vi. halos mahalikan

197 24 9
                                        

vi. halos mahalikan

s a v

───────────────

Minsan pakiramdam ko pinanganak akong may balat sa puwet — pero 'yung kalahati lang na balat, kasi sa kabuuhan, sa iisa lang naman ako mukhang pinanganak na malas. Sa pag-ibig lang. O para mas eksakto — kay Sof lang.

Kay Sof lang yata ako binabarda nang ganito ng buhay.

Kahapon habang pauwi, buo na ang isip ko. Aamin na ako sa kanya. Ewan ko bakit napagdesisyunan kong balut 'yung pagsasaluhan namin habang aamin ako, pero 'yon lang kasi naisip ko nun kagabi. Parang walang karoma-romansa sa dugo ko, e, 'no.

Nai-imagine ko na nga nang ilang beses. 'Di ba, gabi. Magkasama kami. Ta's imbis na city lights may liwanag ng mga light bulbs sa mga kapitbahay na tulog, ta's mahinang radyo ng nagtitinda ng balut. Magtitinginan kami, ta's matatameme ako nang saglit kasi masyadong maganda ang mukha niya, pero masasabi ko  pa rin. 'Yung magic words.

Kaso gano'n nga 'yung nangyari.

Tangina talaga . . . 'yun na 'yon, e. Aamin na ako. Handa na ako. Tutuldukan ko na sana 'yung lima o anim na taong pananahimik ko. Sasabihin ko na sana, Sof, gusto kita. Matagal na. 'Wag mo 'ko barahin, seryoso ako. Kaso wala, naisipan bigla ni Edwin na umepal sa eksaktong gabi na aamin na sana ako.

Anak ng kinamalas-malasang tupa talaga 'ko. Bwisit.

Bukod sa kabadtripan ko, pansin kong mas nangibabaw pala 'yung sakit. Paano, harap-harapan niya nang pinili si Edwin. Pero ano ba naman kasing aasahan ko? Na piliin niya 'ko e ni hindi ko nga sinama 'yung sarili ko sa choices? Malamang mas titingnan niya 'yung magbibigay sa kanya ng isang buong essay tungkol sa kung gaano siya kagusto kaysa sa isang babaeng bigla bigla lang mag-aaya kumain ng balut.

Napabuntunghininga ako.

"Lalim no'n a," sabi ni Bry. "Ano, kumusta na lagay mo?"

Nasa classroom lang kami ngayon, naghihintay ng teacher. Si Sof, nasa kabilang dulo ng classroom, nakikipagdaldalan sa mga kaibigan niya.

"Tanga pa rin," sabi ko.

"Wow, self-aware."

"Kung babadtripin mo lang ako sobrang aga, 'wag mo na lang ako kausapin."

"Init ng ulo. May regla ka ba?"

"Mainit lang ulo, may regla agad? 'Di ba p'wedeng—"

"Heartbroken lang?"

Hindi ko na siya pinansin. Yumuko na lang ako sa desk ko.

"Huy," sabi niya, sinusundot ako. "Alam mo ba? Birthday party mamaya ni Edwin. Punta ba kayo ni Sof?"

"Ewan ko sa kanya." Kung ako tatanungin, ayoko nga pumunta. Medyo badtrip pa 'kong inunahan ako ni Edwin kay Sof kagabi . . . pero kung pupunta si Sof, pupunta rin ako. Gano'n naman lagi. Una, kasi gusto ko siyang kasama. Pangalawa, gusto ko ako maghatid sa kanya pauwi. Basta, gusto ko kami lagi magkasama. Papunta, pagkarating, at pag-uwi. Gusto ko kami lang. Kami lang. 

"Kambal tuko naman kayo. Kung nasa'n ka, nando'n din siya."

"Malamang pupunta 'yon sa birthday ng boyfriend niya."

"Ha?!"

"Makasigaw naman!" singhal ko. Tinulak ko mukha niya palayo sa 'kin. Napaka-OA talaga nitong halimaw na 'to kahit kailan.

"Boyfriend?!"

"Tsk, hindi pa! Inuunahan ko lang." Napahawi ako ng buhok.

"Diyos ko, Saint Mary, Maria Theresa, elementary school, anak ni Saul. Ano ba'ng plano mong bruha ka?"

pareho tayong halosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon