Sintas

52 11 91
                                    

“Sintas mo,” muli na namang itinali ni Joaquin ang sintas ng aking sapatos.

Sa ginawa niyang iyon ay isang mapait na ngisi muli ang namutawi sa aking labi. “Doblehin mo ang pagkakasintas sa sapatos mo nang hindi ka mapatid,” anitong tumayo na sa harap ko.

Malakas na naibuga ko ang aking hininga, hindi makapaniwala sa kanyang ginagawa. Hindi ko alam kung ano ba talaga ang gusto niyang mangyari at nakikipag-usap siya sa akin bagay na hindi ginugusto ng marami.

Oo, wala akong kaibigan dahil sa iba ang ugali ko ay mayabang, masungit at hindi nagpapatalo. Walang may gustong makipagkaibigan sa akin dahil tuso raw ako.

“Ano bang kailangan mo!” angil na tanong ko sa kanyang hindi pinansin ang kanyang sinabi.

Napansin ko ang bigla nitong pag-atras sanhi ng pagkagulat. “Wala naman. Nilagay ko pala sa lamesa mo kanina ang notebook ko. Bakit hindi mo na lang kinopya yung assignment sa physics,” tanong nito at naupo medyo malayo sa aking tabi.

Tumalim lamang ang pagtitig ko sa malawak na hardin ng aming eskwelahan, hindi pinag-interesahan ang kanyang mga litanya.

Gayunpama’y sinagot ko pa rin ito. “Hindi ko kailangan ng gawa mo.”

“Pero sunod sunod na ang hindi mo pagpasa ng mga takdang aralin. Hindi ka rin gumawa ng iyong activity noong nakaraang lunes,” sagot nito.

Nainis ako sa pangingialam niya kaya naman matalim ko rin siyang tiningnan.

Katabi ang bag ay inilabas ko ang isa pa niyang kwaderno na pilit niyang binibigay sa akin kahapon— kopyahin ko daw ang mga hindi ko isinulat.

Nangisi ako sa nakakatawang isiping iyon.

Hindi ko kailangang kopyahin ang gawa ng iba kung kaya’t hindi niya rin dapat alalahanin ang anuman sa akin.

Binato ko sa kanyang kandungan ang kwadernong hindi ko naman talaga kailangan. “Sa susunod na ipapahiram mo sa ‘kin iyang mga walang kwenta mong papel itatapon ko na ‘yan diretso sa kanal. Tsaka, pwede ba huwag mo na akong kinukulit,” inis na aking sambit at tumayo.

Bitbit ang bag ay agad akong lumakad palabas ng eskwelahan at sa parke tumungo. Magtatakip silim na.

Naupo ako sa dulong bahagi ng padulasan. Ganito ang madalas kong gawin bago umuwi sa bahay na hindi ko maituturing tahanan.

Isa lamang akong robot na pinagagalaw ng aking magulang. Sila ang kumokontrol at sila ang masusunod. Kailanman ay hindi ko naramdamang malaya ako. Kaya ang tingin ko sa buhay ko ngayon ay walang patutunguhan. Ganito nga siguro ang maging isang anak mayaman.

Sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang isang batang nabitawan ang nilalaro nitong bola. Gumulong ito palapit sa puwesto ko hanggang sa tumama ito sa aking sapatos.

Sa pangyayaring iyon at pagtitig sa sintas na ngayon ay doble ang pagkakatali, naalala ko ang lalaking si Joaquin.

Napakatanga niya para hindi makaintinding ayaw ko siyang makausap.

Nanatili ang aking tingin sa magkabilang sapatos na ang isa naman ay hindi nabago, ganoon pa rin ang pagkakasintas.

Irap na napangisi na lamang ako sa katangahan talaga ng lalaking iyon ngunit matapos niyon ay ang biglang pagsigaw ng bata. “Ate, pwede po ba pakiabot ng bola ko,” tukoy nito sa plastic na bola.

Ngumisi akong muli saka pinagsalitaan si Joaquin sa aking isipan habang binabago ang pagkakasintas sa kabila kong sapatos. “Napakatanga mo talaga Joaquin!”

Tumayo akong pinulot ang bolang sinasabi ng bata. “Heto ba?” pagtatanong ko rito na siyang tumango-tango.

Ngunit imbis na ibigay ay itinapon ko ito sa tunnel ng padulasan ng mga bubwit na bata. “Kunin mo.”

Sintas (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon