sa kusina.

Nagulat naman ako sa biglang paghiyaw nito. “Aba'y mabuti pa nga! Minsan ka na nga lang umuwi dito sa bahay, ala ka pang maitulong!” Panunumbat pa nito.

Hindi ko siya pinansin at kinuha ko na lang ang apat na itlog at tuyo para magluto. Ang totoo niyan ay hindi pa ko nakakatulog nang maayos dahil mula nang umuwi ako dito noong isang linggo ay puro gulo ang nakikita ko.

“Ba't ba kasi umuuwi pa 'yan dito, eh wala namang magandang dinulot sa'tin 'yang pamangkin mo.” Rinig ko sabi ni Tiyo kay Tiya.

Nagpatuloy lang ako sa pagluluto at sinangag ko na lang ang na tirang kanin mula kagabi.

“Hayaan mo na, sino pa ba tatanggap sa ganyang babae.” Sagot ni tiya. “Nga pala, Faith. Baka nagkakalimutan tayo, may utang ka pa saking limang libo noong nakaraan.” Sabi ni tiya habang nagtitiklop ng mga damit.

Nilagay ko ang mga niluto ko sa plato at dinala sa lamesa. Ramdam ko ang titig nito. “Ah, tiya. Kasi ano eh....gipit din po kasi ako ngayon.” Pag-aalinlangang sagot ko. “Pero pangako po, bibigay ko po 'yung limang libo kapag na kuha ko na po 'yung allowance ko.” Sabi ko dito habang naglalagay ng plato sa lamesa.

Napapailing na umupo si tiyo para kumain. “Kung ako sayo, Faith. Hindi na ko magsasayang ng pera.” Nakangising saad nito habang kumukuha ng pagkain. “Kahit anong gawin mo wala rin namang magbabago at tanggapin mo na lang ang katotohanan na wala ka ng pag-asa.” Nakita kong siniko siya ni tiya at sinamaan niya naman ito ng tingin.

Walang emosyong napatitig lang ako dito at pinoproseso ang mga sinabi niya. Tama naman siya, kahit anong gawin ko hindi na mababago kapalaran ko, mananatili ako sa ganitong kalagayan. Nakita kong tumingin sa gawi ko si tiya. “Faith, tawagin mo na 'yung pinsan mo para kumain.” Wala sa sarili akong sumunod at umakyat sa taas.

Kumatok ako sa pinto. “Kuya Clay, gising ka na ba?” Tanong ko pero wala akong nakuhang sagot. Kumatok ulit ako ng ilang beses. “Kuya, kakain na po!” Sigaw ko at biglang bumukas ang pinto at niluwa nito ang pinsan kong nakasalubong ang kilay.

“Ano ba?! Ang ingay mo naman, hindi ka ba makapaghintay?!” Bulyaw nito sa akin. Bago itong bumaba ay tinignan nito ang kwarto niya at bumaling sa akin. “Tamang-tama andito ka, linisin mo 'yung mga kalat ko sa kwarto para magkasilbi ka naman.” At tuluyang umalis na ito sa harap ko. Hindi na ko umangal pa dahil alam kong kung ano-anong pang-iinsulto ang sasabihin nito sa akin.

Mariin akong napapikit. Hindi pa ko kumakain at nakakaramdam na ko ng panghihina. Napabuga ako ng hangin at pumasok sa kwarto para maglinis.

Habang nagwawalis ako ay bigla akong nakaramdam ng sakit sa tiyan. Hindi na bago sa'kin 'to pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay sa panghihina ko. Gamit ang payat kong braso at kamay ay binuhat ko ang mga box at itinabi sa gilid ng kwarto. Nakaramdam ako ng pagod kaya, tumigil ako nang sandali.

“Faith, hindi ka pa ba tapos diyan?! Ang bagal mong kumilos!” Rinig kong hiyaw ni Kuya. Hindi alintana ang pagod ko ay nagpatuloy ako sa paglilinis at pagkatapos ay pawisan akong bumaba para kumain sana.

Ngunit pagkalapit ko sa lamesa ay wala na kong nakitang ulam at kanin, tanging mga platong pinagkainan na lang nila ang na roon. Nang hihina akong napapikit at napaupo. “Hindi pa po ako kumakain.” Nanghihinang sabi ko.

“Kasalanan ba naming makupad ka?! Sarili mo na nga lang, 'di mo pa mapakain at iaasa mo pa sa'min.” Panunumbat ni tiyo. Napahilamos ako sa aking mukha.

Alam ko kung bakit ganito ang trato nila sa akin. Pero hindi ko lang maintindihan kung bakit ako ang sinisisi nila sa nangyari, maski ako ay hindi ko rin ginusto ang mga ito. Naramdaman ko ang pangingilid ng luha ko pero sinubukan kong pigilan ang pagtulo ng mga ito. Sawa na kong maging mahina, pa ulit-ulit na lang ang mga nangyayari sa akin hanggang sa humantong na ko sa puntong huwag ng ipaglaban ang aking sarili na pilit kong binubuhay sa mapait na mundong ito.












Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 26, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Love Me As If It's Your LastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon