Chapter Ten

32.8K 1.2K 653
                                    

"Putangina! Anong sinasabi mo ate?! Magpapakasal sa iba si kuya Rheus? Nakabuntis siya ng iba?!"

Nanatili akong nakatulala sa sahig habang naghihisterikal si Evan sa galit. Kulang na lang maghagis ito ng mga gamit... Pagkatapos ng ilang araw kong pagmumukmok sa katotohanang nakabuntis si Rheus ng iba... ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na aminin sa kanila.

Napapikit nang mariin si lola at napahawak sa batok. "P-paano niya nagawa ang ganoon sa apo ko?"

Napakagat ako sa ibabang labi ko at pinaglaruan ang mga daliri ko. Ibinuhos ko na ang lahat ng iyak ko sa mga nakalipas na araw... para hindi na ako maiiyak pa kapag inamin ko na sa kanila ang totoo... pero ngayon, nagtatangka na namang kumawala ng luha sa mga mata ko.

Sinabi ko na rin sa mga kaibigan ko na wala na kami, pati sa bandmates ko. Binura ko na ang mga pictures namin ni Rheus sa facebook at b-in-lock siya nang tuluyan. Nagalit din ang mga kaibigan ko... lalo na sina Lammy at sina Xen... pero may parte sa kanila na hindi rin makapaniwala.

Kahit ako... hanggang ngayon, ang hirap pa rin paniwalaan para sa akin. Parang kailan lang... masaya pa kaming dalawa, tinitingnan niya ako sa paraan na parang ako lang ang nakikita niya, ngumingiti siya sa'kin na para bang ako lang ang nagpapasaya sa kaniya... parang kailan lang pinaramdam niya sa'kin na ako lang ang babaeng kailangan niya sa buhay niya.

Paano niya nagawa 'yon? Paano niya nagawang lokohin ako matapos niyang sabihin na mahal na mahal niya ako? Paano niya nagawang lokohin ako matapos niyang iparamdam sa akin na sobrang mahal niya ako?

"Putangina!" Agad na umalis si Evan ng bahay.

Agad akong napatayo at humabol sa kaniya. "S-saan ka pupunta?" tanong ko.

"Ano pa ba?! Tuturuan ko ng leksyon ang gagong 'yon!" Agad na inalis ni Evan ang pagkakahawak ko sa kaniya at sumakay sa motor niya.

Napalunok ako nang agad nitong pinaharurot ang sasakyan. Ngayon ko lang nakitang ganoon kagalit si Evan.

Agad akong sumakay ng taxi at sinundan siya... Ayoko na sanang makita pa ulit si Rheus... pero nag-aalala ako para kay Evan. Baka kung ano pa ang magawa niya kay Rheus at makulong siya... Kilala ko si Rheus... hindi 'yon lalaban kay Evan.

Nang makarating ako sa bahay ni Rheus, naabutan ko na si Evan na nakapaibabaw sa kaniya at pinuulanan siya ng suntok sa mukha at gaya ng inaasahan ko, hindi siya lumalaban kay Evan.

"Evan!" Agad akong tumakbo palapit sa kapatid ko at sinubukan siyang hilahin palayo kay Rheus, pero hindi siya nagpatinag.

"G-gago ka..."

Natigilan ako nang mapansing nabasag ang boses ni Evan. Muli niyang sinuntok si Rheus... pero hindi na kasing lakas noong una, tila nanghina na rin siya.

"P-pinagkatiwalaan kita para sa ate ko dahil akala ko mahal mo siya... Bakit mo nagawa 'yon sa ate ko? B-buong buhay niya wala siyang ginawa kundi alagaan kaming magkakapatid... siya ang naging nanay at tatay namin... Pumayag ako sa relasyon niyo dahil mukhang masaya siya sa'yo... Wala na 'kong ibang gusto kundi makitang masaya ang ate ko pagkatapos ng ilang taong pagsasakripisyo niya para sa'min... kaya bakit mo siya ginago? A-anong ginawa sa'yo ng ate ko para gaguhin mo at lokohin? Ha?!" Muli niyang sinuntok sa mukha si Rheus.

Napakagat ako sa ibabang labi ko at halos maluha nang marinig ang mga sinabi ni Evan... Halos maiyak na rin siya sa sama ng loob.

Napatingin si Rheus kay Evan... naluluha na naman siya kahit wala siyang karapatan. Umiiyak na naman siya na parang hindi siya ang nakasakit.

"I-I'm sorry... I'm so s-sorry... I'm sorry," paulit-ulit niyang sinabi habang lumuluha.

Tumayo si Evan at napabuga ng hangin. Tumingin siya nang masama kay Rheus at dinuro ito. "Hinding hindi ka namin mapapatawad, Rheus..." Sa pagkakataong 'to... hindi niya tinawag na 'kuya' si Rheus. "Wag na wag kang magpapakita ulit sa amin, lalo na kay ate... Baka makalimutan kong may pinagsamahan tayo at mapatay kita nang tuluyan," mariing sinabi ni Evan.

Shallow, Faltered (SERIE FEROCI 12)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon