mahal na 'ata kita

10 1 0
                                    

Bente-uno na si Junjun, at jowang-jowa na siya. Nagawa niya na ang lahat ng paraan para mapansin ng hinahangaan. Nagparinig sa facebook. Pasimpleng nangharana tuwing recess time. Gumawa ng portrait at binigay bilang regalo kahit malayo pa naman ang christmas party o birthday. Araw-araw din na bumili ng turon sa crush kahit na nagpaparamdam ang dila dahil umay na umay na. May pagkakataon pa ngang nagsunog siya noon ng kilay at umasang ang academic rivalry nila ay mauuwi sa pag-iibigan tulad sa pelikula. Ngunit waepek ang mga paramdam niya, ni-isa, walang nag-crush back sa kanya.

Mabait naman si Junjun. Marespeto. Magalang. Masipag. Matapat. Noong nagpaulan ng kagandahang-asal magdamag na gising siya. Hinakot nga niya lahat ng 'most' award noong nasa elementary pa lang. At oo, di siya mahuhuli sa date dahil most punctual siya.

Wala na ring kaso pagdating sa bayaran ng gastos sa kinain. Mapera si Junjun. Nagbebenta siya ng sariling artworks online. Kaya malinis ang konsensya na hindi niya nilulustay ang perang binigay at pinagpaguran ng ate sa abroad. Kung humirit ng 50-50 sa bayarin ang babaeng ka-date ay maluwag sa loob na ayos lang sa kaniya.

Inshort, jowable!

Ngunit sa lipunang unang tinitingnan ang pisikal na hitsura, iyon ang aspetong nasisiguro niyang dehado siya.

"Panain mo na ako, p're. Please lang, paranas namang magkajowa..." saad ni Junjun, nakapikit.

Malamig ang ihip ng hangin ng gabing iyon. Naroon siya sa hardin sa harap ng bahay. Nagpaparinig sa batang may pakpak at nakabahag. Marahan lang ang pag-ugoy niya sa sarili sa lumang gulong na ginawang duyan habang nakakapit sa lubid na itinali sa sanga ng punong mangga. Tahimik ang gabi, puwera lang sa mga nagtsitsismisang kuliglig.

Nang maramdaman na dinadalaw na ng antok, nagpasya nang pumasok sa bahay si Junjun. Sinilip niya muna ang oras sa pangbisig na relo bago pumanhik sa loob, 11:11 pm ang sabi roon. Handa niya na sanang pihitin ang seradura ng pinto, kung hindi lang sa kaluskos ng mga dahon na sa kanya'y nagpalingon.

***

May maganda raw na mangyayari sa isang tao kapag nakakita ng mga dobleng numero. Ngunit hindi iyon ang nasa isip ni Junjun sa mga oras na iyon.

"S-Sino ka?!"

Kinuha ni Junjun ang tsinelas na suot. Nilapitan ang estrangherang lumitaw na lang bigla sa hardin ng yumaong ina. Pinosisyon niya ang sapin sa paa bilang armas.

"Sino ka nga?"

Nagtaas ng kamay ang babaeng nakahandusay sa gitna ng lantang mga bulaklak. Tumulo ang malapot na dugo sa daliri nito. Nahintakutang napaatras si Junjun. Nanlalaki ang kanyang mga matang naglakbay sa kabuuan ng babae.

Sa kabila ng kinis ng malatsokolateng balat na pinakikintab ng liwanag ng buwan, agaw-pansin ang kalat-kalat na sugat nito sa landtad na mga braso. Gula-gulanit ang hanggang talampakang bestida. At sa klase ng materyal ng damit ay humuhubog ang balingkinitang katawan ng estranghera.

"Paano ka nakapasok dito?"

Walang nakuhang sagot si Junjun mula sa estrangherang tinatabunan ng maalong buhok ang mukha. Sa halip, gumapang iyon nang nakataas ang kanang kamay.

"A-aswang ka ba? Sadako? M-Multo?" umaatras na saad ni Junjun.

Patuloy sa paggapang ang babae, gayundin ang pag-atras ni Junjun. Di nagtagal, bumagsak din iyon patihaya dala ng kawalan ng lakas. Natulos naman sa kinatatayuan si Junjun nang makita ang mala-anghel na mukha ng estranghera.

***

"Ako si Tala, ikaw, ano ang iyong ngalan?"

Sampung segundo na ang nakalilipas mula nang sambitin iyon ng estranghera ngunit tulala pa rin si Junjun. Nakanganga siya sa sulok ng kwarto. Tila lunod na lunod sa bilugang mga mata ng nakaupong babae sa dulo ng kama.

Mahal na 'ata kitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon