Available ang audiobook version nito sa YouTube channel (Amihan Stories) ko mga besh. Pwedeng-pwede kang makinig kahit may ginagawa ka. We will read aloud it for you. Just visit my YouTube channel for more stories.
******
"Ligaya, umuwi ka na raw sa inyo sabi ni Tito at Tita."
"Paano kung ayaw kong umuwi?"
Nameywang si Grace, ang pinsan ni Ligaya na kadarating lamang galing sa Zambales. "At bakit? Eh may bahay ka naman sa probinsiya. Hindi ko nga alam sa'yo kung bakit nakikipagsiksikan ka dito sa Maynila! Tingnan mo nga itong condo mo ang liit-liit. Nasabi ka lang nasa condo pero para ka rin namang nasa maliit na apartment. Pina-sosyal lang dahil narito ka sa Makati na may nagtataasang mga building. Samantalang doon sa mansyon n'yo ang luwag-luwag. Buhay prinsesa ka pa, and you were surrounded by maids and guards. Sariwa pa ang hangin doon."
Umirap si Ligaya sa pinsan at naupo sa sofa. "Sinabi ko bang puntahan mo ako dito? Di ba nung tumawag ka sinabi ko na sa'yo na hindi ako uuwi. Ayoko na kayong makita lahat. Gusto kong mapag-isa. Mahirap bang intindihin yun?"
"Pero bakla, may sakit ang daddy n'yo. Pinakiusapan ako ng mommy mo na kumbinsihin ka nang umuwi. Ikaw daw ang palaging bukang bibig ni Tito. Isa pa malapit na ang kasal ng kapatid mo."
Tumayo si Ligaya at naglakad patungo sa washing machine, kasalukuyan siyang naglalaba kanina nang kumatok si Grace sa kanyang inuupahang condo. Maayos naman ang condo niya, 30 thousand a month ang renta. Kung ikukumpara sa iba, talagang maliit nga ang inuupahan niya. But who cares, nag-iisa lang naman siya at hindi niya kailangan ang malaking tirahan.
Sadya lang inaasar siya palagi ni Grace sa tuwing dadalawin siya nito. Hindi kasi makapaniwala na kaya niyang tumira sa ganoong kaliit na unit. Noong nag-aaral pa kasi siya ng kolehiyo ay 3 bedroom unit ang inuukopa niya, at nasa daang libo ang binabayarang renta ng parents niya. Ngunit mula nang nagpasya siyang magsarili at iwan ang pamilya, umupa na lang siya ng mas maliit, mas praktikal ang ganon kaysa ubusin niya ang ipon niya sa upa sa malaking condo unit.
"Kahit anong sabihin mo, Gara, hindi ako uuwi. Anong gusto mong gawin ko sa probinsya, magtanim ng kamote?"
"As if naman hahawak ka ng pangbungkal ng lupa! Ang arte mo kaya! Ayon kay Tita, kailangan mo na raw i-take over ang hotel and resort n'yo. Dahil kung hindi ka raw uuwi, si Ate Marikit daw ang mamamahala ng pinakamalaking hotel n'yo sa Zambales," may himig ng pananakot na sabi ni Grace sa pinsan.
Napamulagat naman si Ligaya sa sinabi nito at nahinto sa ginagawa. "Anong sabi mo, Gara? Pakiulit?"
"See, nagulat ka rin ano? Ang sabi ni Tita, ang sister at mapapangasawa na raw niya ang magma-manage ng hotel n'yo kaysa mapabayaan iyon."
"At sino sila para pamahalaan ang negosyo na nakalaan para sa akin? Di ba may hotel na silang mina-manage sa kabilang bayan? Bakit pati yung negosyo na nakapangalan sa akin gusto nilang pamunuan?"
"Dahil hindi na kaya ni Tito at Tita i-manage yun, di ba nga Tito is sick. Ano ba naman Joy, paulit-ulit? Saka hindi naman inaagaw ni Ate Marikit sa'yo ang business mo. Wala lang talagang nagma-manage, kaya kapag hindi ka pa rin umuwi sa Zambales. Sila na ni Jerome ang magpapatakbo ng main branch hotel n'yo. Gusto mo ba yun?"
Umirap na naman si Ligaya at nagpatuloy sa ginagawa saka nagpakawala ng hangin sa dibdib para mawala ang biglang bumangon na inis. "Hindi ako papayag! That hotel is mine, Grace!"