Jeep sa Estasyon ng Tren

15 0 0
                                    

Minsan,

napadpad ako

sa estasyon ng tren.

Sa estasyong

unang beses ko

pa lang

napupuntahan.

Wala lang.

Naisip ko lang pumunta

sa lugar na 'di ko pa

napupuntahan;

sa lugar na bago

sa aking paningin:

para magmuni,

mag-isip,

at pahupain ang damdaming

'di lingid sa kaalaman ng kahit sino.

Ugali ko talaga 'to:

ang pumunta sa isang lugar

para makalimot.

Katabi ko ang isang matandang lalaki.

Nag-aabang din siya ng masasakyan.

Saglit pa'y dumating na ang tren,

Ayoko pang sumakay, sabi ko.

Maluwag naman ang tren

pero naisip ko, sa susunod na lang.

Kaya ko naman maghintay.

Ngunit si lolo

hindi rin tumayo.

Nakatingin siya sa malayo.

Tila malalim

ang iniisip niya.

Pagka-alis ng tren,

di ko napigil ang aking

kadaldalan.

tinanong ko siya,

"Bakit 'di po kayo sumakay?"

sabi ko.

"Ikaw, bakit 'di ka sumakay?"

sagot niya.

"Wala lang po. May iniisip pa ako eh."

Hindi siya tumugon.

"Eh kayo po?"

"Naghihintay kasi ako ng jeep"

"Jeep?"

Imbis na matawa,

nanlaki ang aking mata.

sinong matinong tao

ang maghihitay ng jeep

sa estasyon ng tren?

"Lo, estasyon ho ng tren ito,

sa labas po ang terminal ng jeep."

sabi ko.

Tumingin siya sa akin,

nagsisi tuloy akong

pinatulan pa

ang kabaliwan niya.

"Iho, kahit sa estasyon

ng bus,

ng eroplano,

o barko,

may darating na jeep.

Darating ang hinihintay ko."

Napakunot ang aking noo.

Matapos noon,

namayani ang katahimikan.

Dumating na ang susunod na

tren.

Sasakay na ako.

Ngunit si lolo

ay 'di pa rin tumayo.

"Una na ho ako," sabi ko.

Sinagot niya ako

ng tango.

Sumakay na ako't umupo

sa tabi ng bintana.

Tanaw ko pa si lolo.

Nang umandar na ang tren,

nakita ko siyang kumakaway

sa akin.

Kumaway rin ako.

Saglit pa'y

napangiti ako.

Tama si lolo.

Sa likod ng kabaliwang iyon,

may natutunan ako.

Ang maghintay ng jeep

sa estasyon ng tren.

Jeep sa Estasyon ng TrenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon