Tuwing kailan ba maitatawag na Ate ng isang pamilya?
Ikaw ang unang anak, ang inaasahan ng lahat. Ang tingin ng lahat na magbibigay kabuluhan sa kinabukasan ng pamilya. Ang pangalawang magulang sakanilang mga kapatid. Kahit hindi man Ate o Kuya, iisa lang ang tingin ng lahat. Ang unang anak ang magtataguyod. Ang unang anak ang tutulong. Ang palaging handa magsakripisyon. Ang malakas. Ang matapang. At higit sa lahat, uunahin ang pamilya sa lahat ng oras.
Pinalaki ako ng aking mga magulang na ihanda palagi sa panahon na ako ang aasahan ng aking mga kapatid. Ako ang magdadala palagi sakanila sa tamang landas at aalagaan sila. Tumatak sakin ang kanilang sabi na "Ikaw ang panganay, ikaw ang magsasakripisyo."
At yun nga ang aking ginawa. Sa bawat oras na mayron ako sa buhay ko.
Kailangan ba? Oo. Mahirap ba? Oo. Pero kahit gaano kahirap, ginawa ko pa din. Dahil mahal ko sila. Dahil hinanda ako ng matagal na panahon para sa responsibilidad na to. Pero, tinanggap ko ba agad?
Hindi ganon kadali. At hindi ko makakalimutan kung kailan ako nagsimula mamulat sa katotohanan na sa kasamaang palad, kinailangan ko gawin magpakatatag para sa pamilya sa maaga na panahon ng aking buhay.
—-
2017.
"Anak! Ang mama mo!" Sigaw ng aking ama pagkasagot ko sa aking phone.
Nasa loob ako ng banyo, kakauwi lang galing hospital para sana maligo saglit dahil buong araw na ko nasa E.R, kakatawag sa bawat available na hospital na pwede maidala ang nanay ko sa ICU. At sa buong araw na yon, walang tumanggap sakanya.
"Pa! Bakit ano nangyayari?" Tinanong ko, nagmamadali lumabas ng banyo at muling nagbihis.
"Bilisan mo, bumalik ka agad dito!" Binaba agad niya ang tawag at naririnig ko ang bawat iyak nya sa kabilang linya. Nanginginig ako sa kaba at ginagawa ko ang makakaya ko para mapakalma ang sarili ko. Umalis ako doon saglit, naniniwala na kahit papano okay lang si mama, na magagawan ng paraan ng mga doctor ang kanyang kondisyon.
Bago ako umalis, ang bunsong kapatid ko na isa rin sa mga dahilan kaya ako umuwi para masilip din siya ay nagtanong, "Ate ano nangyayari kay mama?"
Hindi ko siya masagot. Hindi ko alam paano ko sasabihin na pinabalik ako ni papa at hindi siya okay sa tono ng kanyang boses. "Uhm, babalik din kami agad ah? May kailangan lang ako dalhin agad kay mama." Hindi ko na din inantay na magtanong siya, umalis agad ako sa bahay at buti na lang andon din ang nakakabata kong pinsan at Lola na samahan sya.
Lalo ako nanginig paglabas ng bahay. Ang lamig ng simoy ng hangin. Alam ko nalalapit na ulit ang panahon ng tag-ulan dahil kakapasok pa lang ng buwan ng Hunyo pero para sa akin, iba ang simoy ng hangin. Hindi dahil siguro sa lamig ng klima, pero parang may presensya akong kasama, niyayakap ako at sinasamahan.
Pagsakay ko ng taxi at makarating sa hospital, nakita ko ang papa ko na nakaluhod sa harap ng higaan ni mama. Ang pangatlong kapatid ko, umiiyak sa tabi niya. Parang bumagal ang mundo sa aking paligid at naglakad ako ng dahan dahan palapit sa aking ina.
Nakita ko na tinatanggal na ang mga aparato sakanya at alam ko na ano nangyari ngunit gusto ko marinig to sa mga doktor. At nang sila'y sabihin sakin ang totoo, parang nawala lahat ng tao sa paligid ko.
Lahat ng tinago ko ng halos dalawang buwan, nagpapakita ng tatag sa aking ama at mga kapatid tulad ng itunuro nila sakin, yun na ang una at huling beses nakita ko ng ama ko na bumigay.
Tumakbo ako palabas ng E.R at sumigaw ng sumigaw. Sinigaw ko ng paulit ulit ang nanay ko, tila hindi ko matanggap na nawala na lang siya ng ganon kaaga at ganon kabilis. Bakit ngayon siya kinuha ng Panginoon? Bakit niya kami iniwan ng hindi pa ko handa magtaguyod at may sakit din si papa?
BINABASA MO ANG
thrive.
General FictionBeing the eldest requires sacrifice. It is not only about being the oldest child of the family nor the responsibilities that they carry. It is so much more than that. It is so much before that. Follow Gabriela Lee's story on how she went through cr...