Ang Alamat ng Araw, Buwan at mga Bituin

115 0 0
                                    

"The Legend of of the Sun, Moon and the Stars"

(Source: http://kuwentongbayanatalamat.blogspot.com/2010/11/ang-alamat-ng-araw-buwan-at-mga-bituin.html)


Noong unang panahon ang mundo ay pawang nababalot ng kaliwanagan. Laging magkasama and mag-asawang araw at buwan. Hindi matiwasay ang pagsasama ng mag-asawa dahil hindi binibigyan ng kapantay na karapatan ng araw ang kanyang asawang si buwan. Isa namang hulwarang ina at martir si buwan sa kanyang asawa at kahit na alam nyang hindi na tama ang inaasal ng kanyang asawa ay sinusunod pa din niya ito, kahit anu pang hirap ng iniuutos ng naghahari-hariang si araw.


Nagbalak mamasyal si araw ngunit bago sya umalis ay inutusan niya ang asawang si buwan na ipaglaga siya ng isang punong palayok ng gabi. Marahan namang ipinaliwanag ng buwan na hindi maaring mapuno ang palayok kahit na lagain ang mga dahon ng gabi sapagkat uurong lamang ang mga ito kapag naluto. sinigawan na lamang siya ng araw at iginiit pa din ang utos nito na sa kanyang pagbalik ay dapat niyang maabutan ang isang palayok na puno ng nilagang dahon ng gabi.


Naluha ang buwan sapagkat hindi maaaring mangyari ang ninanais ng asawa, ngunit inani pa din nya ang mga halamang gabi na kanyang matatanaw at nilaga. Nang makarating ang araw ay hindi pa rin puno ang palayok gaya ng inutos nya. Ipinaliwanag ng buwan na hindi talaga maari ang gustong mangyari ng araw at galit na sinigawan ang asawa sa pagkukulang nito.

"Lagi ka na lang ganyan! Hindi ka marunong sumunod sa kautusan. Noong nakaraan ay inutusan kitang palitan ng ibang kulay ang asul na karagatan, at pantayin naman ang mga bundok at burol sa kanluran ngunit ano ang iyong ginawa? Ipinagkibit-balikat mo na lang ang kautusan ko." galit na sinisi ng araw ang asawang si buwan.


Napuno na ang salop at galit na sinagot ng buwan ang mapang-abusong asawa. "Asawa mo ako at hindi utusan. Ako ay iyong kapantay. Kung ituturing mo din lang akong utusan ay mabuti pang maghiwalay na tayo!", maluha luhang pagtatapos ng asawa.

"Kung ayan ang kagustuhan mo ay susundin ko", pagmamataas ng asawang araw.

"Sa aking pag-alis ay isasama ko ang mga anak natin. Ako ang ina nila."

"Isasama sila, para ano? Mamatay sa lamig mo?" ang paghahamon at panunukso ng araw.

"Kung sa iyo sila sasama ay mamatay lamang sila sa init mo!" ang mariing pagtutol ng asawa.

"Ako ang ang ama, sa akin sila!" dabog ng araw at hinila ang ngayo'y umiiyak na mga batang bituin.

"Ako ang tunay na nagmamahal sa kanila, at kayakap nila. Sa akin sila sasama!" Paghatak naman ng inang buwan sa mga anak niyang bituin.


Sa kanilang pag-aaway at paghila sa mga bata ay nahulog sa kalawakan ang kanilang mga anak. Agad na hinabol ng ina ang mga anak na patuloy na lumalayo patungo sa kalawakan habang ang amang araw ay magiting at mapangmataas na tumayo lamang sa kanyang trono para sa pagbabalik ng kanyang asawa at mga anak.


Ito ang dahilan kung bakit magiting na nakatanglaw ang mainit na araw sa tanghaling tapat, habang sa gabi naman ang buwan ay nagbibigay ng malamlam na liwanag sa karimlan ng gabi kasama ang kanyang mga anak sa bituin sa kalangitan.

Shattered, Broken, BentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon