Hindi ko alam, kung bakit minsan
May mga bagay akong 'di maintindihan
Animo'y napakahirap ipaliwanag
Mistulang naghahanap ng sariling liwanagUnti-unti mga mata'y pipikit
At baka sakaling may maimpit
Ngunit matatauhang saglit
Nababalot pala ako sa nakaraang kay paitHindi ko na naman alam
Kung anong pagsisidlan
Ng mga luhang nangulila sa isang paalam
At sa mga pangakong tuluyang naparamAkala ko'y tapos na
At gusto ko na sanang magpahinga
Ngunit 'yon pala ang tunay na simula
Sa pagbabago ng mga paalalaMahigit ilang taon ko rin tiniis
Ang maging mapag-isang nananangis
Sa mga bagay na lubos inihihilis
Gaya ng isang paglisang napakabilisMuli akong nagsimula
Nagbabakasakaling may mababago pa
Sa mga daang aking tataluntunin
At sa bagong karanasan na aking aakapinTumindig ako, nanatili sa aking sarili
Pilit na lumikha ng sariling dikta
Na mula sa sigaw ng pusong naghihikahos
At sa bulong ng isipang lubos na pumapatosTumigil ako saglit at muling nag-isip
Halos sampung segundo akong napatigil
Napagtantong hindi ito isang panaginip
Na kailan ma'y hindi maaaring mapigilMapaglaro pa rin palang tunay
Ang bawat ikot ng roleta sa buhay
'Pagkat aking natunghayan
Ang pagbubukas ng panibagong kasiyahanMula sa madilim kong pagkakalugmok
Ito'y binigyan mo ng liwanag na kukupot
Sa nangungulila kong pusong napopoot
At sa damdamin kong napakapusokMula sa maling pag-aakala
Bubuo na pala ako ng bagong alaala
Na nais ko sanang baunin kasama ang mga tala
Kaalinsabay sa pagbubukas ng bagong kabanataMapalad ako't ikaw ay aking nakilala
'Pagkat nabago ang mga likha sa aking balintataw
Tumatayog na ang lipad gaya ng isang salipawpaw
Kaagapay ang mga sinusundang laraSalamat sa iyong pagdating
Salamat sa iyong lambing
Salamat sa iyong yakap
Salamat sa iyong pagtanggapSalamat sa iyong pagmamahal
Salamat dahil ako'y 'di na napapagal ...
Salamat sa lahat-lahat
Salamat ... salamat ...