once tasted, never wanted

46 5 12
                                    

Muntik akong sumubsob sa putikan dahil sa agaran na paghila ni Esperanza sa aking bag para sumunod sa mga kaibigan niya. Hindi na lamang ako nagalit o nagreklamo at pinalampas na lang ang nangyari dahil wala akong lakas ng loob na pumuna sa kanyang ginawa.

Maliban sa bago ko pa lang siyang naging kaibigan, ayaw ko rin na may mabuo agad na hindi pagkakaunawaan sa pagitan naming dalawa. Sinisikap ko kasi na makisalamuha at makitungo nang maayos sa mga tao rito para may kaibigan ako at siyempre, para na rin mabuhay dahil wala akong pamilya o kakilala rito.

Isang buwan pa lamang akong naninirahan sa siyudad ngunit gusto ko nang umuwi sa probinsya. Kung mayroon lang sanang kolehiyo sa lugar namin, hindi na ako mag-aaral dito.

"Clara, saan mo gustong kumain? Maraming masasarap na pagkain dito," saad ni Esperanza nang mapahinto kami sa mausok na lugar na may iba't ibang nakahilera na putahe ng ulam sa babasaging lalagyan.

Napakamot ako sa aking batok nang maging sentro ako ng atensiyon sa mga kaibigan niya. "Kahit saan," nahihiya kong sagot.

"Kahit saan? Anong klaseng pangalan ng kainan 'yan? Nandito ba 'yan sa lugar natin?" Komento ni Barbara, isa sa tatlong kaibigan ni Esperanza.

Umapaw ang tawanan mula sa sinabi niya. "Joke lang, Clara!" pagbabawi niya agad sa sinabi.

"Sa Bahay ni Tyo Mai na lang ulit tayo kakain," saad ni Julieta, kaibigan din ni Esperanza.

Bahay ni Tyo Mai? Hindi pa ako nakakapunta riyan. Sa totoo, ngayon lamang ako nakasabay na kumain ng tanghalian kasama sina Esperanza. Palagi kasi akong nagpapaiwan sa aming silid dahil may baon akong pagkain.

Napansin ko ang pagngisi ni Cristina at Esperanza kasabay ng pagsabi nila ng, "Our Favorite Cat Siomai." Sumunod naman ang malalakas na tawa nila habang ako naman ay nasa malalim na pag-iisip kung ano ang kanilang tinutukoy.

Cat Siomai?

Nabigla ako nang hawakan ni Esperanza ang aking braso. Napansin kong nauna nang maglakad ang tatlong orihinal niyang kaibigan.

Napalingon ako sa kanya. "Ba't ka nakayuko kanina? Naghahanap ka ba ng barya?"

Napailing ako. "Tungkol sa Cat Siomai, anong ibig sabihin nun?"

Sumilay ang ngisi sa kanyang labi. "Siomai na mula sa pusa."

"Pagkain ba 'yan? Kumakain kayo ng pusa?"

Napahalakak siya sa tinuran ko. "Saan ka bang lupalop ng mundo nakatira, Clara? Hindi mo alam ang siomai?"

Umiling ako bilang tugon.

"Masarap na ulam ang siomai, gawa ito sa karne ng giniling na baboy na nakabalot sa siomai wrapper at may masarap na sauce. Saka 'yong sinabi namin ni Tina na cat siomai, hindi 'yon totoo—biro lang 'yon. Bakit? Napaniwala ka ba namin?"

"Konti."

Panandalian siyang tumawa sa sagot ko. "Isa sa tanyag na biro kapag may bumabanggit ng siomai. Saka usap-usapan lang 'yon dito na galing sa pusa ang karne ng siomai na binebenta ni Tyo Mairo," paliwanag niya sa akin.

Napahinga ako nang maluwag nang malaman ang katotohanan. Nakakadiri kasing isipin na kumakain sila ng karne ng pusa. Hindi rin pangkaraniwan na hayop na nakahain sa hapag. Kawawa rin 'yong pusa na mapapaslang para gawin lang na ulam.

"Paano naman umusbong ang usap-usapan na ganoon?" Kunot-noo kong tanong.

Kahit may alam na ako sa katotohanan, hindi ko pa rin mapigilan ang pagiging mapang-usisa.

"Hoy! Esperanza, Clara! Mga inday, bilisan niyo ang paglalakad."

Pareho kaming napatingin sa di kalayuan at nakita namin ang kaibigan ni Esperanza dahilan para magsimula kaming maglakad at sumunod sa kanila.

"Nagsimulang umusbong ang usapan nang makita ito ni Mang Julio, isa sa mga kakumpetinsya ni Tiyo Mairo sa pagtitinda ng siomai." Panimula niya. "Nakita raw kasi ni Mang Julio na kinukuha ni Tiyo Mairo ang mga ligaw na pusa sa daan at dinadala ito sa tindahan niya. Sinundan ni Mang Julio si Tiyo Mario sa bahay nito at doon niya nakita ang buong proseso ng paggawa ng cat siomai. Kung saan, ang giniling na karne na pusa ang nakalagay sa siomai imbis na giniling na baboy. Kaya ayon, ipinagsigawan niya sa buong lugar tungkol sa kaniyang nakita."

"Ano ang sumunod na nangyari?" sabik kong tanong.

"Ayon, may ibang tao na naniwala at nandiri pero may iba naman na hindi naniniwala at patuloy pa rin sa pagbili ng siomai ni Tiyo Mairo dahil masarap kumpara sa siomai na tinitinda ni Mang Julio. Mas lumago pa nga ang negosyo niya matapos ang pangyayari na 'yon. Sabi ng mga tao, gawa-gawa lang 'yon ni Mang Julio dahil sa inggit."

"Isa ka rin sa hindi naniwala?"

"Oo! Kumakain nga kami roon."

"Teka! Paano naman si Mang Julio? Ano ang nangyari sa kanya? 'Yong negosyo niya?"

"Ayon lugi. . . saka usap-usapan nga kahapon na nawala raw si Mang Julio at walang balita kung nasaan na siya. . . Hay! Sa wakas, nandito na rin tayo."

Napatingala ako sa malaking karatula na may nakalagay na Bahay ni Tyo Mai. Nakapagtataka, hindi naman ito isang bahay ngunit dalawang palapag lang na tindahan.

Habang kumakain kami, masayang nagkwe-kwentuhan si Esperanza sa kanyang mga kaibigan. Habang tahimik ko namang ninanamnam ang aking pagkain. Tunay ngang masarap ang siomai na gawa sa giniling na karne ng baboy. Hindi ako maniniwala sa mga kwento-kwento na 'yan na mukhang kathang-isip lang.

Matapos akong kumain, nagpaalam ako sa kanila na pumunta muna sa palikuran.

At dahil hindi ko kabisado kung saan, nilibot ko ang lugar hanggang sa makarating sa pinakababang bahagi ng tindahan.

Binuksan ko ang pinto na nasa aking tapat at hindi ko masikmura ang aking nadiskubrehan.

Imbis na kubeta ang inaasahan kong sasalubong sa akin, daan-daang daga na kasing-laki ng pusa ang nakalagay sa malaking hawla ang tumambad sa aking harapan.

Hindi lang 'yan, pinagpipiyestahan din ng mga naglalakihang daga ang isang tao.

"Ganyan, magpakabusog lang kayo sa katawan ni Julio para mas magiging masarap pa kayo at mas lumago pa ang aking negosyo. . ."

Once Tasted, Never WantedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon