Ikalabing-isang Kabanata: Canaan o Kasawian?

172 10 0
                                    

Taong Kasalukuyan, Zombie Day 20 +1830 Hours,

"Men, 'wag na 'wag kayong mangingiming tapusin sila! Malalagay tayong lahat sa alanganin kapag may natirang kahit na isa sa kanila dito sa loob ng base!" malakas na sigaw ni Sub-Lieutenant Irene sa mga kasama niyang sundalo habang hinahanap ng grupo niya at binabaril ang lahat ng mga zombie na gumagala sa loob ng base namin sa Mactan Island. Bagama't napakahirap sa loob niya ay kinakailangan din nilang pagbabarilin ang mga sibilyan at mga katulad nilang sundalo na naging mga zombie din.

"Yes, Ma'am!" sagot naman ng mga sundalo na walang-tigil rin sa pagbaril sa mga 'yon. Mga ilang oras pa ang lumipas...

"Ma'am, nakagat po si Sergeant Andes," sabi sa kanya ng isa sa mga sundalong kasama niya.

Nang marinig niya iyon ay agad niyang pinuntahan ang isang matandang sarhento na nakilala at nakasama niya noong araw din lang na 'yon sa kuwartong pinagdalhan sa kanya ng mga kasama niya.

Napangiti naman sa kanya ang matandang sarhento. "Ma'am, pasensiya na po sa nangyaring ito sa 'kin," sabi sa kanya nito. Doon niya napansin ang malaking uka sa kanang braso nito na gawa ng pagkakakagat ng isang zombie sa kanya. "Hindi po kasi ako nag-iingat, eh."

"Huwag mong sisihin ang sarili mo," sagot naman sa kanya ni Irene. "Good job, Sergeant. Magaling ang ginawa mo ngayong araw na 'to."

Napangiting muli ang naturang sundalo. "Salamat po, Ma'am. Pero kasi...gustuhin ko man na makatrabaho pa kayo nang mas matagal...hindi na rin po puwede. Tama po ba?"

Bahagyang napapikit ng mga mata niya si Irene at napabuntung-hininga. "Nakakalungkot man sabihin pero...tama ka, Sergeant. Pasensiya na," sagot niya dito.

Napailing naman ang matandang sundalo. "Wala din po kayong dapat ihingi ng tawad sa 'kin, Ma'am," sabi naman nito sa kanya. "Nga po pala...kung okay lang po sa inyo...puwede po ba akong humingi ng pabor?" tanong nito sa kanya.

Tumingin naman si Irene sa kanya. "Sabihin mo, ano'ng pabor 'yon?" tanong niya dito.

Iniangat ng matandang sundalo ang baril na hawak niya. "Gusto ko pa pong lumaban. Puwede ba akong humingi sa'yo ng kahit na isang bala lang?" tanong sa kanya nito.

"Naman, Mistah. Halos hindi ka na nga makatayo, eh..." sabi naman sa kanya ng isa sa mga kasama niya nang sinenyasan siyang tumahimik ni Irene. Huminto naman ang sundalo sa kanyang pagsasalita.

Hindi na rin bago pa para kay Irene ang gustong mangyari ng matandang sundalo kaya agad siyang kumuha ng isang bala sa .9mm semi-automatic niya at iniabot 'yon sa kanya.

"Maraming salamat po, Ma'am. Ngayon naman po ay nais ko munang mapag-isa nang kahit na mga ilang saglit lang para magawa kong asikasuhin ang mga sugat ko bago ako lumabas," sabi naman nito sa kanya.

Agad namang humudyat sa iba si Irene na lumabas ng kuwarto. "Buo na ba ang desisyon mo tungkol dito?" tanong niya dito.

Tumingin naman sa kanya sa huling sandali ang matandang sundalo. "Opo, Ma'am. Sa pagkakataong ito, ang pinakahuling makakalaban ko ay ang mismong sarili ko kaya ang gusto ko po ay lalabanan ko siya nang mag-isa lang," sagot nito sa kanya. "Ayaw kong maging tulad nila. 'Yun ang desisyon ko," dagdag pa niya.

Nang marinig ni Irene ang sagot niya ay tiningnan lang niya ito sa huling sandali bago tuluyang lumabas ng kuwarto.

Mga ilang saglit pa ay nakarinig na sila ng malakas na putok ng baril mula doon sa kuwarto. Bagama't kahit na sanay na siya sa pakikipaglaban ay hindi pa rin niya naiwasang mapaigtad nang marinig 'yon.

Agad namang nagsibalik sa kuwarto ang mga kasama niyang sundalo. Doon nila nakumpirmang nagpakamatay na nga ito sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili niyang sentido. "Ma'am..." sabi ng isa sa mga sundalong humarap sa kanya.

Undead Chaos: Armageddon (UC Book #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon